AHAB
[Kapatid ng Ama].
1. Anak ni Omri at isang hari ng hilagang kaharian ng Israel. Namahala siya sa Samaria nang 22 taon, mula noong mga 940 B.C.E.—1Ha 16:28, 29.
Kinunsinti ang Huwad na Pagsamba. Ang rekord ni Ahab ang isa sa pinakamasasama kung tungkol sa tunay na pagsamba. Bukod sa nagpatuloy ang pinasamáng pagsamba kay Jehova sa pamamagitan ng mga ginintuang guya ni Jeroboam, pinahintulutan din ni Ahab na labis-labis na mahawahan ang Israel ng pagsamba kay Baal dahil sa kaniyang maagang pag-aasawa kay Jezebel, ang anak ni Etbaal na hari ng Sidon. Sa pagsipi sa sinaunang istoryador na si Menander, tinukoy ni Josephus si Etbaal bilang si Itobal, at inilahad ng ulat (Against Apion, I, 123 [18]) na siya ang saserdote ni Astarte bago siya lumuklok sa trono matapos paslangin ang hari.
Hinayaan ni Ahab ang kaniyang paganong asawang si Jezebel na ibuyo siya sa pagsamba kay Baal, magtayo ng isang templo para kay Baal, at magtindig ng isang sagradong poste bilang parangal kay Asera. (1Ha 16:30-33) Di-nagtagal ay nagkaroon ng 450 propeta ni Baal at 400 propeta ng sagradong poste, na pawang pinakakain sa maharlikang mesa ni Jezebel. (1Ha 18:19) Ang mga tunay na propeta ni Jehova ay pinatay sa pamamagitan ng tabak, at tanging ang pagkilos ng tagapamahala sa sambahayan ni Ahab na si Obadias, isang taong may pananampalataya, ang nakapagligtas sa 100 sa kanila nang itago niya sila sa mga yungib, kung saan tinustusan niya sila ng tinapay at tubig.—1Ha 18:3, 4, 13; 19:10.
Dahil sa pagbaling ni Ahab sa pagsamba kay Baal, sinabihan siya ni Elias na darating ang isang matinding tagtuyot na ayon sa Lucas 4:25 at Santiago 5:17 ay tumagal nang tatlong taon at anim na buwan. (1Ha 17:1; 18:1) Muli lamang uulan kung ipag-uutos ni Elias, at bagaman hinanap siya ni Ahab sa lahat ng nakapalibot na mga bansa at mga kaharian, hindi niya nasumpungan si Elias hanggang nang dumating ang takdang panahon. (1Ha 17:8, 9; 18:2, 10) Sinikap ngayon ni Ahab na ibunton ang sisi kay Elias dahil sa tagtuyot at taggutom, isang akusasyon na pinabulaanan naman ni Elias, anupat ipinakitang ang tunay na dahilan niyaon ay ang pagsamba kay Baal na tinatangkilik ni Ahab. Isang pagsubok na isinagawa sa taluktok ng Bundok Carmel ang nagpatunay na si Baal ay hindi umiiral at na si Jehova ang tunay na Diyos. Pinatay ang mga propeta ni Baal sa utos ni Elias, at di-nagtagal ay bumuhos ang isang malakas na ulan na tumapos sa tagtuyot. (1Ha 18:17-46) Bumalik si Ahab sa Jezreel at sa kaniyang asawa, na sinabihan niya tungkol sa mga pagkilos ni Elias laban sa Baalismo. Dahil dito, pinagbantaan ni Jezebel ang buhay ni Elias, kung kaya tumakas ito patungong Bundok Horeb.—1Ha 19:1-8.
