ASAIAS
[Si Jah ang Gumawa].
1. Isang inapo ni Merari, ikatlong anak ni Levi, at ulo ng isang sambahayan sa panig ng ama. Isa siya sa mga pinuno na kabilang sa mga Levitang kasama sa grupo ng 862 na pinili upang makibahagi sa pag-aahon ng kaban ng tipan sa Jerusalem noong ikalawang pagkakataon na tangkain ni David na ilipat ang kaban (na naging matagumpay naman).—1Cr 6:29, 30; 15:4-12.
2. Isang pinuno ng tribo ni Simeon noong mga araw ni Haring Hezekias (745-717 B.C.E.). Kabilang siya sa mga Simeonita na nakibahagi sa pagbihag sa isang matabang libis sa lugar ng Gedor, na tinatahanan noon ng mga Hamita at mga Meunim.—1Cr 4:36-41.
3. Bilang “lingkod ng hari,” isa siya sa pangkat na binubuo ng limang lalaki, sa pangunguna ni Hilkias, na isinugo ni Haring Josias sa propetisang si Hulda upang sumangguni kay Jehova tungkol sa kahulugan ng natuklasang aklat ng Kautusan (noong 642 B.C.E.).—2Ha 22:3, 8, 12-14; 2Cr 34:20, 21.
4. Ang panganay ng mga Shilonita (1Cr 9:1-3, 5), na nakatalang kabilang sa mga bumalik mula sa Babilonya pagkaraan ng pagkatapon. Sa Nehemias 11:5, may binanggit na Maaseias na isang “Shelanita” at inapo ni Juda, at dahil magkahawig ang kahulugan ng kanilang mga pangalan (ang Maaseias ay nangangahulugang “Gawain ni Jehova”), ipinapalagay ng ilan na sila ay iisang tao na nagmula kay Shela, ang bunsong anak ni Juda sa anak na babae ni Shua na Canaanita.—Gen 38:2, 5; tingnan ang MAASEIAS Blg. 17.