PEKTORAL
Ang sagrado at burdadong lukbutan na isinusuot ng mataas na saserdote ng Israel sa tapat ng kaniyang puso kapag pumapasok siya sa dakong Banal. Ang pektoral (sa Heb., choʹshen) ay magsisilbing isang “pinakaalaala” at lumilitaw na tinutukoy ito bilang “ang pektoral ng paghatol” dahil dito nakalagay ang Urim at Tumim na ginagamit sa pagsisiwalat ng mga hatol ni Jehova.—Exo 28:15, 29, 30.
Tulad ng epod, ang pektoral ay yari sa pinakamaiinam na materyales na ginto, sinulid na asul, lanang tinina sa mamula-mulang purpura, sinulid na iskarlatang kokus, at mainam na linong pinilipit. (Exo 28:15) Gayunding mga materyales ang ginamit sa sampung telang pantolda na binurdahan ng mga pigurang kerubin, sa kurtinang naghihiwalay sa dakong Banal at sa Kabanal-banalan, at sa pantabing para sa pasukan ng tolda. Ang kinakailangang mga materyales ay kusang-loob na iniabuloy ng mga Israelita at binuo nina Bezalel at Oholiab mismo o kaya’y sa ilalim ng kanilang pangangasiwa.—Exo 26:1, 31, 36; 31:2-6; 35:21-29.
Maliwanag na ang tela para sa pektoral ay may haba na isang siko at lapad na isang dangkal, kaya naman magiging parisukat ito kapag itinupi, anupat nagiging isang lukbutan na maaaring pinaglagyan noon ng Urim at Tumim. Ang harapan ng pektoral ay napapalamutian ng 12 mahahalagang bato na nakakabit sa mga enggasteng ginto at nakaayos sa apat na hanay na may tigtatatlong bato. Sa bawat bato ay nakalilok ang pangalan ng isa sa mga tribo ng Israel. (Exo 28:15-21, 28; 39:8-14; Lev 8:8) Ang mga hiyas sa bawat hanay ay maaaring nakaayos ayon sa pagkakatala ng mga ito, anupat mula sa kanan pakaliwa (gaya ng pagbasa sa Hebreo). Hindi masasabi nang may katiyakan kung aling mahalagang bato at tribo ang magkapares.—Tingnan ang mahahalagang bato sa ilalim ng kani-kanilang indibiduwal na pamagat.
Ang pektoral ay nakapatong sa epod sa ganitong paraan: Dalawang pinagkawing-kawing na mga tanikala na yari sa dalisay na ginto ang nakakabit sa dalawang argolyang ginto na nasa magkabilang gilid ng itaas na bahagi ng pektoral. Ang dulo ng mga tanikalang ito ay nakakabit naman sa dalawang enggasteng ginto na nasa ibabaw ng dugtungang pambalikat ng epod. Dalawang argolyang ginto rin ang inilagay sa magkabilang dulo ng ibabang gilid ng pektoral sa panig na nakaharap papaloob sa epod. Sa pamamagitan ng isang panaling asul, ang mga argolyang ito ay nakatali sa dalawang argolyang ginto na nasa dulo ng mga dugtungang pambalikat ng epod sa mismong ibabaw ng pamigkis.—Exo 28:22-28; 39:15-21.