Pagtatayo ng Kabisera; Mga Tagumpay Laban sa Sirya. Pinaniniwalaang kabilang sa gawaing pagtatayo ni Ahab ang pagkumpleto sa mga kuta ng Samaria, na ipinakita ng arkeolohiya na binubuo ng tatlong napakatibay na pader na napakahusay ng pagkakagawa. Isiniwalat ng mga paghuhukay ang isang parihabang plataporma ng palasyo na may lapad na mga 90 m (295 piye) at haba na mga 180 m (590 piye), na napalilibutan ng isang pader na yari sa mga batong pulido ang pagkakatabas. Natagpuan din doon ang maraming entrepanyong garing na pampalamuti sa mga muwebles at mga entrepanyo ng dingding, na marahil ay galing sa “bahay na garing” ni Ahab na binanggit sa 1 Hari 22:39.—LARAWAN, Tomo 1, p. 948; ihambing din ang Am 3:15; 6:4.
Ang yaman ng lunsod ng Samaria at ang tibay ng posisyon nito ay kaagad na nalagay sa bingit ng panganib nang kubkubin ito ng Siryanong si Ben-hadad II na nanguna sa isang koalisyon ng 32 hari. Bagaman noong pasimula’y pumayag si Ahab sa mga kahilingan ng mananalakay, nang bandang huli’y tumanggi siya na basta na lamang samsaman ang kaniyang palasyo. Nabigo ang mga negosasyong pangkapayapaan, at pinatnubayan ng Diyos si Ahab sa paggamit ng isang estratehiya sa pakikipagbaka na hindi inaasahan ng kaaway at naging dahilan upang mapatay sila nang lansakan, bagaman si Ben-hadad ay nakatakas.—1Ha 20:1-21.
Palibhasa’y kumbinsido na si Jehova ay ‘diyos na pambundok’ lamang, bumalik si Ben-hadad nang sumunod na taon kasama ang isang hukbong militar na kasinlaki ng dati, ngunit humanay sila para sa pagbabaka sa halos patag na talampas na malapit sa Apek sa teritoryo ng Manases, sa halip na pumunta sa bulubunduking pook ng Samaria. (Tingnan ang APEK Blg. 5.) Ang mga hukbong Israelita ay pumaroon sa dako ng pagbabaka ngunit nagmistulang “dalawang maliliit na kawan ng mga kambing” kung ihahambing sa pagkalaki-laking kampamentong Siryano. Palibhasa’y napasigla ng pangako ni Jehova na ipakikita niyang hindi nakadepende sa heograpiya ang kaniyang kapangyarihan, lubusang nalupig ng hukbo ni Ahab ang kaaway. (1Ha 20:26-30) Gayunman, katulad na katulad ng ginawa ni Haring Saul kay Agag na Amalekita, hinayaan ni Ahab na manatiling buháy si Ben-hadad at nakipagtipan siya rito upang maibalik sa Israel ang nabihag na mga lunsod at maitalaga kay Ahab ang mga lansangan sa Damasco, maliwanag na para mapagtayuan ng mga tindahan, o mga pamilihan, upang makapagnegosyo si Ahab sa kabiserang iyon ng Sirya. (1Ha 20:31-34) Tulad ni Saul, si Ahab ay hinatulan ni Jehova dahil dito, anupat inihula na may kapahamakang darating sa kaniya at sa kaniyang bayan.—1Ha 20:35-43.
