PAGTILAOK NG MANOK
Ito ang itinawag sa ikatlong yugto ng pagbabantay sa gabi, ayon sa paghahati-hati sa gabi na ginawa ng mga Griego at ng mga Romano. (Mar 13:35) Katumbas ito ng mga oras na mula mga hatinggabi hanggang mga alas tres ng umaga.
Nagkaroon ng mga talakayan tungkol sa paksang pagtilaok ng manok (sa Gr., a·le·kto·ro·pho·niʹa) dahil sa pagtukoy rito ni Jesus may kaugnayan sa hula niya hinggil sa gagawing pagkakaila sa kaniya ni Pedro sa tatlong pagkakataon. (Mat 26:34, 74, 75; Mar 14:30, 72; Luc 22:34; Ju 13:38) Salig sa mga pananalita sa Judiong Mishnah (Bava Kamma 7:7), nangangatuwiran ang iba na noon ay walang inaalagaang mga tandang sa Jerusalem, yamang nagdudulot ang mga ito ng karumihan sa seremonyal na paraan kapag kinakahig ng mga ito ang lupa. Sinasabi nila na ang pagtilaok ng manok na binanggit ni Jesus ay aktuwal na tumutukoy sa Romanong gallicinium, isang hudyat ng panahon na diumano’y isinasagawa sa pamamagitan ng pagpapatunog ng mga trumpeta ng bantay na Romano na nakapuwesto sa mga muralya ng Tore ng Antonia sa Jerusalem, sa pagtatapos ng ikatlong pagbabantay sa gabi.
Gayunman, ipinahihiwatig ng mga pagtukoy sa Judiong Talmud na noong mga panahong iyon ay may inaalagaang mga tandang sa Jerusalem. (Halimbawa, tingnan ang The Mishnah, Eduyyot 6:1.) Ang karagdagan pang pahiwatig ay ang paggamit ni Jesus, habang nagdadalamhati siya dahil sa lunsod ng Jerusalem, ng isang simili tungkol sa isang ‘inahing manok na nagtitipon ng mga sisiw nito sa ilalim ng mga pakpak nito’ upang ipakita ang ninais niyang gawin para sa Jerusalem. (Mat 23:37) Ang pinipili niyang mga ilustrasyon noon ay laging yaong madaling mauunawaan ng kaniyang mga tagapakinig. Kaya, sa pananalita niya kay Pedro, waring walang makatuwirang dahilan upang ipalagay na may ibang tinutukoy si Jesus maliban sa isang literal na pagtilaok ng manok.
Itinatawag-pansin ng iba ang tila isang pagkakasalungatan sa apat na ulat, yamang sina Mateo, Lucas, at Juan ay bumabanggit ng isa lamang pagtilaok ng manok, samantalang sinipi naman ni Marcos ang sinabi ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, Ikaw ngayon, oo, sa gabing ito, bago tumilaok ang tandang nang makalawang ulit, itatatwa mo nga ako nang tatlong ulit.” Inulit niya ang pananalitang ito noong inilalahad niya kung ano ang nangyari nang dakong huli.—Mar 14:30, 72.
Maliwanag na isa lamang itong kaso kung saan ang ulat ng isang manunulat ay mas detalyado kaysa sa mga ulat ng iba at hindi isang pagkakasalungatan. Si Pedro ang sangkot sa insidenteng ito, at yamang si Marcos ang malapít na kasamahan niya sa loob ng mahaba-habang panahon at walang alinlangang isinulat ni Marcos ang kaniyang ulat ng Ebanghelyo sa tulong ni Pedro o batay sa patotoo nito, makatuwiran lamang na ang ulat ni Marcos ang magiging mas detalyado. (May mga pagkakataong si Mateo naman ang nagbigay ng mas detalyadong paglalarawan ng ilang pangyayari, gaya ng makikita kung ihahambing ang Mat 8:28 sa Mar 5:2 at sa Luc 8:27, at ang Mat 20:30 sa Mar 10:46 at sa Luc 18:35.) Kaya, bagaman sinipi ni Marcos ang pananalita ni Jesus may kinalaman sa dalawang pagtilaok ng manok, binanggit lamang ng tatlong manunulat ang ikalawa at huling pagtilaok, na umantig kay Pedro anupat umiyak siya; ngunit sa pamamagitan nito ay hindi nila ikinaila na may naunang pagtilaok ng manok.
Sinasang-ayunan ng karamihan na noon pa man, at hanggang sa ngayon, ang pagtilaok ng manok ay isang tagapagpahiwatig ng panahon sa mga lupaing nasa dakong S ng Mediteraneo, at na may maagang pagtilaok ng manok sa bandang hatinggabi at gayundin bago magbukang-liwayway; samantalang sinasabi naman ng iba na may isa pa sa pagitan ng dalawang ito. May kinalaman sa Juan 13:38, sinasabi ng Commentary ni Clarke: “Hinahati ng mga Judio, at ng ilang iba pang mga bansa, ang pagtilaok ng manok sa una, ikalawa, at ikatlong ulit.” Bagaman sa ngayon ay hindi posibleng itakda kung anong espesipikong mga oras naganap ang mga pagtilaok na ito ng manok, sapat nang malaman na nangyari ang mga ito at na bago ang ikalawang pagtilaok ng manok ay naganap ang tatlong pagkakaila ni Pedro.