DELUBYO
Ang pangglobong pagkalipol ng mga tao at mga hayop sa isang napakalaking baha noong mga araw ni Noe, noong 2370 B.C.E. Pinasapit ni Jehova ang pinakamatinding kataklismong ito sa buong kasaysayan ng tao dahil pinunô ng balakyot na mga tao ng karahasan ang lupa. Ang matuwid na si Noe at ang kaniyang pamilya, walong kaluluwa lahat-lahat, kasama ang piniling mga hayop, ay naligtas noon sa pamamagitan ng isang pagkalaki-laking arka o hugis-kahong sasakyan.—Gen 6:9–9:19; 1Pe 3:20; tingnan ang ARKA Blg. 1; NOE.
Lawak ng Delubyo. Hindi ito basta pagbaha o pag-ulan nang napakalakas sa isang lugar lamang. Sa katunayan, ang salitang Griego na ginamit sa Bibliya upang tumukoy sa Baha, o Delubyo, ay ka·ta·kly·smosʹ, isang kataklismo. (Luc 17:27, tlb sa Rbi8) Ang lokal na mga baha ay tumatagal nang ilang araw lamang, ngunit ang bahang ito ay umabot nang mahigit isang taon, anupat ang kalakhang bahagi ng panahong iyon ay kinailangan upang humupa ang tubig. Hindi kapani-paniwala na gumugol si Noe ng marahil ay 50 taon sa paggawa ng isang pagkalaki-laking sasakyan na mga 40,000 m kubiko (1,400,000 piye kubiko) upang maligtas ang kaniyang pamilya at ang ilang hayop sa isa lamang lokal na baha. Kung isang maliit na lugar lamang ang naapektuhan, bakit kinailangan pang magpasok sa arka ng mga ispesimen ng “bawat nilalang na buháy mula sa bawat uri ng laman” upang “maingatang buháy ang [kanilang] supling sa ibabaw ng buong lupa”? (Gen 6:19; 7:3) Tiyak na isa itong pangglobong delubyo, anupat wala pang nangyaring katulad nito bago o pagkatapos man nito. “Ang tubig ay umapaw sa lupa nang napakatindi anupat ang lahat ng matataas na bundok na nasa silong ng buong langit ay natakpan. Inapawan ng tubig ang mga iyon hanggang sa labinlimang siko [mga 6.5 m; 22 piye] at ang mga bundok ay natakpan.” (Gen 7:19, 20) “Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap ko,” ang sabi ni Jehova, kaya “papawiin ko ang lahat ng bagay na umiiral na aking ginawa mula sa ibabaw ng lupa.” At gayon nga ang nangyari. “Ang lahat ng may hininga ng puwersa ng buhay sa mga butas ng kaniyang ilong, samakatuwid ay lahat ng nasa tuyong lupa, ay namatay . . . tanging si Noe at yaong mga kasama niya sa arka ang nanatiling buháy.”—Gen 6:13; 7:4, 22, 23.
Panahon ng Delubyo. Hindi dumating ang Delubyo nang biglaan at walang babala. Maraming taon ang ginugol upang maitayo ang arka, at sa panahong iyon ay nagbabala rin si Noe, na “mangangaral ng katuwiran,” sa balakyot na salinlahing iyon. (2Pe 2:5) Dumating ang itinakdang panahon “noong ikaanim na raang taon ng buhay ni Noe, noong ikalabimpitong araw ng buwan.” Kasama ng pamilya ni Noe, ipinasok sa arka ang “lalaki at babae mula sa bawat uri ng laman,” gayundin ang sapat na suplay ng pagkain para sa lahat, at “pagkatapos ay isinara ni Jehova ang pinto.” Nang magkagayon, “nabuksan ang mga pintuan ng tubig ng langit.” (Gen 7:11, 16) Umulan nang napakalakas at walang tigil sa loob ng “apatnapung araw at apatnapung gabi,” anupat “ang tubig ay patuloy na umapaw sa lupa” nang isang daan at limampung araw. (Gen 7:4, 12, 24) Limang buwan mula nang mag-umpisang umulan, ang arka ay “lumapag sa mga bundok ng Ararat.” (Gen 8:4) Halos dalawa at kalahating buwan pa pagkatapos nito bago ‘lumitaw ang mga taluktok ng mga bundok’ (Gen 8:5), tatlong buwan pa ang lumipas bago inalis ni Noe ang pantakip ng arka upang makitang halos tuyo na ang ibabaw ng lupa (Gen 8:13), at halos dalawang buwan pa pagkatapos niyaon nang buksan ang pinto at muling makatapak sa tuyong lupa ang mga naligtas.—Gen 8:14-18.
