SANTIAGO
[Katumbas ng Jacob, nangangahulugang, “Isa na Sumusunggab sa Sakong; Kaagaw”].
1. Ama ng apostol na si Hudas (hindi si Hudas Iscariote).—Luc 6:16; Gaw 1:13.
2. Anak ni Zebedeo; kapatid ni Juan at isa sa 12 apostol ni Jesu-Kristo. (Mat 10:2) Waring ang kaniyang ina ay si Salome, gaya ng mapapansin kung paghahambingin ang dalawang ulat ng iisang pangyayari. Ang isa ay bumabanggit ng “ina ng mga anak ni Zebedeo,” tinatawag naman siya sa isa pa na “Salome.” (Mat 27:55, 56; Mar 15:40, 41; tingnan ang SALOME Blg. 1.) Ang higit pang paghahambing ng Juan 19:25 ay tumutukoy marahil kay Salome bilang ang kapatid ni Maria sa laman, na ina ni Jesus. Kung gayon nga, si Santiago ay pinsang buo ni Jesus.
Si Santiago at ang kaniyang kapatid ay nagtatrabahong kasama ng kanilang ama sa hanapbuhay na pangingisda noong 30 C.E. nang tawagin sila ni Jesus, pati ang mga kasamahan nilang mangingisda na sina Pedro at Andres, upang maging kaniyang mga alagad at “mga mangingisda ng mga tao.” Sa pagtugon sa panawagan ni Jesus, iniwan nina Santiago at Juan ang hanapbuhay na pangingisda na isang pakikisosyo kina Pedro at Andres at na malaki-laki rin anupat kaya nilang umupa ng mga tauhan.—Mat 4:18-22; Mar 1:19, 20; Luc 5:7-10.
Nang sumunod na taon, 31 C.E., nang italaga ni Jesus ang 12 sa kaniyang mga alagad na maging mga apostol, si Santiago ay isa sa grupo na napili.—Mar 3:13-19; Luc 6:12-16.
Madalas banggiting magkakasama sina Pedro, Santiago, at Juan bilang malapít na mga kasamahan ni Kristo. Halimbawa, ang tatlong ito ang tanging naroroong kasama ni Kristo sa bundok kung saan naganap ang pagbabagong-anyo (Mat 17:1, 2), ang tanging mga apostol na inanyayahan sa loob ng bahay upang masaksihan ang pagkabuhay-muli ng anak na babae ni Jairo (Luc 8:51), at ang mga pinakamalapit kay Jesus sa Getsemani habang nananalangin ito noong huling gabing iyon (Mar 14:32-34). Sina Pedro, Santiago, at Juan, kasama si Andres, ang mga nagtanong kay Jesus kung kailan magaganap ang inihulang pagkawasak ng templo ng Jerusalem at kung ano ang magiging tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay. (Mar 13:3, 4) Si Santiago ay laging binabanggit kasama ng kaniyang kapatid na si Juan, at sa karamihan ng mga pagkakataon ay siya ang unang binabanggit. Maaaring ipahiwatig nito na siya ang nakatatanda sa dalawa.—Mat 4:21; 10:2; 17:1; Mar 1:19, 29; 3:17; 5:37; 9:2; 10:35, 41; 13:3; 14:33; Luc 5:10; 6:14; 8:51; 9:28, 54; Gaw 1:13.
