HASABIAS
[Tinuos (Isinaalang-alang) ni Jehova].
1. Isang Levita sa linya ng angkan mula kay Merari hanggang sa mang-aawit sa templo na si Etan. (1Cr 6:31, 44-47) Posibleng siya rin ang Blg. 6.
2. Ulo ng ika-12 sa 24 na pangkat na dito ay hinati-hati ni David ang mga Levitang manunugtog sa templo; isa sa anim na anak ni Jedutun at posibleng isang inapo ng Blg. 1.—1Cr 25:1, 3, 19.
3. Isang administrador “para sa lahat ng gawain ni Jehova at para sa paglilingkod sa hari” na inatasan ni David kasama ng kaniyang mga kapatid sa teritoryo sa K ng Jordan. Siya ay isang Levita, inapo ng anak ni Kohat na si Hebron. (1Cr 26:30; 23:12) Posibleng siya rin ang Blg. 4.
4. Isang prinsipe at lider ng tribo ni Levi noong panahon ng paghahari ni David. (1Cr 27:16, 17, 22) Posibleng siya rin ang Blg. 3.
5. Isa sa “mga pinuno ng mga Levita” na nag-abuloy ng maraming hayop para sa pagdiriwang ng dakilang Paskuwa na isinaayos ni Haring Josias.—2Cr 35:1, 9.
6. Isang Levita na ang inapo ay nanirahan sa Jerusalem pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya. (1Cr 9:2, 3, 14; Ne 11:1, 4, 15, 20) Posibleng siya rin ang Blg. 1.
7. Isa sa mga punong saserdote na pinagkatiwalaan ni Ezra ng pagdadala ng mahahalagang materyales mula sa Babilonya patungong Jerusalem noong 468 B.C.E. (Ezr 8:24-30) Maaaring siya rin ang binanggit sa talata 19 at posibleng siya rin ang Blg. 9.
8. Isang Levita, marahil ay inapo ng Blg. 1, na nagpatotoo sa pambansang kasunduan ng katapatan noong mga araw ni Nehemias. (Ne 9:38; 10:1, 9, 11) Posibleng siya rin ang Blg. 10 o 11.
9. Isang saserdote na nangunguna sa sambahayan ni Hilkias sa panig ng ama noong panahon ng panunungkulan ng mataas na saserdoteng si Joiakim na kahalili ni Jesua. (Ne 12:10, 12, 21) Posibleng siya rin ang Blg. 7.
10. Isa sa mga ulo ng mga Levita na naglilingkod noong panahong nanunungkulan si Joiakim.—Ne 12:23, 24, 26; tingnan ang Blg. 8.
11. Isang Levitang prinsipe ng kalahati ng distrito ng Keila na nagkumpuni ng isang bahagi ng pader ng Jerusalem para sa kaniyang distrito.—Ne 3:17; tingnan ang Blg. 8.
12. Isang Levita na mula sa “mga anak ni Asap” na ang inapo ay naging tagapangasiwa ng mga Levita sa Jerusalem pagkaraan ng pagkatapon.—Ne 11:22.