HUSAI
[posibleng pinaikling anyo ng Hasabias, nangangahulugang “Tinuos (Isinaalang-alang) ni Jehova”].
Isang matapat na Arkitang kaibigan ni Haring David na tumulong upang biguin ang paghihimagsik ni Absalom. (1Cr 27:33) Matapos hapakin ang kaniyang mahabang damit at maglagay ng lupa sa ulo, sinalubong ni Husai ang tumatakas na hari sa Bundok ng mga Olibo. Sinunod niya ang mungkahi ni David na bumalik sa lunsod, magkunwaring matapat kay Absalom, magsikap na biguin ang payo ni Ahitopel, at palagiang magbalita kay David sa pamamagitan ng mga saserdoteng sina Zadok at Abiatar. (2Sa 15:30, 32-37) Sa pasimula ay naghinala si Absalom, ngunit nagtagumpay si Husai na matamo ang pagtitiwala nito. (2Sa 16:16-19) Nang hingin ni Absalom ang opinyon ni Husai kung anong estratehiyang militar ang pinakamabuting gamitin, sinalungat ni Husai ang sinabi ni Ahitopel at inirekomenda ang isang pagkilos na sa katunayan ay magbibigay kay David ng panahon upang makapag-organisa. Iniharap ni Husai ang kaniyang ideya sa paraang magtitingin itong mas mabuti para kay Absalom at sa mga kasamahan nito kaysa sa payo ni Ahitopel na sumalakay sila kaagad. Pagkatapos ay sinabi ni Husai sa mga saserdote kung ano ang nangyari. (2Sa 17:1-16) Binigo ng payo ni Husai ang payo ni Ahitopel, gaya ng isinamo ni David sa Diyos, at sa gayon ay ‘nagpasapit si Jehova ng kapahamakan kay Absalom.’—2Sa 15:31; 17:14; tingnan ang KAIBIGAN (Kaibigan [Kasamahan] ng Hari).