TSISMIS, PANINIRANG-PURI
Ang tsismis ay walang-saysay na usapan tungkol sa buhay ng ibang tao; walang-batayang usap-usapan. Ang paninirang-puri naman ay pagsasabi ng kasinungalingan tungkol sa iba, karaniwa’y taglay ang masamang hangarin, bibigan man o nasusulat.
Hindi lahat ng tsismis ay masama o mapaminsala, bagaman posibleng magkagayon. Kung minsan, maaaring ito’y tungkol sa kapuri-puring mga bagay hinggil sa isang tao o mga tao, o maaaring ito’y paglalahad lamang ng mga bagay na hindi naman mahalaga o nakasasakit tungkol sa iba, udyok ng interes sa ibang tao. Ngunit madali itong mauwi sa usapang nakasasakit o maaaring pagmulan ng gulo, sapagkat ang tsismis ay walang-saysay na usapan. Nagpapayo ang Kasulatan laban sa walang-saysay na pananalita, anupat itinatawag-pansin nito na ang dila ay mahirap paamuin at na ito’y “bumubuo ng isang sanlibutan ng kalikuan sa gitna ng ating mga sangkap, sapagkat binabatikan nito ang buong katawan at sinisilaban ang gulong ng likas na buhay.” Higit pang idiniin ng manunulat ng Bibliya ang pagiging mapaminsala nito nang siya’y magpatuloy, “at ito ay sinisilaban ng Gehenna.” (San 3:6) Maraming ulit na idiniriin ang panganib ng walang-taros at walang-saysay na usapan. Ang gayong pananalita ay kaugnay ng kahangalan o kamangmangan (Kaw 15:2); ito ay silo at maaaring ikapahamak niyaong nagsalita. (Kaw 13:3; 18:7) “Dahil sa karamihan ng mga salita ay hindi magkukulang ng pagsalansang,” ang sabi ng kawikaan, at ipinapayo nito na ang isa na sumusupil sa kaniyang mga labi ay kumikilos nang maingat. (Kaw 10:19) Ang kawikaang “Siyang nag-iingat ng kaniyang bibig at ng kaniyang dila ay nag-iingat ng kaniyang kaluluwa mula sa mga kabagabagan” ay nagbababala laban sa di-pinag-iisipan, walang-ingat, o walang-saysay na pagsasalita.—Kaw 21:23.
“Mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig,” sabi ni Jesu-Kristo. (Mat 12:34) Kaya naman ang madalas na ikinukuwento ng isa ay indikasyon ng kung saan nakatuon ang kaniyang puso. Hinihimok tayo ng Kasulatan na ingatan ang ating puso at na mag-isip at magsalita tungkol sa mga bagay na totoo, seryoso, matuwid, malinis, kaibig-ibig, may mabuting ulat, may kagalingan, at kapuri-puri. (Kaw 4:23; Fil 4:8) Sinabi ni Jesu-Kristo, “Ang lumalabas sa kaniyang bibig ang nagpaparungis sa isang tao,” at pagkatapos ay binanggit niya ang “mga balakyot na pangangatuwiran” at “mga bulaang patotoo” bilang kasama sa mga bagay na lumalabas sa bibig ngunit sa katunayan ay mula sa puso.—Mat 15:11, 19.
Ang tsismis ay maaaring humantong sa paninirang-puri, na ikinapapahamak naman ng naninirang-puri. Kitang-kita ang karunungan ng mga salita sa Eclesiastes 10:12-14: “Ang mga labi ng hangal ay lumalamon sa kaniya. Ang pasimula ng mga salita ng kaniyang bibig ay kamangmangan, at ang huling wakas ng kaniyang bibig ay kapaha-pahamak na kabaliwan. At ang mangmang ay nagsasabi ng maraming salita.”
