GILBOA
[posible, Maburol na Lupain].
Isang bundok na ipinapalagay na ang Jebel Fuquʽah. Ito’y isang hugis hating-buwan na tagaytay ng mga burol na batong-apog at nasa TS ng Jezreel at K ng Bet-sean. Dahil sa mga bangin, nahahati sa ilang talampas ang hanay ng mga burol na ito. Ang kalakhang bahagi nito ay hantad na bato, na may baku-bakong mga kanal sa hilagaan at kanluraning mga bahagi, kung saan natitibag ang yeso. Gayunman, ang di-gaanong matatarik na kanluraning dalisdis nito ay natatamnan ng trigo at sebada. Mayroon ding mga pastulan doon at mga puno ng igos at olibo. Ang hilagaang panig ang pinakamatarik at pinakamataas, anupat may taas na mga 520 m (1,700 piye) mula sa kapantayan ng dagat.
Dahil sa estratehikong lokasyon nito sa matabang Kapatagan ng Jezreel sa pagitan ng agusang libis ng Kison at ng Ilog Jordan, ang Gilboa ay nasangkot sa dalawa o higit pang malalaking pagbabaka. Si Gideon at ang kaniyang mga tauhan ay nagkampo sa “balon ng Harod,” na karaniwang iniuugnay sa bukal na nasa HK tagaytay ng Gilboa. (Huk 7:1) Tinipon ni Haring Saul ang kaniyang mga hukbo sa Gilboa at dito’y natalo sila sa mga kamay ng mga Filisteo. Dito’y napatay rin ang tatlo sa kaniyang mga anak, sina Jonatan, Abinadab, at Malki-sua, at si Saul ay nagpatiwakal.—1Sa 28:4; 31:1-4, 8; 2Sa 1:4-10, 21; 1Cr 10:1-8.