KRISTIYANONG GRIEGONG KASULATAN
Tinukoy ito sa gayong katawagan upang ipakita ang kaibahan nito sa Griegong Septuagint na salin ng Hebreong Kasulatan bago ang panahong Kristiyano. Ang huling bahaging ito ng Bibliya ay karaniwan nang tinatawag na Bagong Tipan.—Tingnan ang BIBLIYA.
Dalawampu’t pitong kanonikal na aklat ang bumubuo sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Pagkamatay ni Jesus, walong lalaki ang sumulat ng mga aklat na ito sa ilalim ng pagkasi: sina Mateo, Marcos, Lucas, Juan, Pablo, Santiago, Pedro, at Judas. Hindi lahat ng mga lalaking ito ay tagasunod ni Jesus noong panahon ng kaniyang ministeryo; sa katunayan, ang tatlong apostol lamang na sina Mateo, Juan, at Pedro ang tiyak na mga tagasunod niya noon. Maaaring si Marcos ang “kabataang lalaki” na sumunod kay Jesus mula sa di-kalayuan matapos arestuhin si Jesus. (Mar 14:51, 52) Noong Pentecostes, si Santiago, si Judas, at marahil pati si Marcos ay naroroong kasama nila. (Gaw 1:13-15; 2:1) Nang maglaon, nakumberte ang apostol na si Pablo. Ang lahat ng mga manunulat na ito ay nagkaroon ng malapit na pakikipag-ugnayan sa lupong tagapamahala ng unang-siglong kongregasyon sa Jerusalem.
Sa anong wika orihinal na isinulat ang mga aklat na ito? Maliban sa aklat ng Mateo, na orihinal na isinulat sa Hebreo at nang maglaon ay isinalin sa Griego, ang lahat ng iba pang 26 na aklat ay isinulat sa karaniwang Griego, ang Koine, na siyang internasyonal na wika noong mga araw na iyon.—Tingnan ang MATEO, MABUTING BALITA AYON KAY.
Hindi basta nagkataon lamang na sa wikang Griego ginawa ng kinasihang mga lalaking Kristiyanong iyon, na pawang likas na mga Judio (Ro 3:1, 2), ang kanilang mga isinulat. Ang mga ito ay hindi pribadong mga pakikipagtalastasan kundi nilayong ipamahagi nang malawakan, upang mabasa at mapag-aralan ng lahat ng kongregasyon. (Col 4:16; 1Te 5:27; 2Pe 3:15, 16) Ang mga manunulat ay inutusan ng Diyos na palaganapin ang mabuting balita at ang turong ito hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa, sa mga lugar na hindi gumagamit ng Hebreo at Latin sa pagbasa. (Mat 28:19; Gaw 1:8) Maging sa mga teritoryong mas malapit sa Palestina, patuloy na dumarami ang mga di-Judio na nagiging bahagi ng lokal na mga kongregasyon. Karagdagan pa, kapag sumisipi sa Hebreong Kasulatan, malimit na ang Griegong Septuagint ang ginagamit ng mga manunulat na iyon.
Ang mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, itinala ayon sa tinatayang taon (C.E.) ng pagsulat, ay ang mga sumusunod: Mateo, 41; 1 at 2 Tesalonica, 50 at 51; Galacia, 50-52; 1 at 2 Corinto, 55; Roma, 56; Lucas, 56-58; Efeso, Colosas, Filemon, Filipos, 60-61; Hebreo, Mga Gawa, 61; Santiago, bago ang 62; Marcos, 60-65; 1 Timoteo, Tito, 61-64; 1 Pedro, 62-64; 2 Pedro, 64; 2 Timoteo, Judas, 65; Apocalipsis, 96; Juan at 1, 2, 3 Juan, 98. Ang yugtong ito na di-lalampas sa 60 taon ay malayung-malayo sa halos 11 siglong ginugol upang matapos ang Hebreong Kasulatan.
Nang dumating ang panahon upang ang mga aklat na ito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay tipunin sa isang tomo, hindi pinagsunud-sunod ang mga ito ayon sa kung alin ang mas unang isinulat. Sa halip, inayos ang mga ito sa lohikal na paraan ayon sa paksa, na maaaring pagpangkat-pangkatin bilang (1) ang limang makasaysayang aklat ng mga Ebanghelyo at Mga Gawa, (2) ang 21 liham, at (3) ang Apocalipsis.
