COLOSAS, LIHAM SA MGA TAGA-
Ang kinasihang liham ng apostol na si Pablo sa mga Kristiyano sa Colosas. Sa makabagong mga bersiyon ng Bibliya sa Tagalog, kadalasan nang ito ang ika-12 aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ipinakikilala ni Pablo ang kaniyang sarili bilang ang manunulat ng kinasihang liham na ito sa pamamagitan ng ganitong pambungad na mga salita: “Si Pablo, isang apostol ni Kristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Timoteo na ating kapatid sa mga banal at sa tapat na mga kapatid na kaisa ni Kristo sa Colosas.” (Col 1:1, 2) Ipinakikita rin ng pangwakas na pagbati na ang apostol ang sumulat nito, anupat isinulat ng sarili niyang kamay.—Col 4:18.
Malaki ang pagkakahawig ng Colosas sa Efeso, isa pang liham ni Pablo. Bagaman maaaring ito’y dahil magkalapit ang mga panahon ng pagsulat sa dalawang ito at dahil posibleng magkahawig ang mga kalagayang umiral sa mga lunsod na iyon, ang gayong pagkakatulad ay mangangahulugan din na kung tinatanggap si Pablo bilang manunulat ng Efeso, dapat din siyang kilalanin bilang manunulat ng Colosas. (Halimbawa, paghambingin ang Col 1:24-29 at Efe 3:1-7; Col 2:13, 14 at Efe 2:1-5, 13-16; Col 2:19 at Efe 4:16; Col 3:8-10, 12, 13 at Efe 4:20-25, 31, 32; Col 3:18-25; 4:1 at Efe 5:21-23; 6:1-9.) Karagdagan pa, yamang ang liham sa mga taga-Colosas ay kasama ng iba pang mga liham ni Pablo sa Chester Beatty Papyrus No. 2 (P46, na mula noong mga 200 C.E.), malinaw nitong ipinakikita na itinuring ng unang mga Kristiyano ang Colosas bilang isa sa kinasihang mga sulat ni Pablo.
Lumilitaw na dalawang salik ang nag-udyok kay Pablo upang lumiham sa mga taga-Colosas. Ang una ay ang ulat na dinala ni Epafras sa apostol tungkol sa espirituwal na kalagayan ng kongregasyon. Ang ilang impormasyon ay nakababahala; ngunit mayroon ding mabuting balita, sapagkat sinabi ni Pablo na si Epafras ay “nagbunyag sa amin ng inyong pag-ibig sa espirituwal na paraan.” (Col 1:7, 8) Bagaman may mga suliranin sa kongregasyon, hindi naman malubha ang situwasyon at maraming bagay rin ang maaaring bigyan ng komendasyon. Ikalawa, pabalik na noon ang alipin ni Filemon na si Onesimo sa kaniyang panginoon sa Colosas. Sa gayo’y sinamantala ni Pablo ang pagkakataong ito at ipinadala niya ang kaniyang liham sa kongregasyon doon sa pamamagitan ni Onesimo at ng kasama nitong si Tiquico.—Col 4:7-9.
Lugar at Petsa ng Pagsulat. Hindi tuwirang binabanggit kung nasaan si Pablo nang sumulat siya sa mga taga-Colosas. Iminumungkahi ng ilan na siya’y nasa Efeso. Gayunman, ipinahihiwatig ng liham na nasa bilangguan noon ang apostol (Col 1:24; 4:10, 18), at walang anumang ulat sa Kasulatan na nabilanggo siya sa Efeso. Ang mga sinabi ni Pablo sa Colosas 4:2-4, 11 ay waring mas katugma ng mga kalagayan ng apostol noong panahon ng kaniyang unang pagkabilanggo sa Roma (mga 59-61 C.E.). Totoo, nabilanggo si Pablo sa Cesarea (Gaw 23:33-35), at iniutos ni Felix na luwagan ang pagbabantay sa apostol. (Gaw 24:23) Ngunit maliwanag na higit na malaya si Pablo noong panahon ng kaniyang unang pagkabilanggo sa Roma, anupat noon ay nanatili siya nang dalawang taon sa kaniyang sariling bahay na inuupahan at nakapangangaral siya ng Kaharian ng Diyos sa mga dumadalaw sa kaniya roon.—Gaw 28:16, 23, 30, 31.
Ang isa pang salik na waring nagpapahiwatig na sa Roma isinulat ang liham ay ang bagay na naroon si Onesimo sa lugar kung saan ito isinulat ni Pablo at na kasama ni Tiquico si Onesimo sa paghahatid nito sa Colosas. Tiyak na ang Roma, na may malaking populasyon, ay angkop na angkop na maging kanlungan ng isang takas na alipin. Maliwanag na ang liham sa mga taga-Colosas ay isinulat sa pagtatapos ng unang pagkabilanggo ni Pablo sa Roma, o noong mga 60-61 C.E., nang panahong isulat din niya ang liham kay Filemon. Inihatid nina Tiquico at Onesimo hindi lamang ang liham sa mga taga-Colosas kundi pati ang liham ng apostol kay Filemon. (Flm 10-12) Yamang sa liham ni Pablo kay Filemon ay umaasa siya na mapalaya (tal 22), maipapalagay na ang liham sa mga taga-Colosas, tulad ng Filemon, ay isinulat sa pagtatapos ng unang pagkabilanggo ni Pablo sa Roma.
