EXODO, AKLAT NG
Ang ikalawang balumbon ng Pentateuch, tinutukoy rin bilang ang Ikalawang Aklat ni Moises. Tinawag ito sa Hebreo na Shemohthʹ, “Mga Pangalan,” batay sa pambungad na parirala nito, Weʼelʹleh shemohthʹ, “Ito nga ang mga pangalan.” Ang “Exodo” ay anyong Latin ng salitang Griego; ito ay nangangahulugang “Paglabas; Paglisan,” samakatuwid nga, ng mga Israelita mula sa Ehipto.
Maliwanag na ang aklat na ito ay karugtong ng Genesis, yamang ang pambungad na salita nito sa Hebreo ay literal na nangangahulugang “at,” pagkatapos ay muli nitong itinala ang mga pangalan ng mga anak ni Jacob na kinuha mula sa mas kumpletong rekord sa Genesis 46:8-27. Isinulat ang Exodo noong 1512 B.C.E., isang taon matapos lumisan ang mga Israelita mula sa Ehipto at magkampo sa ilang ng Sinai. Ang aklat ay sumasaklaw ng isang yugto na 145 taon, mula sa pagkamatay ni Jose noong 1657 B.C.E. hanggang sa maitayo ang tabernakulo noong 1512 B.C.E.
Manunulat. Hindi kailanman kinuwestiyon ng mga Judio na si Moises ang manunulat ng Exodo. Ipinahihiwatig ng ginamit na mga pananalitang Ehipsiyo na ang manunulat ay nabuhay sa mismong panahon ng mga pangyayaring iniulat at hindi isang Judio na ipinanganak nang dakong huli.
Pagiging Tumpak at Totoo. Sa manunulat ng Exodo ay “mahihiwatigan ang pagiging lubos na pamilyar sa Sinaunang Ehipto. Ang saloobin ng mga Ehipsiyo may kinalaman sa mga banyaga—ang pagiging hiwalay nila sa mga ito, gayunma’y ang pagpapahintulot nila sa mga ito na manatili sa kanilang bansa, ang di-pangkaraniwang pagkapoot nila sa mga pastol, ang paghihinala nila na mga tiktik ang mga estranghero mula sa Palestina—ang kanilang panloob na pamahalaan, ang pagiging matatag nito, ang kapangyarihan ng Hari, ang impluwensiya ng mga Saserdote, ang malalaking proyekto, ang paggamit nila ng mga banyaga sa kanilang pagtatayo, ang paggamit ng mga laryo, . . . at ng mga laryo na may dayami, . . . ang mga tagapag-utos, ang pag-eembalsamo sa mga bangkay, ang resulta nito na pag-angkat ng mga espesya, . . . ang matitinding pagdadalamhati, . . . ang pakikipaglaban gamit ang mga kabayo at mga karo . . .—ilan lamang ito sa maraming detalyeng mapapansin na nagpapakitang may lubos na kabatiran sa mga ugali at mga kostumbre ng mga Ehipsiyo ang awtor ng Pentateuch.”—The Historical Evidences of the Truth of the Scripture Records, ni George Rawlinson, 1862, p. 290, 291.
Ang ulat ng paliligo sa Nilo ng anak na babae ni Paraon ay tinututulan ng ilan (Exo 2:5), ngunit sinabi ni Herodotus (II, 35) (gaya ng ipinakikita rin sa sinaunang mga bantayog) na ang mga babae sa sinaunang Ehipto ay hindi pinagbabawalang gawin iyon. Bukod diyan, naniniwala ang mga Ehipsiyo na ang tubig ng Nilo ay may napakalakas na birtud. Paminsan-minsan, waring nagpupunta si Paraon sa ilog sa layuning sumamba. Dito siya nilapitan ni Moises nang di-kukulangin sa dalawang beses noong panahon ng Sampung Salot.—Exo 7:15; 8:20.
