BERNICE
[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “manlupig”].
Anak ni Herodes Agripa I sa asawa nitong si Cypros; ipinanganak noong mga 28 C.E.; kapatid nina Mariamne III, Drusila, at Herodes Agripa II. (Tingnan ang HERODES Blg. 4.) Dinalaw ni Bernice at ng kaniyang kapatid na si Agripa si Gobernador Festo sa Cesarea noong 58 C.E., kung saan silang dalawa, sa paanyaya ni Festo, “ay dumating na may labis na pagpaparangya at pumasok sa silid ng pagdinig kasama ang mga kumandante ng militar at gayundin ang mga bantog na lalaki sa lunsod.” Pagkatapos, ang bilanggong si Pablo ay ipinasok at pinahintulutang magbigay ng mapuwersa at mahusay na pagtatanggol sa harap ng lahat ng mga dignitaryong ito.—Gaw 25:13, 23; 26:1-30.
Sa napakabatang edad, napangasawa ni Bernice si Marcus, anak ni Alejandro Lysimachus. Pagkamatay ni Marcus ay napangasawa niya ang kaniyang tiyo na si Herodes, hari ng Chalcis. Nagkaanak siya kay Herodes ng dalawang lalaki bago ito mamatay noong 48 C.E. Pagkatapos, pumisan siya sa kaniyang kapatid na lalaki hanggang sa kumalat ang usap-usapan na mayroon silang insestong relasyon. Kasunod nito ay nagpakasal siya kay Polemo na hari ng Cilicia matapos itong magpakumberte sa Judaismo. Ngunit di-nagtagal ay iniwan niya ito at muling pumisan sa kaniyang kapatid. Noong panahong iyon sila dumalaw ni Agripa sa Cesarea.
Noong 65 C.E., isinapanganib ni Bernice ang kaniyang buhay upang maipagtanggol ang mga Judio laban kay Florus, na nagsusulsol ng patayan at alitan sa Jerusalem. Nang maglaon, siya at ang kaniyang kapatid, gaya ng maraming iba pa, ay nanumpa ng katapatan sa Romanong emperador na si Vespasian. Si Bernice ay dinala pa nga ni Tito, na anak ng emperador, patungong Roma upang maging kaniyang asawa, bagaman sampung taon ang tanda ni Bernice sa kaniya. Ngunit dahil sa pagpoprotesta ng mga Romano, na tutol na magkaroon sila ng isang reynang Judio, pinutol ni Tito ang kaniyang kaugnayan kay Bernice.