Ang tsismis ay usapan na nagsisiwalat ng mga bagay tungkol sa mga gawain at pinagkakaabalahan ng ibang tao. Ito’y maaaring walang-saligang usap-usapan, baka kasinungalingan pa nga, at bagaman maaaring di-alam ng nagtsitsismis na hindi totoo ang bagay na pinag-uusapan, ipinagsasabi pa rin niya iyon, sa gayon ay nagkakalat siya ng kasinungalingan. Maaaring mga kapintasan at mga pagkakamali ng isang tao ang ipinagsasabi ng nagtsitsismis. Ngunit kahit totoo ang mga bagay na ipinagsasabi niya, mali pa rin siya at ipinakikita nito na wala siyang pag-ibig. Sinasabi ng kawikaan: “Ang nagtatakip ng pagsalansang ay naghahangad ng pag-ibig, at siyang salita nang salita tungkol sa isang bagay ay naghihiwalay niyaong malalapít sa isa’t isa.”—Kaw 17:9.
Ang apostol na si Pablo ay nagbigay ng matinding payo sa tagapangasiwang si Timoteo tungkol sa paggawi ng mga nakababatang babaing balo na walang sambahayang inaasikaso at hindi nagpapakaabala sa paglilingkod sa iba. Sinabi niya: “Natututo rin sila na maging walang pinagkakaabalahan, nagpapalipat-lipat sa mga bahay; oo, hindi lamang walang pinagkakaabalahan, kundi mga tsismosa rin naman at mga mapanghimasok sa buhay-buhay ng ibang tao, na nagsasalita ng mga bagay na hindi dapat.” (1Ti 5:13) Ang gumagawi nang gayon ay kumikilos nang walang-kaayusan. Tinukoy rin ni Pablo ang ilan sa kongregasyon sa Tesalonica na “lumalakad nang walang kaayusan sa gitna ninyo, na walang anumang ginagawa kundi nanghihimasok sa mga bagay na walang kinalaman sa kanila.” (2Te 3:11) Binanggit ng apostol na si Pedro ang “isang mapakialam sa mga bagay-bagay ng ibang tao” kasama ng napakasasamang tao—mga mamamaslang, magnanakaw, at manggagawa ng kasamaan.—1Pe 4:15.
Sa kabilang dako, hindi maituturing na tsismis o paninirang-puri, at hindi rin mali, na ipagbigay-alam ang mga kalagayang nakaaapekto sa isang kongregasyon doon sa mga may awtoridad at may pananagutang mangasiwa at magtuwid ng mga bagay-bagay. Makikita ito sa rekord ng Kasulatan tungkol sa kongregasyong Kristiyano sa sinaunang Corinto. Doon, ang mga di-pagkakasundo at pag-uukol ng di-nararapat na karangalan sa mga tao ay lumilikha ng pagkakabaha-bahagi at sumisira sa pagkakaisa ng kongregasyon. Ang mga bagay na ito ay batid ng ilang miyembro ng sambahayan ng isang nagngangalang Cloe at nabahala sila sa espirituwal na kapakanan ng kongregasyon, anupat ibinunyag nila ito sa apostol na si Pablo, na noon ay nasa Efeso. Agad naman siyang kumilos at sumulat upang payuhan at ituwid ang kongregasyon.—1Co 1:11.
Ano ang pagkakaiba ng tsismis at paninirang-puri?
Bagaman ang tsismis, sa ilang kaso, ay maaaring hindi naman nakasasakit (ngunit maaari itong maging paninirang-puri o mauwi rito), ang paninirang-puri naman ay laging nakapipinsala at laging nagiging sanhi ng sama ng loob at pagtatalo. Maaaring may kasama itong masamang motibo o wala. Sa alinmang kaso, pinasasamâ ng maninirang-puri ang kaniyang katayuan sa harap ng Diyos, sapagkat ang ‘paghahasik ng mga pagtatalo sa gitna ng magkakapatid’ ay kabilang sa mga bagay na kinapopootan ng Diyos. (Kaw 6:16-19) Ang salitang Griego para sa “maninirang-puri” o “tagapag-akusa” ay di·aʹbo·los. Ginagamit din sa Bibliya ang salitang ito bilang isang titulo ni Satanas “na Diyablo,” ang pusakal na maninirang-puri sa Diyos. (Ju 8:44; Apo 12:9, 10; Gen 3:2-5) Ipinakikita nito kung sino ang pinagmumulan ng gayong mapanirang-puring akusasyon.