Ibinigay ni Jesus kay Santiago at sa kapatid nito ang huling pangalang Boanerges, isang terminong Semitiko na nangangahulugang “Mga Anak ng Kulog.” (Mar 3:17) Maaaring ito ay dahil sa masigla, maalab, at masigasig na katangian ng mga lalaking ito. Halimbawa, noong isang pagkakataon, nang hindi naging mapagpatuloy kay Jesus ang ilang Samaritano, ninais nina Santiago at Juan na magpababa ng apoy mula sa langit upang lipulin ang mga iyon. Bagaman sinaway sila ni Jesus dahil sa pagmumungkahi ng gayong paghihiganti, ang saloobing ito ay nagpapahiwatig ng kanilang matuwid na pagkagalit at ng kanila ring pananampalataya. (Luc 9:51-55) Nagkaroon din sila ng mga ambisyon na mapasakanila ang pinakaprominenteng mga posisyon sa Kaharian, sa kanan at kaliwa ni Jesus, at lumilitaw na ginamit nila ang kanilang ina (posibleng tiya ni Jesus) upang hilingin ang mga pabor na ito kay Jesus. Pagkaraang ipaliwanag na ang gayong mga pasiya ay ginagawa ng Ama, ginamit ni Jesus ang pagkakataong iyon upang itawag-pansin na “ang sinumang nagnanais na maging una sa inyo ay dapat na maging alipin ninyo.”—Mat 20:20-28.
Lumilitaw na namatay si Santiago noong 44 C.E. Ipinapatay siya ni Herodes Agripa I sa pamamagitan ng tabak. Siya ang una sa 12 apostol na namatay bilang isang martir.—Gaw 12:1-3.
3. Isa pang apostol ni Jesu-Kristo at anak ni Alfeo. (Mat 10:2, 3; Mar 3:18; Luc 6:15; Gaw 1:13) Karaniwang pinaniniwalaan at malaki ang posibilidad na si Alfeo ay si Clopas din, at kung magkakagayon, ang ina ni Santiago ay si Maria, ang Maria rin na “ina ni Santiago na Nakabababa at ni Joses.” (Ju 19:25; Mar 15:40; Mat 27:56) Maaaring tinawag siyang Santiago na Nakabababa dahil sa siya ay alinman sa mas maliit sa pisikal na tindig o mas nakababata kaysa sa isa pang apostol na si Santiago, na anak ni Zebedeo.
4. Anak nina Jose at Maria, at kapatid sa ina ni Jesus. (Mar 6:3; Gal 1:19) Bagaman hindi isang apostol, maliwanag na ito ang Santiago na isang tagapangasiwa ng kongregasyong Kristiyano sa Jerusalem (Gaw 12:17) at sumulat ng aklat ng Bibliya na nagtataglay ng kaniyang pangalan. (San 1:1) Maaaring siya ang sumunod kay Jesus sa edad, yamang siya ang unang binanggit sa apat na likas na mga anak na lalaki ni Maria: sina Santiago, Jose, Simon, at Hudas. (Mat 13:55; tingnan ang KAPATID NA LALAKI, KAPATID.) Ipinahihiwatig ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Corinto, isinulat noong mga taóng 55 C.E., na si Santiago ay may-asawa.—1Co 9:5.
Lumilitaw na noong panahon ng ministeryo ni Jesus, may lubos na kabatiran si Santiago sa gawain ng kaniyang kapatid (Luc 8:19; Ju 2:12), ngunit bagaman lumilitaw na hindi siya sumasalansang, hindi siya isa sa mga alagad at mga tagasunod ni Kristo. (Mat 12:46-50; Ju 7:5) Malamang na kasama siya ng kaniyang di-sumasampalatayang mga kapatid nang himukin ng mga ito si Jesus na buong-tapang na pumaroon sa Kapistahan ng mga Tabernakulo, noong panahong sinisikap ng mga tagapamahala ng mga Judio na patayin siya. (Ju 7:1-10) Maaaring kabilang din si Santiago sa mga kamag-anak na nagsabi tungkol kay Jesus: “Nasisiraan na siya ng kaniyang isip.”—Mar 3:21.
Gayunman, pagkamatay ni Jesus at bago ang Pentecostes 33 C.E., si Santiago kasama ang kaniyang ina, mga kapatid, at ang mga apostol ay nagkatipon para manalangin sa isang silid sa itaas sa Jerusalem. (Gaw 1:13, 14) Maliwanag na sa Santiago na ito personal na nagpakita ang binuhay-muling si Jesus, gaya ng iniulat sa 1 Corinto 15:7, anupat nakumbinsi itong dating di-sumasampalataya na Siya nga ang Mesiyas. Nagpapaalaala ito sa atin ng personal na pagpapakita ni Jesus kay Pablo.—Gaw 9:3-5.
