HIVITA, MGA
Isang bayan na nagmula kay Canaan na anak ni Ham. (Gen 10:6, 15, 17; 1Cr 1:13, 15) Ang mga Hivita ay nanahanan sa lunsod ng Sikem noong mga araw ng patriyarkang si Jacob. Sa pangunguna nina Simeon at Levi, pinatay ng mga anak ni Jacob ang bawat lalaki at dinambungan ang lunsod dahil dinungisan ni Sikem na anak ni Hamor na pinuno ang kanilang kapatid na si Dina.—Gen 34:1-29.
Nang pumasok ang Israel sa Lupang Pangako, ang mga Hivita ang bumubuo sa isa sa pitong bansang Canaanita na ipinangako ng Diyos na palalayasin sa harap nila. (Exo 3:8, 17; 13:5; 23:23, 28; 33:2; 34:11) Ang mga bansang ito ay sinasabing higit na matao at makapangyarihan kaysa sa Israel. (Deu 7:1) Inutusan ni Moises ang mga Israelita na italaga sila sa pagkapuksa, anupat walang iiwang buháy kapag binihag ang kanilang mga lunsod, dahil sa kanilang karima-rimarim na mga gawain at sa kanilang huwad na mga diyos. Kung hindi ay magiging silo sila at magiging dahilan upang maiwala ng Israel ang pabor ng Diyos.—Lev 18:27, 28; Deu 18:9-13; 20:15-18.
Iniuulat ng Bibliya ang lubusang pagpuksa ni Josue sa mga lunsod ng mga bansang iyon. (Jos kab 10, 11) Ang mga Hivita na tumatahan “sa paanan ng [Bundok] Hermon sa lupain ng Mizpa” ay kabilang sa mga tribong nakiisa sa mga Canaanitang hari laban kay Josue sa utos ni Jabin na hari ng Hazor. (Jos 11:1-3) Ang mga Hivita ay nakatalang kabilang sa mga nakipaglaban sa Israel at dumanas ng pagkatalo. (Jos 9:1, 2; 12:7, 8; 24:11) Gayunman, may isang grupo mula sa bansang Hivita na pinaligtas. (Jos 9:3, 7) Ang grupong ito ay ang mga Gibeonita, maliwanag na kumakatawan din sa tatlong iba pang Hivitang lunsod. Ang mga ito lamang ang natakot kay Jehova, anupat kinilala na nakikipaglaban siya para sa Israel. Sa pamamagitan ng isang pakana ay nagawa nilang pumasok sa isang pakikipagtipan sa mga lider ng Israel kung kaya hindi sila pinatay kundi ginawa silang mabababang lingkod ng Israel. (Jos 9:1-15, 24-27) Ito ang isa sa halimbawa ng katuparan ng sumpa ni Noe kay Canaan, na ang mga Gibeonita at ang kanilang mga kasamahan, bagaman hindi pinuksa, ay naging mga alipin ng mga Semita.—Gen 9:25-27.
Ipinahiwatig ni Jehova ang kaniyang pagsang-ayon sa tapat na pagtupad ng Israel sa kanilang pakikipagtipan sa mga Hivitang ito sa pamamagitan ng pakikipaglaban para ipagsanggalang ang Gibeon laban sa nakapalibot na mga bansang Canaanita na pumaroon laban sa kanila bilang resulta ng pakikipagtipan nila sa Israel. (Jos 10:1-14) Mula noon ay mapayapang nanahanan ang mga Gibeonita kasama ng Israel. (2Sa 21:1-6) Tinatawag silang “mga Amorita” sa 2 Samuel 21:2, ngunit maliwanag na ito ay dahilan sa ang “Amorita” ay isang termino na madalas ikapit sa mga bansang Canaanita sa pangkalahatan, yamang ang mga Amorita ay isa sa mga pinakamakapangyarihang tribo. (Tingnan ang AMORITA.) Noong panahon ng pananakop ni Josue, ang sinang-ayunang mga Hivitang ito ay nananahan sa lunsod ng Gibeon, hindi kalayuan sa HK ng Jerusalem, gayundin sa Kepira, Beerot, at Kiriat-jearim. Inilalarawan ang Gibeon bilang ‘isang dakilang lunsod, tulad ng isa sa mga maharlikang lunsod, at mas dakila kaysa sa Ai, at ang lahat ng mga lalaki nito ay mga makapangyarihan.’—Jos 10:2; 9:17.