Ang kawalan ng ebidensiya sa mga bantayog ng Ehipto hinggil sa pakikipamayan doon ng mga Israelita ay hindi kataka-taka, sapagkat isinisiwalat ng pagsusuri sa mga bantayog doon na hindi itinatala ng mga Ehipsiyo ang mga bagay na makasisira sa kanila. Gayunman, mas mariing patotoo kaysa sa ebidensiya mula sa mga bantayog na bato ang pangingilin ng Paskuwa na isinasagawa ng mga Judio, anupat sa kanilang buong kasaysayan ay sa ganitong paraan nila ginugunita ang Pag-alis.
May matibay na saligan upang tanggapin ang katumpakan ng kasaysayan at ang pangkalahatang salaysay na mababasa sa Exodo. Ayon kina Westcott at Hort, si Jesus at ang mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay sumipi o tumukoy mula sa Exodo nang mahigit sa 100 beses. Ang autentisidad ng aklat ay pinatototohanan ng integridad ng manunulat na si Moises. Itinawag-pansin niya sa napakatahasang paraan ang sarili niyang mga kahinaan, ang kaniyang pag-aatubili, at ang kaniyang mga pagkakamali, anupat hindi niya itinuring na ang anumang bagay may kaugnayan sa mga himala, pangunguna, at pag-oorganisa ay dahil sa kaniyang sariling kakayahan, bagaman siya’y kinilala ng mga Ehipsiyo bilang dakila at sa pangkalahatan ay lubhang iginalang ng Israel.—Exo 11:3; 3:10-12; 4:10-16.
Ipinakikita ng pakikipamayan ng Israel sa Ehipto at ng kanilang Pag-alis na pinatnubayan sila ng Diyos. Wala nang mas naaangkop na lugar para sa mabilis na paglaki ng Israel tungo sa isang makapangyarihang bansa. Kung nanatili sila sa Canaan, tiyak na mapapaharap sila sa maraming pakikipagdigma sa mga Canaanitang tumatahan doon, samantalang sa teritoryo ng unang kapangyarihang pandaigdig, na noo’y nasa tugatog ng kalakasan nito, protektado sila ng kapangyarihan nito. Nanirahan sila sa pinakamainam na bahagi ng lupain, na nakaabuloy sa kanilang kalusugan at pagiging palaanakin, at sa paanuman, pati sa kanilang intelektuwal na pagsulong.
Ngunit ang kalagayan nila sa Ehipto ay hindi angkop para sa moral at espirituwal na pagsulong; ni angkop man iyon para gawin silang isang bansa na nasa ilalim ng teokratikong pamamahala, na may mga saserdoteng naghahain at nagtuturo. Karagdagan pa, kailangang matupad ang pangako ng Diyos na ibigay sa binhi ni Abraham ang lupain ng Canaan, at dumating na ang panahon ng Diyos upang tuparin iyon. Ang Israel ay gagawing isang dakilang bansa, na ang Hari ay si Jehova. Isinasalaysay ng aklat ng Exodo ang pagsasakatuparan ni Jehova sa layuning iyan.—Exo 15:13-21.
Dead Sea Scrolls. Sa mga manuskritong natagpuan sa Dagat na Patay, ang 15 ay may mga piraso ng aklat ng Exodo. Ang isang piraso (4QExf) ay pinetsahan bilang mula noong mga 250 B.C.E. Ang dalawa sa mga piraso, pinaniniwalaang mula noong ikalawa o ikatlong siglo B.C.E., ay isinulat sa sinaunang mga titik Hebreo na ginamit bago ang pagkatapon sa Babilonya.
