KORAHITA
[Ni (Kay) Kora].
Isang inapo ni Kora, na naghimagsik noong mga araw ni Moises. Ang mga Korahita ay isang sambahayan ng mga Kohatitang Levita sa panig ng ama at nagmula kay Kora sa pamamagitan ng kaniyang tatlong anak na sina Asir, Elkana, at Abiasap. (Exo 6:18, 21, 24; Bil 16:1-3) “Ang mga anak ni Kora ay hindi namatay” na kasama ng kanilang ama (Bil 26:10, 11), maliwanag na dahil hindi sila sumunod sa kaniya sa paghihimagsik.
Sa sensus sa Israel na kinuha sa Kapatagan ng Moab, “ang pamilya ng mga Korahita” ay inirehistrong kasama ng mga pamilyang Levita. (Bil 26:57, 58) Nang si David ay hindi pa makakilos dahil kay Haring Saul, kabilang ang ilang Korahita sa makapangyarihang mga lalaki na sumama sa kaniya sa Ziklag. (1Cr 12:1, 6) Ang Levitikong mang-aawit na si Heman at ang propetang si Samuel ay mga Korahita (1Cr 6:33-38), at inorganisa ni Haring David ang mga miyembro ng pamilya ni Heman bilang mga mang-aawit. (1Cr 15:16, 17; 16:37, 41, 42; 25:1, 4-6) Kabilang ang mga Korahita sa mga bantay ng pintuang-daan para sa bahay ni Jehova (1Cr 26:1-9, 19), at noong mga araw ni Jehosapat, “tumindig ang mga Levita ng mga anak ng mga Kohatita at ng mga anak ng mga Korahita upang pumuri kay Jehova na Diyos ng Israel sa tinig na pagkalakas-lakas,” dahil sa ipinangakong kaligtasan mula sa pinagsama-samang mga hukbo ng Moab, Ammon, at Seir.—2Cr 20:14-19.
Ang mga anak ni Kora ay espesipikong binabanggit sa mga superskripsiyon ng Awit 42, 44-49, 84, 85, 87, at 88. Bagaman naging mapaghimagsik ang kanilang ninuno, hindi pinanagot ni Jehova ang mga anak ni Kora dahil sa kamalian niya, at dahil sa kanilang katapatan, sila ay pinagpala at nagkaroon ng karangalang maglingkod sa templo.