Pumasok si Noe at ang kaniyang pamilya sa arka noong ika-600 taon ng buhay ni Noe, nang ika-2 buwan (Oktubre-Nobyembre), noong ika-17 araw. (Gen 7:11) Ang isang taon mula rito (isang taon na 360 araw) ay papatak sa ika-17 araw, ika-2 buwan, ika-601 taon. Sampung araw naman pagkatapos nito ay ang ika-27 araw ng ika-2 buwan, kung kailan sila lumabas sa arka. Kaya sa kabuuan ay nanatili sila nang 370 araw sa loob ng arka. (Gen 8:13, 14) Sa rekord na iningatan ni Noe, lumilitaw na gumamit siya ng mga buwan na tig-30 araw, anupat ang 12 buwan ay 360 araw. Sa paraang ito, naiwasan niyang gumamit ng masasalimuot na praksiyon na maaaring lumitaw kung mga buwang lunar na binubuo ng mahigit nang kaunti sa 29 1/2 araw ang ginamit niya. Makikita na gayong mga kalkulasyon ang ginamit sa ulat dahil ang yugtong limang buwan ay naging katumbas ng 150 araw.—Gen 7:11, 24; 8:3, 4.
Ang Tubig-Baha. Sinasabi na kung ang lahat ng halumigmig sa atmospera ay biglang babagsak bilang ulan, hindi ito tataas nang dalawang pulgada man lamang kapag ipinangalat ito sa ibabaw ng lupa. Kaya saan nagmula ang tubig ng napakalaking delubyo noong araw ni Noe? Ayon sa ulat ng Genesis, sinabi ng Diyos kay Noe: “Narito, dadalhin ko [ni Jehova] ang delubyo [o, “makalangit na karagatan”; sa Heb., mab·bulʹ] ng tubig sa ibabaw ng lupa.” (Gen 6:17, tlb sa Rbi8) Bilang paglalarawan sa nangyari, sinasabi ng sumunod na kabanata: “Bumuka ang lahat ng bukal ng malawak na matubig na kalaliman at nabuksan ang mga pintuan ng tubig ng langit.” (Gen 7:11) Napakatindi ng Delubyo anupat “ang lahat ng matataas na bundok na nasa silong ng buong langit ay natakpan.”—Gen 7:19.
Saan nanggaling ang “makalangit na karagatan” na ito? Inilalahad ng ulat ng paglalang sa Genesis kung paanong noong ikalawang “araw” ay gumawa si Jehova ng kalawakan sa palibot ng buong lupa, at pinaghiwalay ng kalawakang ito (na tinawag na “Langit”) ang tubig sa ilalim nito, samakatuwid nga, ang mga karagatan, at ang tubig sa ibabaw nito. (Gen 1:6-8) Maliwanag na ang tubig na nasa ibabaw ng kalawakan ay nanatili roon mula noong ikalawang “araw” ng paglalang hanggang noong Baha. Ito ang tinutukoy ng apostol na si Pedro nang sabihin niya na may “mga langit mula noong sinauna at isang lupa na nakatayong matatag mula sa tubig at sa gitna ng tubig sa pamamagitan ng salita ng Diyos.” Ang “mga langit” na iyon at ang tubig sa ibabaw at sa ilalim ng mga ito ang ginamit ng salita ng Diyos, at “sa pamamagitan ng mga iyon ang sanlibutan ng panahong iyon ay dumanas ng pagkapuksa nang apawan ito ng tubig.” (2Pe 3:5, 6) May iba’t ibang paliwanag na inihaharap tungkol sa kung paano nanatili sa kalawakan ang tubig hanggang noong sumapit ang Baha at tungkol sa mga prosesong humantong sa pagbagsak nito. Ngunit ang mga ito ay batay lamang sa espekulasyon. Ang sinasabi lamang ng Bibliya ay na gumawa ang Diyos ng kalawakan anupat may tubig sa ibabaw nito at na siya ang nagpasapit ng Delubyo. Madali niyang magagawa ito dahil walang kapantay ang kaniyang kapangyarihan.