Ang apat na Ebanghelyo (ang salitang “Ebanghelyo” ay nangangahulugang “mabuting balita”), isinulat nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan, ay nagbibigay sa atin ng apat na makasaysayang ulat ng buhay at gawain ni Jesus, na bawat ulat ay isang independiyenteng salaysay. Kung minsan, ang unang tatlo sa mga ito ay tinatawag na sinoptiko (nangangahulugang “magkatulad ng pangmalas”) sapagkat halos magkakapareho ang paraan ng paglalahad ng mga ito sa ministeryo ni Jesus kung ihahambing sa Ebanghelyo ni Juan, gayunma’y mababanaag sa bawat ulat ang indibiduwalidad ng manunulat. Ang Ebanghelyo naman ni Juan ay naglalaan ng mga detalye na hindi inilakip ng tatlo. Pagkatapos, ang lohikal na kasunod ng mga ito ay ang Mga Gawa ng mga Apostol, na naglalaman ng kasaysayan ng kongregasyong Kristiyano mula nang itatag iyon noong Pentecostes hanggang pagkalipas ng halos 30 taon pagkamatay ni Jesus.
Ang panloob na mga gawain ng kongregasyon, ang mga suliranin nito, ang pangmadlang pangangaral nito, ang iba pa nitong mga pribilehiyo, at ang mga pag-asa nito ay tinatalakay sa 21 liham na kasunod ng makasaysayang seksiyon. Tinutukoy si Pablo bilang ang manunulat ng 13 liham. Karaniwan ding kinikilala na si Pablo ang sumulat ng liham sa mga Hebreo. Ang mga akdang ito ay sinundan ng isang grupo ng mga liham, na ang karamihan ay isinulat para sa lahat ng kongregasyon sa pangkalahatan, nina Santiago, Pedro, Juan, at Judas. At ang panghuli, na nagsisilbing kasiya-siyang kasukdulan ng buong Bibliya, ay ang Apocalipsis na may patiunang pagpapaaninaw ng mahahalagang pangyayari sa hinaharap.
Gaano kalawak ang ginawang pagsipi ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan mula sa Hebreong Kasulatan?
Ang mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay daan-daang ulit na sumipi mula sa Hebreong Kasulatan. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang Bagong Sanlibutang Salin ay nagpapakita ng 320 talata bilang tuwirang mga pagsipi mula sa Hebreong Kasulatan. Ayon sa isang talaang inilathala nina Westcott at Hort, ang kabuuang bilang ng mga pagsipi at mga pagtukoy ay mga 890. (The New Testament in the Original Greek, Graz, 1974, Tomo I, p. 581-595) Ang lahat ng kinasihang Kristiyanong manunulat ay humalaw ng mga halimbawa mula sa Hebreong Kasulatan. (1Co 10:11) Walang alinlangang ginamit ng Kristiyanong mga manunulat na ito ang banal na pangalang Jehova kapag sumisipi sila mula sa Hebreong Kasulatan. Tinatanggap at kinikilala ng mas huling mga manunulat na ito ang Hebreong Kasulatan bilang kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang upang ang tao ng Diyos ay lubusang masangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.—2Ti 3:16, 17; 2Pe 1:20, 21.
Pagkamatay ng mga apostol, ang di-kinasihang mga manunulat ay gumawa ng napakaraming pagsipi mula sa Griegong Kasulatan, kung paanong sumipi rin ang kinasihang mga Kristiyanong manunulat ng Bibliya mula sa mga nauna sa kanila.
Sa ngayon, para sa pahambing na pagsusuri, mayroon tayong mahigit sa 13,000 manuskritong papiro at vellum na naglalaman ng kabuuan o isang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, na mula pa noong ika-2 hanggang ika-16 na siglo. Sa mga ito, mga 5,000 ang nasa wikang Griego, at ang nalalabi ay nasa iba pang mga wika. Ang mahigit sa 2,000 sa sinaunang mga kopya ay naglalaman ng mga Ebanghelyo, at ang mahigit sa 700 naman ay ng mga liham ni Pablo. Bagaman hindi na umiiral ngayon ang mismong orihinal na mga sulat, mayroon tayong mga kopya na mula pa noong ikalawang siglo, na napakalapit sa panahon nang isulat ang mga orihinal. Dahil sa napakalaking bilang na ito ng mga manuskrito, ang mga iskolar sa Griego, sa paglipas ng mga taon, ay nakagawa ng isang lubhang pinahusay na tekstong Griego ng Kasulatan, na nagpapatunay sa maraming aspekto na ang ating makabagong-panahong mga salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay maaasahan at may integridad.—Tingnan ang MANUSKRITO NG BIBLIYA, MGA.