Ang paninirang-puri ay isang katitisuran sa iba, lalo na sa isa na sinisiraang-puri. Ganito ang kautusang ibinigay ng Diyos sa Israel: “Huwag kang maglilibot sa iyong bayan upang manirang-puri. Huwag kang titindig laban sa dugo ng iyong kapuwa.” (Lev 19:16) Idiniriin dito ang kalubhaan ng paninirang-puri sa pamamagitan ng pagtatawag-pansin na sa ilang kaso, ang mga bulaang paratang ay maaaring aktuwal na humantong sa paglalapat ng kamatayan. Sa maraming pagkakataon, ang mga bulaang saksi ay naging kasangkapan sa pagkamatay ng mga taong walang-sala.—1Ha 21:8-13; Mat 26:59, 60.
Kung minsan, may mga bagay na dapat ilihim, ngunit natutuwa ang maninirang-puri na isiwalat ang mga iyon sa iba na walang karapatang makaalam ng mga iyon. (Kaw 11:13) Nagdudulot ng kasiyahan sa maninirang-puri ang pagsisiwalat ng mga bagay na nakagugulat. Mali rin ang isa na nakikinig sa paninirang-puri at pinipinsala niya ang kaniyang sarili. (Kaw 20:19; 26:22) Maaaring maudyukan ang isang tao na lumayo sa kaniyang mga kaibigan dahil sa isang mapanirang-puring komento tungkol sa kanila ng isang maninirang-puri, at maaaring magbunga ito ng mga alitan at pagkakabaha-bahagi.—Kaw 16:28.
Inihula ng Kasulatan na ang kapansin-pansing presensiya ng mga maninirang-puri ay magiging isa sa mga palatandaan ng “mga huling araw.” (2Ti 3:1-3) Kung mayroong gayong mga tao, mga lalaki man o mga babae, sa gitna ng bayan ng Diyos, sila ay dapat sawayin at ituwid ng mga may pananagutan sa kongregasyong Kristiyano. (1Ti 3:11; Tit 2:1-5; 3Ju 9, 10) Ang paninirang-puri, bilang sanhi ng pagtatalo (Kaw 16:28), ay nagbubunga ng ilang “gawa ng laman” (gaya ng mga pagkapoot, mga pagtatalo, at mga pagkakabaha-bahagi) na magiging dahilan naman upang hindi magmana ng Kaharian ng Diyos ang maninirang-puri at ang iba pa na naakay niya sa paggawa ng masama. (Gal 5:19-21) Bagaman maaaring tuso at mapanlinlang ang maninirang-puri, ang kaniyang kasamaan ay malalantad sa kongregasyon. (Kaw 26:20-26) Inilantad ni Jesus sa kaniyang mga apostol ang mapanirang-puring si Hudas (Ju 6:70) at pagkatapos ay pinaalis niya ito sa gitna nila. Ang nangyari pagkatapos nito ay humantong sa pagkapuksa ni Hudas.—Mat 26:20-25; Ju 13:21-27; 17:12.
Ang isang anyo ng paninirang-puri ay panlalait, anupat ang gumagawa nito ay dapat ihiwalay mula sa kongregasyong Kristiyano, sapagkat hinahatulan sa Kasulatan ang mga manlalait bilang di-karapat-dapat sa buhay. (1Co 5:11; 6:9, 10) Ang paninirang-puri at panlalait ay kadalasang iniuugnay sa paghihimagsik laban sa Diyos o laban sa mga itinalaga at inatasang mangasiwa sa kongregasyon ng kaniyang bayan. Ang isang halimbawa nito ay si Kora at ang kaniyang mga kasamahan, na nagsalita nang may paninirang-puri laban kina Moises at Aaron bilang paghihimagsik laban sa kaayusan ng Diyos. (Bil 16:1-3, 12-14) Itinawag-pansin ni Judas ang mga mapaghimagsik na ito at ang kanilang naging wakas nang babalaan niya ang mga Kristiyano laban sa mapang-abusong pananalita, pagbubulung-bulungan, pagrereklamo, at pagsasalita ng “mapagmalaking mga bagay.”—Jud 10, 11, 14-16.