Yamang sinasabi ng ulat sa Genesis na “ang lahat ng matataas na bundok” ay natakpan ng tubig, nasaan na ngayon ang lahat ng tubig na iyon? Maliwanag na naririto sa lupa. Pinaniniwalaan na noong sinaunang panahon ay mas maliliit ang mga karagatan at mas malalaki ang mga kontinente, gaya ng pinatutunayan ng mahahabang daanan ng ilog na umaabot hanggang sa ilalim ng mga karagatan. Dapat ding pansinin na sinasabi ng mga siyentipiko na mas mabababa noon ang mga bundok kaysa sa ngayon, at may mga bundok pa nga na umangat mula sa ilalim ng mga dagat. Sa ngayon, sinasabi na “sampung ulit na mas marami ang tubig ng karagatan kaysa sa lupang nakalitaw sa ibabaw ng dagat. Kung itatambak ang lahat ng lupang ito sa dagat at papatagin, matatakpan ng tubig ang buong lupa sa lalim na isa’t kalahating milya.” (National Geographic, Enero 1945, p. 105) Kaya pagkatapos na bumagsak ang tubig-baha, ngunit bago tumaas ang mga bundok at lumalim ang pinakasahig ng mga dagat at bago nagyelo ang mga polo, napakarami ng tubig noon upang matakpan “ang lahat ng matataas na bundok,” gaya ng sinasabi sa kinasihang ulat.—Gen 7:19.
Epekto sa Lupa. Nagkaroon ng malalaking pagbabago dahil sa Delubyo. Halimbawa, biglang umikli ang buhay ng mga tao. Sinasabi ng ilan na bago ang Baha, nahaharang ng tubig na nasa ibabaw ng kalawakan ang ilang nakapipinsalang radyasyon at dahil nawala ang tubig na ito, dumami ang radyasyong kosmiko na nakapipinsala sa mga gene ng tao. Gayunman, walang binabanggit ang Bibliya hinggil sa bagay na ito. Samantala, ang anumang pagbabago sa radyasyon ay maaaring nakaapekto sa antas ng pagkabuo ng radyoaktibong carbon-14, anupat dahil dito ay maaaring mawalan ng saysay ang lahat ng mga petsang bago pa ang Baha na ibinatay sa radiocarbon.
Nang biglang bumukas ang ‘mga bukal ng matubig na kalaliman’ at ang “mga pintuan ng tubig ng langit,” bilyun-bilyong tonelada ng tubig ang umapaw sa lupa. (Gen 7:11) Maaaring nagkaroon ng malalaking pagbabago sa hitsura ng lupa dahil dito. Ang pinakabalat ng lupa, na maituturing na manipis kung ihahambing sa laki ng lupa at may iba-ibang kapal, ay nakapatong sa isang nahuhubog na masa na libu-libong kilometro ang diyametro. Kaya, dahil sa bigat ng tubig, malamang na nagkaroon ng malaking pagbabago sa pinakabalat ng lupa. Nang maglaon, maliwanag na may mga bagong bundok na lumitaw, mas tumaas pa ang dating mga bundok, lumalim ang mabababaw na mga lunas ng dagat, at nagkaroon ng mga bagong dalampasigan, anupat dahil dito, halos 70 porsiyento ng ibabaw ng lupa sa ngayon ang natatakpan ng tubig. Ang pagbabagong ito sa pinakabalat ng lupa ang maaaring naging sanhi ng maraming penomenong heolohika, gaya ng pagtaas ng mga dalampasigan. Tinataya ng ilan na ang presyon ng tubig noon ay “2 tonelada sa bawat pulgada kuwadrado,” na sapat upang mabilis na maging mga fosil ang mga hayop at mga halaman.—Tingnan ang The Biblical Flood and the Ice Epoch, ni D. Patten, 1966, p. 62.
Ano ang katibayan na talagang nagkaroon ng pangglobong delubyo?
Bilang isa pang posibleng katibayan ng malaking pagbabago sa lupa, may natagpuang mga labí ng mga mammoth at mga rinoseros sa iba’t ibang bahagi ng lupa. Ang ilan sa mga ito ay natagpuan sa mga dalisdis sa Siberia; ang iba naman ay napreserba sa mga yelo sa Siberia at Alaska. (LARAWAN, Tomo 1, p. 328) Sa katunayan, ang iba sa mga ito ay may pagkain sa tiyan na hindi pa natutunaw o sa pagitan ng kanilang mga ngipin na hindi pa nangunguya, na nagpapahiwatig na bigla silang namatay. Batay sa kalakalan ng mga pangil na garing, tinataya na mga buto ng sampu-sampung libong mammoth ang nasumpungan. Natagpuan naman sa iisang suson ng lupa ang mga fosil ng maraming iba pang hayop, gaya ng mga leon, tigre, oso at malalaking usa, na maaaring nagpapahiwatig na sabay-sabay na nalipol ang mga ito. Sinasabi ng ilan na ang gayong mga tuklas ay matibay na pisikal na patotoo na mabilis na nagbago ang klima at nagkaroon ng biglaang pagkalipol dahil sa isang pambuong-daigdig na baha. Gayunman, mas pabor ang iba sa mga paliwanag na nagsasabing hindi namatay ang mga hayop na ito sa isang pangglobong kasakunaan. Hindi nakadepende sa gayong mga fosil at mga iladong labí ng hayop ang patotoo na naganap ang Baha.
