EBED-MELEC
[Lingkod ng Hari].
Isang bating na Etiope sa bahay ni Haring Zedekias. Sa pamamagitan ng kaniyang mga pagkilos, ipinakita ni Ebed-melec na lubusan siyang sumusuporta sa gawain ng propeta ni Jehova na si Jeremias. Nang si Jeremias ay may-kabulaanang paratangan ng sedisyon ng mga prinsipe ng Juda, ibinigay siya ni Zedekias sa kanilang mga kamay. Nang magkagayon ay kinuha ng mga prinsipeng ito si Jeremias at inihagis siya sa malusak na imbakang-tubig ni Malkias sa Looban ng Bantay upang mamatay siya roon sa gutom. (Jer 38:4-6) Sa kabila ng panganib na susuungin niya dahil marami ang galít na galít kay Jeremias at sa mensahe nito, buong-tapang at hayagang nilapitan ni Ebed-melec ang hari na nakaupo noon sa Pintuang-daan ng Benjamin at namanhik siya alang-alang kay Jeremias. Positibo ang tugon ni Zedekias. Pagkatapos, sa utos ng hari, nagsama si Ebed-melec ng 30 lalaki sa imbakang-tubig at nagbaba sila ng mga lubid at ng mga sira-sirang basahan at mga piraso ng tela na mailalagay ni Jeremias sa mga kilikili nito upang maiahon siya mula sa imbakang-tubig. (Jer 38:7-13) Malamang na tinagubilinan ni Zedekias si Ebed-melec na magsama ng 30 lalaki, hindi dahil gayon karaming tao ang kailangan upang maiahon si Jeremias mula sa imbakang-tubig, kundi upang matiyak na maililigtas nila si Jeremias sakaling hadlangan sila ng mga prinsipe o mga saserdote. Dahil sa matuwid na gawang ito para sa propeta ng Diyos, tiniyak ni Jehova kay Ebed-melec, sa pamamagitan ni Jeremias, na hindi siya malilipol sa panahon ng pagkubkob ng Babilonya kundi paglalaanan siya ng pagtakas.—Jer 39:15-18; tingnan ang BATING.