Pagpaslang kay Nabot, at mga Resulta Nito. Sa panahon ng namagitang tatlong-taóng kapayapaan, naisip ni Ahab na bilhin ang ubasan ni Nabot ng Jezreel, isang piraso ng lupain na gustung-gusto ni Ahab dahil katabi lamang iyon ng lupain ng palasyong tinitirahan niya roon. Nang tanggihan ni Nabot ang kaniyang kahilingan dahil sa kautusan ng Diyos na hindi maaaring sirain ang pagmamay-ari sa mana, si Ahab ay galít na umuwi sa kaniyang bahay, humiga sa kaniyang higaan nang nakaharap sa dingding at ayaw kumain. Nang malaman ng kaniyang paganong asawa na si Jezebel kung bakit siya nalulumbay, isinaayos nito na maipapaslang si Nabot sa pamamagitan ng isang pakunwaring paglilitis sa paratang na pamumusong, anupat gumamit siya ng mga liham na isinulat sa pangalan ni Ahab. Nang inaangkin na ni Ahab ang pinag-iimbutan niyang lote ng lupa, sinalubong siya ni Elias at tinuligsa siya nang matindi bilang isang mamamaslang at isa na nagbili ng kaniyang sarili upang gumawa ng kabalakyutan, dahil sa pangungulit ng kaniyang paganong asawa. Kung paanong hinimod ng mga aso ang dugo ni Nabot ay gayundin hihimurin ng mga aso ang dugo ni Ahab, at si Jezebel mismo at ang mga inapo ni Ahab ay magiging pagkain ng mga aso at mga ibong kumakain ng bangkay. Natauhan siya sa mga salitang ito, at sa tindi ng pighati ay nag-ayuno si Ahab at nagsuot ng telang-sako, anupat siya’y paupu-upo at palakad-lakad dahil sa kalumbayan. Sa dahilang ito, pinagpakitaan siya ng kaunting awa at ipinagpaliban ang pagpapasapit ng kapahamakan sa kaniyang sambahayan.—1Ha 21:1-29.
Ang kaugnayan ni Ahab sa Juda sa dakong T ay tumibay dahil sa isang alyansa ukol sa pag-aasawa nang mapangasawa ng kaniyang anak na si Athalia ang anak ni Haring Jehosapat na si Jehoram. (1Ha 22:44; 2Ha 8:18, 26; 2Cr 18:1) Noong minsang dumalaw si Jehosapat sa Samaria, hinimok ito ni Ahab na tulungan siyang bawiin ang Ramot-gilead mula sa mga Siryano, yamang lumilitaw na hindi nila lubusang tinupad ang mga kundisyon ng tipang ginawa ni Ben-hadad. Bagaman tiniyak ng isang pangkat ng mga bulaang propeta na magtatagumpay sila, nagpumilit si Jehosapat na ipatawag ang propetang si Micaias, na kinapopootan ni Ahab, at humula naman ito ng tiyak na kapahamakan. Matapos ipag-utos ni Ahab na arestuhin si Micaias, itinuloy pa rin niya ang pagsalakay. Bagaman nagbalatkayo siya bilang pag-iingat, tinamaan siya ng isang ligáw na palaso na naging dahilan upang unti-unti siyang mamatay. Ang kaniyang bangkay ay dinala sa Samaria upang doon ilibing at nang ‘pasimulan nilang hugasan ang karong pandigma sa tabi ng tipunang-tubig ng Samaria hinimod ng mga aso ang kaniyang dugo.’ Isang malaking artipisyal na sahuran ng tubig ang nahukay sa HK panulukan ng malawak na looban ng palasyo sa Samaria, at maaaring dito natupad ang bahaging iyon ng hula.—1Ha 22:1-38.
Mga Inskripsiyong Moabita at Asiryano. May binanggit na muling pagtatayo ng Jerico noong panahon ng paghahari ni Ahab, marahil ay bahagi ng isang programa upang higit na makontrol ng Israel ang Moab. (1Ha 16:34; ihambing ang 2Cr 28:15.) Sa Batong Moabita ni Haring Mesa, binanggit na ang Moab ay nasupil ni Haring Omri at ng kaniyang anak.
Kalakip sa mga inskripsiyong Asiryano na naglalarawan sa pagbabaka sa pagitan ni Salmaneser III at ng isang koalisyon ng 12 hari sa Karkar ang pangalang A-ha-ab-bu bilang isang miyembro ng koalisyon. Tinatanggap ng karamihan sa mga iskolar na ito’y isang pagtukoy kay Haring Ahab ng Israel, ngunit para sa katibayan na nagpapakitang hindi tiyak ang gayong pag-aangkin, tingnan ang artikulong SALMANESER Blg. 1.
2. Isang bulaang propeta na kabilang sa mga tapon sa Babilonya; anak ni Kolaias. Inihula ni Jeremias na ang imoral at sinungaling na propetang ito at ang kaniyang kasamahan ay iihawin ni Nabucodonosor sa apoy.—Jer 29:21-23.