FELIX
[mula sa Lat., Maligaya].
Ang prokurador ng Romanong probinsiya ng Judea na nagbilanggo kay Pablo sa loob ng dalawang taon pagkatapos ng huling pagdalaw ni Pablo sa Jerusalem, noong mga 56 C.E. Sinasabi ni Tacitus na si Felix ay naglingkod kasama ni Cumanus sa katungkulan ng prokurador sa loob ng ilang taon at pagkatapos nito ay bilang nagsosolong prokurador ng Judea. (The Annals, XII, LIV) Walang binanggit si Josephus na naglingkod si Felix kasabay ni Cumanus, at sa dahilang iyan ay sinasabi ng karamihan sa mga iskolar na si Felix ay nagsimulang maglingkod bilang prokurador noong 52 C.E. (Jewish Antiquities, XX, 137 [vii, 1]; The Jewish War, II, 247, 248 [xii, 8]) Gayunpaman, salig sa mga taon ng paglilingkod ni Felix, masasabi sa kaniya ni Pablo: “Naging hukom ka ng bansang ito sa loob ng maraming taon.”—Gaw 24:10.
Sinasabi ng sekular na mga istoryador na si Felix ay dating alipin, na ang kaniyang unang pangalan ay Antonius, na ipinagkaloob ni Emperador Claudio sa kaniya at sa kaniyang kapatid na si Pallas ang kanilang kalayaan, at na siya ay isang malupit at imoral na opisyal. Inilarawan siya ni Tacitus bilang isa na “nagsagawa ng bawat uri ng kalupitan at kahalayan, gumamit ng kapangyarihan ng hari taglay ang lahat ng katutubong ugali ng isang alipin.” (The Histories, V, IX) Iniulat na siya ang nagpakana ng pagpatay sa mataas na saserdoteng si Jonatan. Sinabi ni Suetonius na si Felix ay naging asawa ng tatlong reyna. (The Lives of the Caesars, Claudius, XXVIII) Ang gayong paglalarawan ay kaayon ng matututuhan natin sa Bibliya tungkol kay Felix.
Kasunod ng pag-aresto kay Pablo, si Claudio Lisias, ang Romanong kumandante ng militar, palibhasa’y nangangamba para sa kaligtasan ng kaniyang bilanggo kung hahayaan itong manatili sa Jerusalem, ay nagmamadaling inilipat ang apostol sa Cesarea sa ilalim ng mahigpit na pagbabantay, anupat “inutusan ang mga tagapag-akusa na magsalita laban sa kaniya” sa harap ni Felix. (Gaw 23:23-30) Pagkaraan ng limang araw, ang mataas na saserdoteng si Ananias, ang isang nagngangalang Tertulo, at ang mga iba pa ay bumaba mula sa Jerusalem na may nakagigitlang mga paratang laban kay Pablo. Pinangasiwaan ni Felix ang paglilitis, anupat ipinagpaliban ang pagbababa ng hatol. Iniutos niya na ingatan si Pablo, subalit luwagan ang pagbabantay, at huwag pagbawalan ang sinuman sa mga kasamahan ni Pablo sa pag-aasikaso sa kaniya.—Gaw 24:1-23.
Nang maglaon ay “ipinatawag [ni Felix] si Pablo at nakinig sa kaniya tungkol sa paniniwala kay Kristo Jesus.” Noong pagkakataong iyon, posibleng habang naroroon ang asawa ni Felix na si Drusila, si Pablo ay ‘nagsalita tungkol sa katuwiran at pagpipigil sa sarili at sa paghatol na darating.’ Sa pagkarinig sa mga bagay na ito, “si Felix ay natakot” at nagsabi sa apostol: “Sa ngayon ay humayo ka na, ngunit kapag nagkaroon ako ng naaangkop na panahon ay ipatatawag kitang muli.” Sa loob ng dalawang taon, malimit ipatawag ni Felix si Pablo upang makipag-usap dito, anupat umaasang bibigyan siya ng apostol ng salapi bilang suhol para sa paglaya nito.—Gaw 24:24-27.
Ang pangangasiwa ni Felix ay lubhang kinayamutan ng mga Judio. Marahil noong 58 C.E. “si Felix ay hinalinhan ni Porcio Festo; at dahil nais ni Felix na kamtin ang pabor ng mga Judio, iniwan niyang nakagapos si Pablo.” (Gaw 24:27) Gayunman, hindi napahupa ng pagkilos na ito ni Felix ang galit sa kaniya ng mga Judio; ni napigilan man nito ang pagpapadala nila ng isang delegasyon sa Roma upang isampa ang kanilang kaso laban sa kaniya. Sinasabing nakaiwas siya sa kaparusahan matapos siyang pabalikin sa Roma dahil lamang sa magandang posisyon at impluwensiya ng kapatid niyang si Pallas kay Nero.