BET-ZUR
[Bahay ng Bato].
Isang bayan sa bulubunduking pook ng Juda na itinala sa ulat sa pagitan ng Halhul at Gedor. (Jos 15:58) Ang pangalang ito ay napanatili sa Burj es-Sur, samantalang ipinakikita naman ng arkeolohikal na paghuhukay na ang aktuwal na lugar ng sinaunang lunsod ay ang Khirbet et-Tubeiqeh (Bet Zur), mga 0.5 km (0.3 mi) sa dakong HK. Ang lokasyong ito ay 7.5 km (4.5 mi) sa H ng Hebron, anupat ang Gedor ay mga 5 km (3 mi) sa mas dako pang HHK at ang Halhul ay 1.5 km (1 mi) sa dakong TTS. Inilalarawan ito bilang isa sa pinakamataas na wasak na bayan sa Palestina, palibhasa’y nasa isang burol ito na 1,007 m (3,304 na piye) ang taas mula sa kapantayan ng dagat. Yamang ito ay malapit sa lansangang-bayan na mula H hanggang T sa rutang tumatalunton sa kahabaan ng kabundukan at nakapuwesto rin sa bungad ng mga rutang patungo naman sa Maresa at Libna sa K, ang Bet-zur ay nasa isang estratehikong lokasyon.
Pagkatapos na mahati ang kaharian, ang Bet-zur ay isa sa 15 lunsod na muling itinayo at pinatibay ni Haring Rehoboam upang maipagsanggalang ang Juda at Benjamin laban sa pagsalakay. (2Cr 11:5-12) Kabilang ito sa mga lunsod na muling tinahanan ng mga Judiong bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya. (Ne 3:16) Noong yugtong Macabeo, ang Bet-zur (tinatawag noon na Betsura) ay nagkaroon ng mahalagang bahagi sa pakikipaglaban ng mga Judio sa mga haring Seleucido ng Sirya. Inilalahad sa Apokripal na aklat ng Unang Macabeo ang natatanging tagumpay roon ni Judas Maccabaeus laban sa mga hukbong Siryano (165 B.C.E.), anupat pagkatapos nito ay muli niyang pinatibay ang lunsod. (1 Macabeo 4:61; 6:26) Noong 162 B.C.E., kinubkob ng mga Siryano ang lunsod, at nang bandang huli ay sumuko ito dahil sa kakapusan sa pagkain. (1 Macabeo 6:30-50) Naging isang garison ito ng mga Siryano, at pinatibay ni Heneral Bacchides ang mga kuta nito.—1 Macabeo 9:52.
Ipinakikita ng arkeolohikal na paghuhukay sa Bet-zur noong 1931 at 1957 na nagkaroon doon ng matitibay na kuta. Maraming barya ang natagpuan doon na mula pa noong ikaapat hanggang ikalawang siglo B.C.E.; kabilang sa mga ito ang mga pilak na baryang Judio na pinaniniwalaang mula pa noong yugtong Persiano o noong mga ikaapat na siglo B.C.E.
Ang pangalang Bet-zur ay lumilitaw sa 1 Cronica 2:45 sa isang talaan ng angkan ng mga inapo ni Caleb na kapatid ni Jerameel. Doon ay sinasabing si Maon “ang ama ni Bet-zur.” Ipinapalagay ng maraming komentarista na ang Bet-zur ay tumutukoy sa bayan na may gayong pangalan. Kung gayon ay si Maon ang ama niyaong mga naninirahan doon, o marahil ay ang pinuno ng lunsod.