HEMAN
1. Isa sa apat na lalaking marurunong na ang karunungan, bagaman malaki, ay nahigitan pa niyaong kay Haring Solomon. Sina Heman, Calcol, at Darda ay may katawagang “mga anak ni Mahol,” isang pananalitang ipinapalagay ng ilan na tumutukoy sa isang samahan ng mga mananayaw o manunugtog. (1Ha 4:31) Sa 1 Cronica 2:3-6 ay ipinakilala si Heman bilang isang inapo ni Juda sa pamamagitan ni Zera. Sa superskripsiyon ng Awit 88 ay tinatawag siyang isang “Ezrahita,” na lumilitaw na isa pang salita para sa “Zerahita.”—Tingnan ang EZRAHITA.
2. Anak ni Joel at apo ng propetang si Samuel na mula sa pamilya ng mga Kohatita; isang Levitang mang-aawit at manunugtog ng simbalo noong panahon ng mga paghahari nina David at Solomon. (1Cr 6:33; 15:17-19; 2Cr 5:11, 12) Bilang ama ng 14 na anak na lalaki at 3 anak na babae, pinangunahan niya ang kaniyang pamilya sa pag-awit sa bahay ni Jehova. Gayunman, siya mismo, kasama nina Asap at Jedutun, ay nasa ilalim ng tuwirang pangangasiwa ng hari.—1Cr 25:1, 4-6.