Dahil sa gabundok na mga manuskritong ito, isang iskolar ang nagsabi: “Ang kalakhang bahagi ng mga salita sa Bagong Tipan ay hindi saklaw ng lahat ng nagtatanging mga proseso ng kritisismo, sapagkat ang mga ito ay malaya sa pagbabago, at nangangailangan lamang na kopyahin. . . . Kung isasaisantabi ang maliliit na pagkakaiba, gaya ng mga pagbabago sa pagkakasunud-sunod, pagsisingit o pag-aalis ng pantukoy sa mga pangalang pantangi, at mga tulad nito, ang mga salita, sa aming opinyon, na pinag-aalinlanganan pa rin ay hindi pa hihigit sa ikasanlibong bahagi ng buong Bagong Tipan.” (The New Testament in the Original Greek, Tomo I, p. 561) Maidaragdag din dito ang obserbasyon ni Jack Finegan: “Ang pagiging magkalapit ng panahon ng pinakamatatandang manuskrito ng Bagong Tipan at ng orihinal na mga teksto ay talaga namang kamangha-mangha. . . . Ukol sa kaalaman natin hinggil sa mga akda ng karamihan sa klasikal na mga awtor, dumedepende tayo sa mga manuskrito na ang pinakamatanda ay nagmula sa isang panahon sa pagitan ng ikasiyam at ikalabing-isang siglo A.D. . . . Kaya naman ang pagiging tumpak ng teksto ng Bagong Tipan ay higit na napagtitibay kaysa sa alinpamang sinaunang aklat. Ang mga salitang ipinatungkol ng mga manunulat ng Bagong Tipan sa kanilang daigdig at panahon ay nakatawid sa mas malalayong milya at siglo hanggang sa atin nang hindi gaanong nagbago ang anyo at tiyak namang hindi nabawasan ang kapangyarihan.”—Light From the Ancient Past, 1959, p. 449, 450.
Bilang isang mahalagang bahagi ng nasusulat na Salita ng Diyos, ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay may napakalaking kahalagahan. Ito’y naglalaman ng apat na ulat tungkol sa ministeryo ng bugtong na Anak ng Diyos, lakip ang pinagmulan niya, ang turo niya, ang halimbawa niya, ang sakripisyong kamatayan niya, at ang kaniyang pagkabuhay-muli. Ang makasaysayang rekord ng pagkabuo ng kongregasyong Kristiyano at ng pagbubuhos ng banal na espiritu, na naging dahilan upang matagumpay itong lumago, gayundin ang mga detalye may kinalaman sa mga suliranin nito at kung paano nalutas ang mga iyon—ang lahat ng ito ay napakahalaga sa paggana ng tunay na kongregasyong Kristiyano sa ngayon. Ang hiwa-hiwalay na mga aklat na magkakabukod na isinulat para sa partikular na mga tao o mga situwasyon, o nang may pantanging punto de vista at layunin sa isipan, ay sama-samang bumubuo ng isang napakahusay na kalipunan na may pagkakasuwato, kumpleto, at hindi kulang sa anumang detalye. Ito’y nagsisilbing kapupunan ng kanon ng Bibliya at sa kasalukuyan ay may pangkalahatang kahalagahan pangunahin na sa espirituwal na Israel, na siyang kongregasyon ng Diyos, ngunit gayundin sa lahat ng taong naghahangad ng pagsang-ayon ng Diyos.
Para sa impormasyon hinggil sa nilalaman ng 27 aklat, sa mga manunulat ng mga iyon, sa panahon ng pagsulat, at sa katibayan ng autentisidad, tingnan ang indibiduwal na mga aklat ayon sa pangalan.