Mga Alamat ng Baha. Ang isang kataklismong gaya ng Delubyo, na lumipol sa buong sanlibutan noong panahong iyon, ay hinding-hindi malilimutan niyaong mga naligtas. Tiyak na ikukuwento nila ito sa kanilang mga anak at sa mga anak ng kanilang mga anak. Nabuhay pa si Sem nang 500 taon pagkatapos ng Delubyo upang mailahad ang pangyayaring ito sa maraming salinlahi. Namatay siya sampung taon lamang bago ipinanganak si Jacob. Iningatan naman ni Moises sa Genesis ang tunay na ulat. Ilang panahon pagkatapos ng Baha, nang itinatayo ng mga taong sumasalansang sa Diyos ang Tore ng Babel, ginulo ni Jehova ang kanilang wika at pinangalat niya sila “sa ibabaw ng buong lupa.” (Gen 11:9) Natural lamang na nadala ng mga taong ito ang mga kuwento tungkol sa Baha at naipasa nila iyon sa kanilang mga inapo. Yamang hindi lamang iilan ang kuwento tungkol sa malaking Delubyong iyon kundi marahil ay daan-daan pa nga, at yamang ang gayong mga kuwento ay masusumpungan sa mga tradisyon ng maraming primitibong lahi ng tao sa iba’t ibang bahagi ng daigdig, ito’y matibay na patotoo na ang lahat ng mga taong iyon ay may iisang pinagmulan at na pawang naranasan ng kanilang sinaunang mga ninuno ang Bahang iyon.—TSART, Tomo 1, p. 328.
Ang sabi-sabing mga ulat na ito tungkol sa Delubyo ay tumutugma sa ilang pangunahing bahagi ng ulat ng Bibliya: (1) isang dakong kanlungan para sa ilan na naligtas, (2) isang pangglobong pagkalipol ng buhay sa pamamagitan ng tubig, at (3) isang binhi ng tao na iningatan. Ang mga Ehipsiyo, Griego, Tsino, Druid ng Britanya, Polynesian, Eskimo ng Alaska at Greenland, Aprikano, Hindu, at ang mga Indian ng mga kontinente ng Amerika—lahat ng mga ito ay may mga kuwento tungkol sa Baha. Ang The International Standard Bible Encyclopedia (Tomo 2, p. 319) ay nagsabi: “May natuklasang mga kuwento tungkol sa baha sa halos lahat ng mga bansa at mga tribo. Bagaman higit na popular ang mga ito sa kontinente ng Asia at sa mga pulo sa gawing timog nito at sa kontinente ng Hilagang Amerika, masusumpungan ang mga ito sa lahat ng kontinente. Ang kabuuang bilang ng kilalang mga kuwento ay umaabot nang mga 270 . . . Kadalasan na, ang pagiging laganap ng ulat ng baha ay itinuturing na katibayan ng pambuong-daigdig na pagkalipol ng sangkatauhan sa pamamagitan ng isang baha at ng pangangalat ng lahi ng tao mula sa iisang lugar at mula pa nga sa iisang pamilya. Bagaman maaaring hindi lahat ng mga tradisyong ito ay tumutukoy sa iisang baha, lumilitaw na karamihan sa mga ito ay isang baha lamang ang tinutukoy. Ipinangangatuwiran ng iba na ang marami sa mga kuwentong ito tungkol sa baha ay nagmula sa pakikipag-ugnayan sa mga misyonero.Gayunman, hindi matibay ang pangangatuwirang ito dahil ang karamihan sa mga ito ay tinipon ng mga antropologong hindi naman interesadong ipagbangong-puri ang Bibliya, at ang mga ito ay punung-puno ng kathang-isip at paganong mga elemento na maliwanag na resulta ng pagpapasalin-salin sa isang lipunang pagano sa loob ng mahabang panahon. Bukod diyan, ang ilan sa mga sinaunang ulat ay isinulat ng mga taong salungat na salungat sa tradisyong Hebreo-Kristiyano.”—Inedit ni G. Bromiley, 1982.
