HERODES, MGA TAGASUNOD SA PARTIDO NI
Maliwanag na ang mga ito ay mga Judiong kapartido o tagasunod sa partido ng dinastiya ng mga Herodes, na tumanggap ng awtoridad nito mula sa Roma. Noong panahon ng ministeryo ni Jesu-Kristo sa lupa, si Herodes Antipas ang nangunguna sa dinastiyang ito.
Ang mga Herodiano ay hindi binabanggit sa sekular na kasaysayan, at kakaunti ang pagtukoy sa kanila sa Kasulatan. (Mat 22:16; Mar 3:6; 12:13) Gayunman, may mahigpit na mga pagtutol sa paniniwala ng ilan na ang mga Herodiano ay mga lingkod sa sambahayan ni Herodes, na sila ay kaniyang mga kawal, o na sila ay kaniyang mga opisyal ng korte.
Kung tungkol sa pulitika, ang mga Herodiano ay nasa gitna, anupat sa isang panig ay sinasalansang ng mga Pariseo at mga panatikong Judio na nagtataguyod ng isang kahariang Judio na lubusang malaya sa kontrol ng Roma, at sa kabilang panig naman ay sinasalansang niyaong mga nagtataguyod ng lubusang pagpapasakop ng Judea sa Imperyo ng Roma. Malamang na ang ilan sa mga Saduceo, na itinuturing na may independiyente at di-panatikong pangmalas sa Judaismo, ay kaanib ng kaisipang Herodiano. Ang huling nabanggit na konklusyong ito ay batay sa mga ulat nina Mateo at Marcos may kaugnayan sa pananalita ni Jesus tungkol sa lebadura. Ayon sa Mateo 16:6, sinabi ni Jesus, “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at mga Saduceo,” samantalang ang Marcos 8:15 ay nagsasabi, “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.” Idiniriin ng pag-ulit sa salitang “lebadura” na may pagkakaiba sa tiwaling mga turo ng dalawang partido. Sa halip na “Herodes,” ang huling nabanggit na tekstong ito ay kababasahan ng “mga Herodiano” sa ilang manuskrito, samakatuwid nga, ang Chester Beatty Papyrus No. 1 (P45), ang Codex Washingtonianus I, at ang Codex Koridethianus.—The Interpreter’s Dictionary of the Bible, inedit ni G. A. Buttrick, 1962, Tomo 2, p. 594; Our Bible and the Ancient Manuscripts, ni Sir Frederic Kenyon, 1958, p. 215, 216.
Isang bagay ang tiyak: ang mga tagasunod sa partido ni Herodes at ang mga Pariseo, bagaman hayagang salansang sa isa’t isa sa kanilang mga pangmalas sa pulitika at Judaismo, ay matibay na nagkakaisa sa kanilang matinding pagsalansang kay Jesus. Di-kukulangin sa dalawang pagkakataon na ang naglalabanang mga partidong ito ay nagsanggunian kung ano ang pinakamabuting paraan upang patayin ang kapuwa nila kalabang ito. Ang unang pangyayaring nakaulat ay di-kalaunan pagkatapos ng Paskuwa, 31 C.E., noong panahon ng dakilang ministeryo ni Jesus sa Galilea. Nang makitang pinanauli ni Jesus ang tuyot na kamay ng isang lalaki habang Sabbath, “lumabas ang mga Pariseo at kaagad na nagsimulang makipagsanggunian sa mga tagasunod sa partido ni Herodes laban sa kaniya, upang patayin siya.”—Mar 3:1-6; Mat 12:9-14.
Ang ikalawang pangyayaring nakaulat ay pagkaraan ng halos dalawang taon, tatlong araw na lamang bago patayin si Jesus, nang ang mga alagad ng mga Pariseo at ang mga tagasunod sa partido ni Herodes ay magtulung-tulong upang ilagay si Jesus sa pagsubok may kinalaman sa pagbubuwis. Ang mga lalaking ito ay lihim na inupahan “upang magkunwaring sila ay matuwid, nang sa gayon ay mahuli nila siya sa pananalita, upang maibigay siya sa pamahalaan at sa awtoridad ng gobernador.” (Luc 20:20) Sinimulan nila ang kanilang tuwirang tanong tungkol sa mga buwis sa pamamagitan ng labis na mapamuring mga salita na sinadya upang mahuling di-handa si Jesus. Ngunit si Jesus, palibhasa’y napag-uunawa ang kanilang tusong kabalakyutan, ay nagpahayag: “Bakit ninyo ako inilalagay sa pagsubok, mga mapagpaimbabaw?” Pagkatapos ay lubusan niya silang pinatahimik sa pamamagitan ng kaniyang sagot may kinalaman sa pagbabayad ng mga buwis.—Mat 22:15-22; Luc 20:21-26.