HERMON
[Bagay na Nakatalaga; Bagay na Ipinagbawal].
Ang Hermon ay iniuugnay sa pinakamataas na bundok sa kapaligiran ng Palestina, tinatawag ng mga Arabe na Jebel esh-Sheikh (posibleng nangangahulugang “Bundok ng Isa na Matanda”) o Jebel eth-Thalj (nangangahulugang “Bundok ng Niyebe”). Maliwanag na ang mga pangalang ito ay hinalaw sa kalagayan ng Bundok Hermon na halos sa buong taon ay nababalutan ng niyebe. Ang maniyebeng taluktok nito ay masasabing kahalintulad ng tuktok ng ulo ng isang matanda na punô ng puting buhok. Noong sinaunang mga panahon, ang bundok na ito ay kilala ng mga Sidonio bilang “Sirion” at ng mga Amorita bilang “Senir.” (Deu 3:8, 9) Ang huling nabanggit na pangalan ay waring ginagamit din upang tumukoy sa isang bahagi ng Kabundukan ng Anti-Lebanon. (1Cr 5:23) Ang “Sion” (tingnan ang SION Blg. 2) ay isa pang pangalang itinawag sa Bundok Hermon. (Deu 4:47, 48) Binanggit ng salmista na ang Hermon, kasama ang Tabor, ay humihiyaw nang may kagalakan sa pangalan ni Jehova.—Aw 89:12.
Bilang ang T na dulo ng Kabundukan ng Anti-Lebanon, ang Bundok Hermon ay may taas na 2,814 na m (9,232 piye) mula sa kapantayan ng dagat at sumasaklaw nang mga 30 km (19 na mi) mula H hanggang T. Ang mga taluktok nito ay pinagdurugtong ng isang talampas. (Aw 42:6) Ang Bundok Hermon ay binubuo ng batong-apog, bagaman may mga nakausling basalto sa mga gilid sa silangan at kanluran. Ang itaas na bahagi nito ay kalbung-kalbo maliban sa mabababang palumpong sa ilang lugar. Ngunit sa bandang ibaba ay may mga abeto, mga namumungang punungkahoy, at mga palumpong. Mga ubasan ang nasa mabababang dalisdis ng mga gilid sa kanluran at timog.
Kapag maaliwalas ang panahon, makikita mula sa taluktok ng Hermon ang isang kahanga-hangang tanawin ng malaking bahagi ng Palestina. Sa dakong K ay makikita ang kabundukan ng Lebanon, ang Kapatagan ng Tiro, at ang Dagat Mediteraneo; sa dakong TK, ang Bundok Carmel; sa dakong T, ang Libis ng Jordan pati na ang Lunas ng Hula at ang Dagat ng Galilea; at sa dakong S, ang Kapatagan ng Damasco.
Ang maniyebeng taluktok ng Bundok Hermon ay nagiging sanhi ng pamumuo ng mga singaw sa gabi, na lumilikha naman ng saganang hamog. “Hindi pa kami nakaranas ng hamog na mas makapal kaysa rito,” ang puna ng naturalista ng ika-19 na siglo na si H. B. Tristram. “Lahat na lamang ay basang-basa nito, at walang gaanong proteksiyong naibigay ang mga tolda.” (The Land of Israel, London, 1866, p. 608, 609) Pinananatiling buháy ng nakarerepreskong hamog ng Hermon ang mga pananim sa mahabang kapanahunang walang ulan. (Aw 133:3; tingnan ang HAMOG.) Ang natutunaw na niyebe ng Bundok Hermon ang pangunahing pinagmumulan ng tubig ng ilog ng Jordan.
Noong sinaunang panahon, ang Bundok Hermon ay pinamumugaran ng mababangis na hayop, gaya ng leon at leopardo. (Sol 4:8) Nitong kalilipas na mga panahon, iniuulat na mayroon doong mga sorra, lobo, leopardo, at osong Siryano.
Ang Bundok Hermon ang naging hilagang hangganan ng Lupang Pangako. (Jos 12:1; 13:2, 5, 8, 11) Ang mga Hivita, na tumahan sa paanan nito, ay tinalo ni Josue. (Jos 11:1-3, 8, 16, 17) Maaaring sa bundok na ito naganap ang pagbabagong-anyo ni Jesu-Kristo (Mat 17:1; Mar 9:2; Luc 9:28; 2Pe 1:18), sapagkat siya ay nasa kalapit na Cesarea Filipos hindi pa natatagalan bago ang pangyayaring iyon.—Mar 8:27; tingnan ang BAAL-HERMON; PAGBABAGONG-ANYO.
[Larawan sa pahina 969]
Tumutulong ang niyebe ng Bundok Hermon upang mamuo ang mga singaw sa gabi, na lumilikha naman ng saganang hamog para sa lupain