Noong nakalipas na mga panahon, iningatan ng ilang primitibong grupo ng mga tao (sa Australia, Ehipto, Fiji, Society Islands, Peru, Mexico, at sa iba pang mga lugar) ang isang posibleng bakas ng mga tradisyong ito tungkol sa Baha sa pamamagitan ng pagdiriwang ng isang ‘Piging ng mga Ninuno’ o isang ‘Kapistahan ng mga Patay’ tuwing Nobyembre. Ipinakikita ng gayong mga kaugalian na ginugunita pa ng mga taong iyon ang pagkalipol sa Delubyo. Ayon sa aklat na Life and Work at the Great Pyramid, ang kapistahan sa Mexico ay ginaganap noon tuwing ika-17 ng Nobyembre dahil sila ay “may paniniwala na sa panahong iyon pinuksa ang sanlibutan; at natatakot sila na baka malipol ang lahi ng tao sa isang katulad na kasakunaan sa pagtatapos ng isang siklo.” (Ni Propesor C. Piazzi Smyth, Edinburgh, 1867, Tomo II, p 390, 391) Sinabi naman sa aklat na The Worship of the Dead: “Ang kapistahang ito [ng mga patay] ay . . . ipinagdiriwang ng lahat sa mismong araw o malapit sa araw kung kailan naganap ang Delubyo ayon sa Mosaikong ulat, samakatuwid nga, sa ikalabimpitong araw ng ikalawang buwan—ang buwan na halos katumbas ng Nobyembre natin.” (Ni J. Garnier, London, 1904, p. 4) Kapansin-pansin na iniuulat ng Bibliya na ang Baha ay nagsimula “nang ikalawang buwan, noong ikalabimpitong araw ng buwan.” (Gen 7:11) Ang “ikalawang buwan” na iyon ay katumbas ng huling bahagi ng Oktubre at unang bahagi ng Nobyembre sa ating kalendaryo.
Patotoo Mula sa Kasulatan. Ang ebidensiyang mas matibay kaysa sa mga tradisyong pagano ng primitibong mga tao hinggil sa pagiging tunay ng Delubyo ay ang pagpapatotoo ng ibang mga kinasihang manunulat ng Bibliya. Maliban sa ulat ng Genesis, ang tanging iba pang dako kung saan lumilitaw ang gayunding salitang Hebreo (mab·bulʹ, delubyo) ay sa awit ni David, kung saan inilarawan niya si Jehova bilang nakaupo “sa ibabaw ng delubyo.” (Aw 29:10) Gayunman, ang ulat ng Genesis ay binabanggit at pinatutunayan ng iba pang mga manunulat, gaya ni Isaias. (Isa 54:9) Pinatototohanan din ni Ezekiel na talagang umiral si Noe. (Eze 14:14, 18, 20) Maraming beses na binanggit ni Pedro sa kaniyang mga liham ang ulat ng Delubyo. (1Pe 3:20; 2Pe 2:5; 3:5, 6) Pinatototohanan ni Pablo ang malaking pananampalatayang ipinakita ni Noe nang itayo nito ang arka para maligtas ang kaniyang sambahayan. (Heb 11:7) Itinala ni Lucas si Noe sa hanay ng mga ninuno ng Mesiyas.—Luc 3:36.
Ang pinakamahalaga sa mga ito ay ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga araw ng Delubyo, na iniulat nina Lucas at Mateo. Hindi lamang pinatotohanan ni Jesus ang ulat ng Delubyo, kundi ipinakita rin ng kaniyang mga salita ang makalarawan at makahulang kahulugan ng sinaunang mga pangyayaring iyon. Nang magtanong ang mga alagad, “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” sinabi ni Jesus bilang bahagi ng kaniyang sagot: “Kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao. Sapagkat gaya nila noong mga araw na iyon bago ang baha, na kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.” (Mat 24:3, 37-39; Luc 17:26, 27) Samakatuwid, sa kinasihang Banal na Kasulatan mismo ay masusumpungan ang maraming katibayan na sumusuporta sa pagiging totoo ng ulat ng Delubyo. Hindi lamang ito nakasalig sa mga tradisyon, mga kuwento ng primitibong mga tao, o mga tuklas sa heolohiya at arkeolohiya.