Pagkamatay ni Josue, nabigo ang Israel na patuloy na alisin ang mga Canaanitang bansang Canaanita gaya ng iniutos ng Diyos, kundi nakipag-asawa pa sa mga ito. Kaya naman, ang ulat ng Bibliya ay kababasahan: “At ito ang mga bansa na hinayaan ni Jehova na manatili upang sa pamamagitan nila ay masubok ang Israel . . . Ang limang panginoon ng alyansa ng mga Filisteo, at ang lahat ng mga Canaanita, maging ang mga Sidonio at ang mga Hivita na nananahanan sa Bundok Lebanon mula sa Bundok Baal-hermon hanggang sa pagpasok sa Hamat . . . at pinasimulan nilang [mga Israelita] maglingkod sa kanilang mga diyos.”—Huk 3:1-6.
Ipinakikita ng ulat na ito na ang mga Hivita ay mga naninirahan sa Kabundukan ng Lebanon hanggang sa pinakadulong-hilagang bahagi ng Lupang Pangako. (Bil 34:8; Jos 11:1, 3) Nang kumuha si Joab at ang kaniyang mga tauhan ng isang sensus ayon sa utos ni Haring David, “pumaroon sila sa tanggulan ng Tiro at sa lahat ng mga lunsod ng mga Hivita.” (2Sa 24:7) Ang Tiro ay maliwanag na nasa ibaba lamang ng timugang dulo ng Hivitang teritoryo.
Noong panahon ng pambuong-bansang programa ni Solomon ng pagtatayo, ginamit niya ang mga Canaanita, kabilang na ang mga Hivita, para sa puwersahang pagtatrabaho sa ilalim ng pamamahala ng mga tagapangasiwang Israelita. Dito higit na natupad ang makahulang sumpa ni Noe kay Canaan.—1Ha 9:20-23; 2Cr 8:7-10.
Mga Hivita, mga Horita, at mga Hurriano. Sa Genesis 36:2 si Zibeon, lolo ng isa sa mga asawa ni Esau, ay tinatawag na isang Hivita. Ngunit itinatala siya ng mga talata 20 at 24 bilang isang inapo ni Seir na Horita. Ang salitang “Horita” ay maaaring halaw sa Hebreong chor (“butas”) at maaaring nangangahulugan lamang ng “tumatahan sa yungib.” Maaalis nito ang anumang waring di-pagkakatugma sa pagitan ng mga teksto sa Genesis 36:2 at sa mga talata 20, 24.—Tingnan ang HORITA.
May nahukay ang mga arkeologo na mga sinaunang akda na binigyang-kahulugan ng mga iskolar bilang katunayan na isang bansa na tinawag na mga Hurriano ang tumahan sa mga rehiyon ng Armenia, Anatolia, Sirya, at mga bahagi ng Palestina noong panahon ng mga patriyarka; at naniniwala sila na kabilang sa mga taong ito ang mga Hivita, mga Horita, at mga Jebusita. Iniuugnay nila ang “Horita” sa “Hivita” at naniniwalang sa paanuman ay tinawag na mga Hivita ang mga Hurriano. Sa kalakhang bahagi, ang teoriya nila ay nakasalig sa pagkakahawig ng wika, partikular na sa mga pangalang pantangi. Kaya nga, ang pangalang Horita ay karaniwang iniisip nilang nauugnay sa “Hurriano” sa halip na mangahulugang “tumatahan sa yungib.”
Gayunman, waring ipinakikita ng Bibliya ang tiyakang pagkakaiba ng mga tribong ito, at hindi nito binabanggit ang pangalang Hurriano. Samakatuwid, mas matalinong maghintay ng karagdagang katibayan bago tanggapin ang gayong pag-uugnay.