HAMAN
Anak ni Hamedata na Agagita. Ang katawagang “Agagita” ay maaaring nangangahulugan na si Haman ay isang maharlikang Amalekita. (Es 3:1; tingnan ang AGAG Blg. 1; AGAGITA.) Kung si Haman nga ay isang Amalekita, ito sa ganang sarili ang magpapaliwanag kung bakit gayon na lamang katindi ang kimkim niyang pagkapoot sa mga Judio, yamang itinalaga ni Jehova ang paglipol sa mga Amalekita sa bandang huli. (Exo 17:14-16) Ito ay sapagkat nagpamalas sila ng pagkapoot sa Diyos at sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng kusang paglabas upang salakayin ang mga Israelita nang ang mga ito ay naglalakbay sa ilang.—Exo 17:8.
Si Haman ay isang lingkod ni Haring Ahasuero (Jerjes I) ng Persia, na namahala maaga noong ikalimang siglo B.C.E. Pinarangalan si Haman at hinirang na punong ministro sa Imperyo ng Persia. Palibhasa’y nagngangalit dahil sa pagtangging yumukod sa kaniya ni Mardokeo na Judio, nagpakana si Haman ng pagpuksa kay Mardokeo at sa lahat ng mga Judio sa imperyo. Inilarawan niya ang mga Judio bilang mga di-kanais-nais sa imperyo, mga manlalabag-batas, anupat may mga kautusang “kakaiba sa lahat niyaong sa ibang bayan.” Nagdagdag pa siya ng pang-akit na salapi, anupat nagsabi sa hari: “Masulat nawa na puksain sila; at sampung libong talento na pilak [mga $66,060,000] ang ibabayad ko sa mga kamay ng mga magsasagawa ng gawain sa pamamagitan ng pagdadala nito sa ingatang-yaman ng hari.” Ibinigay ng hari kay Haman ang singsing na panlagda nito at tumugon: “Ang pilak ay ibinibigay sa iyo, gayundin ang bayan, upang gawin sa kanila ang anumang mabuti sa iyong paningin.”—Es 3:1-11.
Lubhang nagmalaki si Haman dahil sa tumanggap siya mula sa hari ng awtoridad na magpalabas ng batas para sa paglipol at pagdambong sa mga Judio at, karagdagan pa, dahil sa pagkakaanyaya sa kaniya nang maglaon sa dalawang piging na idinaos ni Reyna Esther. (Es 3:12, 13; 5:4-12) Ngunit nang sa akala ni Haman ay malapit na niyang matamo ang katuparan ng kaniyang pinakamatatayog na ambisyon, saka naman bumaligtad ang mga bagay-bagay para sa kaniya. Palibhasa’y buong-paghahambog na umaasang maitataas siya, dumanas si Haman ng masaklap na kahihiyan nang utusan siya ng hari na magsagawa ng isang pampublikong seremonya bilang parangal sa kinapopootan niyang si Mardokeo, na bago nito ay nagbunyag sa isang pakana laban sa buhay ng hari. (Es 6:1-12; 2:21-23) Minalas ito ng mga taong marurunong ni Haman at ng kaniyang asawa bilang isang tanda na si Haman ay mabubuwal sa harap ng Judiong si Mardokeo.—Es 6:13.
Ang pagbagsak ni Haman ay umabot sa kalunus-lunos na kasukdulan noong panahon ng ikalawang espesyal na piging na idinaos ni Reyna Esther na pinsan ni Mardokeo. (Es 2:7) Lakas-loob, sa harap ni Haman, nagsumamo si Esther sa hari. Isiniwalat niya sa nanggilalas na hari na nanganganib ang sariling mga kapakanan nito; sa katunayan, ang buhay ng kaniyang reyna ay isinapanganib ng isang mapamaslang na pakana. Habang sumisidhi ang pagngangalit ng hari, buong-tapang na tinukoy ni Esther ang noo’y nasindak na punong ministro bilang ang ubod-samang tagapagpakana, “ang masamang ito na si Haman.” (Es 7:1-6) Pagkatapos, ipinag-utos ng hari na ang mapamaslang na si Haman ay ibitin sa 22-m-kataas (73 piye) na tulos na inihanda ni Haman upang pagbitinan kay Mardokeo. (Es 7:7-10) Kasunod nito, ibinigay ang bahay ni Haman kay Esther (Es 8:7), at si Mardokeo ay ginawang punong ministro na may awtorisasyon na magkaloob sa mga Judio ng pahintulot na ipagtanggol ang kanilang sarili. (Es 8:2, 10-15) Sa dalawang araw ng paghihiganti laban sa kanilang mga kagalit, ang mga Judio ay nagtamo ng malaking tagumpay, anupat nakapatay sila ng mahigit na 75,000 sa kanilang mga kaaway. Pinatay ang sampung anak ni Haman; pagkatapos, nang sumunod na araw, ibinitin ang mga ito sa harap ng bayan bilang kadustaan.—Es 9:1-17; tingnan ang ESTHER; ESTHER, AKLAT NG; MARDOKEO Blg. 2; PURIM.
Ipinamalas ni Haman ang mga katangian ng mga Amalekita. Maliwanag na isa siyang mananamba ng huwad na mga diyos, at marahil ay nanalig siya sa mga astrologo noong nagpapalabunutan upang alamin ang angkop na araw para sa pagpuksa sa mga Judio. (Es 3:7; tingnan ang PALABUNOT, PALABUNUTAN.) Isinagawa niya “ang mga gawa ng laman,” anupat nagsagawa ng idolatriya, espiritismo, nagpamalas ng kaniyang mapamaslang na pagkapoot sa mga Judio, nagpakita ng isang mapagmapuri, palalo at egotistikong saloobin na may labis-labis na paninibugho at pagkainggit sa iba, lalo na sa mga lingkod ng Diyos. (Gal 5:19-21) Namihasa siya sa pagsisinungaling at panlilinlang (Es 3:8) at napatunayang isang susukut-sukot na duwag nang mabigo ang kaniyang mga plano at mapatawan siya ng hatol. (Es 7:6-8) Ipinakita ni Haman na isa siyang lingkod ng Kalaban ng Diyos, ang Diyablo, ayon sa simulaing nasa Roma 6:16.