[Kahon sa pahina 755]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG EXODO
Ang rekord ng pagliligtas ni Jehova sa Israel mula sa mapaniil na pagkaalipin sa Ehipto at ng pag-oorganisa niya sa kanila upang maging isang teokratikong bansa
Isinulat ni Moises noong 1512 B.C.E., mga isang taon matapos lisanin ng Israel ang Ehipto
Ang Israel ay dumanas ng mapaniil na pagkaalipin sa Ehipto (1:1–3:1)
Sa utos ng hari, inalipin ang mga Israelita sa ilalim ng paniniil; iniutos na patayin ang lahat ng kanilang supling na lalaki pagkasilang ng mga ito
Inampon si Moises ng anak na babae ni Paraon at sa gayon ay naligtas sa kamatayan, ngunit ang kaniyang ina ang nagturo sa kaniya
Pinatay ni Moises ang isang mapaniil na Ehipsiyo, tumakas siya patungong Midian at naging pastol doon
Iniligtas ni Jehova ang Israel sa pamamagitan ng kamay ni Moises (3:2–15:21)
Sa nagniningas na palumpong, si Moises ay inatasan bilang tagapagligtas upang magsalita at kumilos sa pangalan ni Jehova
Bumalik sa Ehipto; kasama si Aaron, humarap siya kay Paraon para sabihin dito na iniutos ni Jehova na payaunin ni Paraon ang Israel upang sambahin Siya ng mga ito sa ilang; tumanggi si Paraon at pinatindi pa ang paniniil
Inulit ni Jehova ang pangako na iligtas ang Israel at ibigay sa kanila ang lupain ng Canaan, sa gayo’y pinalalalim ang pagpapahalaga nila sa kaniyang pangalang Jehova
Ang Sampung Salot, na ipinatalastas nina Moises at Aaron, ay sumapit sa Ehipto; pagkatapos ng unang tatlong salot, tanging ang mga Ehipsiyo na lamang ang sinalot; sa ikasampu, namatay ang lahat ng panganay na lalaki, kapuwa ng mga Ehipsiyo at ng kanilang mga hayop, habang ipinagdiriwang ng Israel ang Paskuwa
Sa pamamagitan ng isang haliging ulap sa araw at isang haliging apoy sa gabi, inakay ni Jehova ang Israel palabas ng Ehipto; hinawi niya ang Dagat na Pula upang makatawid sila sa tuyong lupa, pagkatapos ay nilunod niya si Paraon at ang hukbo nito nang tangkain nilang tumawid sa pinakasahig ng dagat upang tugisin ang Israel
Inorganisa ni Jehova ang Israel bilang isang teokratikong bansa (15:22–40:38)
Pinaglaanan ang Israel ng maiinom na tubig, gayundin ng karne at manna, sa ilang; may kaugnayan sa paglalaan ng manna, itinatag ang Sabbath
Alinsunod sa mungkahi ni Jetro, pumili si Moises ng kuwalipikadong mga lalaki upang maglingkod bilang mga pinuno, na tutulong sa gawaing paghatol
Sa Bundok Sinai, inanyayahan ni Jehova ang bansa na pumasok sa pakikipagtipan sa kaniya; kusang-loob silang sumang-ayon; nagpakita si Jehova ng kakila-kilabot na pagtatanghal ng kaniyang kaluwalhatian
Inilahad sa Sampung Utos at sa iba pang mga kautusan na ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang mga kahilingan ni Jehova sa Israel
Ginawa ang tipang Kautusan sa bisa ng dugo ng inihaing mga hayop; sinabi ng bayan, “Ang lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin at maging masunurin”
Nagbigay ang Diyos ng mga tagubilin hinggil sa paggawa ng tabernakulo at ng mga muwebles nito, gayundin sa paggawa ng mga kasuutan para sa mga saserdote at sa pagtatalaga ng pagkasaserdote
Samantalang nasa Bundok Sinai si Moises, ang bayan ay sumamba sa isang ginintuang guya; binasag ni Moises ang mga tapyas na bato na ibinigay sa kaniya ng Diyos; naging matapat ang mga Levita; pinatay ang mga 3,000 mananamba sa idolo
Nakita ni Moises ang pagpapamalas ng kaluwalhatian ni Jehova at narinig niyang ipinahayag ng Diyos ang Kaniyang pangalan
Sa pamamagitan ng mga kusang-loob na handog na materyales, ang tabernakulo at ang mga kagamitan nito ay ginawa; itinayo ang tabernakulo noong Nisan 1, 1512 B.C.E., at ipinamalas ni Jehova ang kaniyang pagsang-ayon