Pagkatapos nito, si Santiago ay naging isang prominenteng miyembro at, lumilitaw na isang “apostol” ng kongregasyon sa Jerusalem. (Tingnan ang APOSTOL [Pagka-Apostol sa Kongregasyon].) Kaya, noong unang pagdalaw ni Pablo sa mga kapatid sa Jerusalem (mga 36 C.E.), sinabi niyang gumugol siya ng 15 araw kasama ni Pedro ngunit ‘walang nakitang iba pa sa mga apostol, tanging si Santiago lamang na kapatid ng Panginoon.’ (Gal 1:18, 19) Pagkatapos ng makahimalang paglaya ni Pedro mula sa bilangguan, tinagubilinan nito ang mga kapatid sa tahanan ni Juan Marcos na, “Ibalita ninyo ang mga bagay na ito kay Santiago at sa mga kapatid,” anupat ipinahiwatig ang pagiging prominente ni Santiago. (Gaw 12:12, 17) Noong mga 49 C.E., ang usapin ng pagtutuli ay dumating sa harap ng ‘mga apostol at matatandang lalaki’ sa Jerusalem. Kasunod ng personal na patotoo nina Pedro, Bernabe, at Pablo ay nagsalita si Santiago, anupat nagharap ng pasiya na sinang-ayunan at tinanggap naman ng kapulungan. (Gaw 15:6-29; ihambing ang Gaw 16:4.) Nang tinutukoy ang okasyong iyon, sinabi ni Pablo na sina Santiago, Cefas, at Juan ay “waring mga haligi” sa mga nasa Jerusalem. (Gal 2:1-9) Sa pagtatapos ng isang paglalakbay bilang misyonero nang dakong huli, nag-ulat si Pablo, na nasa Jerusalem, tungkol sa kaniyang ministeryo kay Santiago at sa “lahat ng matatandang lalaki,” at pagkatapos ay binigyan siya ng mga ito ng ilang payo na dapat sundin.—Gaw 21:15-26; tingnan din ang Gal 2:11-14.
Ang bagay na ang ‘kapatid ni Jesus’ na ito ang sumulat ng aklat ng Santiago at hindi ang isa sa mga apostol na may gayunding pangalan (alinman sa anak ni Zebedeo o anak ni Alfeo), ay waring ipinahihiwatig sa pasimula ng kaniyang liham. Ipinakikilala roon ng manunulat ang kaniyang sarili bilang “isang alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Kristo,” sa halip na bilang isang apostol. Sa katulad na paraan, ipinakilala rin ng kapatid niyang si Hudas (Judas) ang sarili nito bilang “isang alipin ni Jesu-Kristo, ngunit kapatid ni Santiago.” (San 1:1; Jud 1) May-kapakumbabaang iniwasan ng magkapatid na ipakilala ang kanilang sarili bilang mga kapatid sa laman ng Panginoong Jesu-Kristo.
Ang pagtawag sa kaniya na “Santiago na Makatarungan” ay nakasalig sa mga tradisyon na nagsasabing siya ay tinawag na gayon dahil sa kaniyang paraan ng pamumuhay. Walang ulat sa Kasulatan tungkol sa kamatayan ni Santiago. Gayunman, sinabi ng sekular na istoryador na si Josephus na noong panahon sa pagitan ng kamatayan ni Gobernador Festo, noong mga 62 C.E., at ng pagdating ng kahalili nito na si Albino, ang mataas na saserdoteng si Ananus (Ananias) ay “nagtipon ng mga hukom ng Sanedrin at nagharap sa kanila ng isang lalaking nagngangalang Santiago, na kapatid ni Jesus na tinatawag na Kristo, at ng ilang iba pa. Inakusahan niya sila ng paglabag sa kautusan at ibinigay sila upang batuhin.”—Jewish Antiquities, XX, 200 (ix, 1).