Sinalungat ang Maling mga Pangmalas. Isang mapanlinlang na pilosopiya ang itinataguyod noon ng mga bulaang guro sa Colosas. Binibigyang-diin ang pagtupad sa Kautusang Mosaiko. Pinasisigla rin ang pagsasagawa ng asetisismo. Binabalaan ng apostol ang mga Kristiyanong taga-Colosas na mag-ingat, upang hindi sila matangay ng sinuman “bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.” (Col 2:8) Hinimok din ni Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya na huwag hayaang hatulan sila ng sinuman sa pagkain at pag-inom “o may kinalaman sa kapistahan o sa pangingilin ng bagong buwan o ng isang sabbath; sapagkat ang mga bagay na iyon ay isang anino ng mga bagay na darating, ngunit ang katunayan ay sa Kristo.” (Col 2:16, 17) Kinilala ng apostol ang pakunwaring kapakumbabaan ayon sa kung ano iyon at tinuligsa niya ang asetisismo, na sinasabi: “Ang mismong mga bagay na iyon ay mayroon ngang kaanyuan ng karunungan sa isang ipinataw-sa-sariling anyo ng pagsamba at pakunwaring kapakumbabaan, isang pagpapahirap sa katawan; ngunit ang mga iyon ay walang halaga sa pakikipagbaka sa pagbibigay-lugod sa laman.”—Col 2:20-23.
Idiniin ni Pablo ang bigay-Diyos na nakatataas na posisyong taglay ni Kristo. (Col 1:13-20) Ang katotohanang ito ay magsisilbing panghadlang sa makapaganong pilosopiya, tradisyong Judio, at sa isa pang gawain, “isang anyo ng pagsamba sa mga anghel.” (Col 2:18) Hindi binabanggit ng Kasulatan kung yaong mga nasangkot dito ay nag-angking nagsasagawa ng anyo ng pagsamba na diumano’y ginagawa ng mga anghel, nag-akalang tinutularan nila ang mapagpitagang saloobin ng mga anghel, o aktuwal na sumamba sa mga espiritung nilalang na ito.
[Kahon sa pahina 500]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG COLOSAS
Isang liham na nagdiriin sa pagpapahalaga sa bigay-Diyos na posisyon ni Kristo bilang paraan upang maiwasan ang maling mga pangmalas at mga gawain
Isinulat ni Pablo sa pagtatapos ng kaniyang unang pagkabilanggo sa Roma
Pagpapahalaga sa posisyon ni Kristo (1:1–2:12)
Komendasyon dahil sa pananampalataya may kaugnayan kay Kristo at dahil sa pag-ibig sa lahat ng mga banal na kabahagi nila sa makalangit na pag-asa
Nakatataas na posisyong ibinigay kay Kristo: Siya ang larawan ng Diyos, ang panganay sa lahat ng nilalang, ang isa na sa pamamagitan niya’y nilalang ang lahat ng iba pang bagay, ang ulo ng kongregasyon, ang panganay mula sa mga patay
Sa pamamagitan ni Kristo ay naging posible ang pakikipagkasundo sa Diyos
Nakakubli kay Kristo ang lahat ng mga kayamanan ng tunay na karunungan at kaalaman
Patuloy na lumakad na kaisa niya; huwag hayaang tangayin kayo ng sinuman bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya ng tao
Inalis ng Diyos ang Kautusang Mosaiko sa pamamagitan ni Kristo (2:13-23)
Makasagisag na ipinako ng Diyos ang tipang Kautusan sa pahirapang tulos na kinamatayan ni Kristo
Ang mga kahilingan ng Kautusan ay isang anino; ang katunayan ay sa Kristo
Huwag kayong pagkaitan ng gantimpala ng sinumang tao sa pamamagitan ng pagganyak sa inyo na sumunod sa mga utos at mga turo ng mga tao sa halip na mahigpit na manghawakan kay Kristo bilang ulo
Magbihis ng bagong personalidad, magpasakop sa awtoridad ni Kristo (3:1-17)
Panatilihing nakatuon ang pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas, hindi sa mga bagay na nasa lupa
Patayin ang maruruming pagnanasa ng laman; alisin ang maling mga saloobin at pananalita
Damtan ang sarili ng habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, mahabang pagtitiis, pag-ibig
Hayaang ang kapayapaan ng Kristo ang kumontrol sa puso
Gawin ang lahat ng bagay sa pangalan ng Panginoong Jesus, na pinasasalamatan ang Diyos sa pamamagitan niya
Ang kaugnayan sa iba ay dapat maimpluwensiyahan ng pagpapahalaga sa Diyos at kay Kristo (3:18–4:18)
Dapat tuparin ng mga asawang babae, mga asawang lalaki, mga anak, mga alipin, mga panginoon ang mga pananagutan hindi gaya ng mga nagpapalugod sa tao kundi nang may takot kay Jehova, na kinikilalang si Kristo sa langit ang ating Panginoon
Magmatiyaga sa pananalangin, lumakad na may karunungan
Personal na mga pagbati sa mga kapuwa lingkod ng Panginoon