TINGGA
Isa sa mabibigat na elementong metal at may specific gravity na 11.34. Ang di-makintab at abuhing metal na ito ay ginagamit na pabigat sa mga pising pamingwit at mga lambat, at para sa mabibigat na takip. Patulang inawit ni Moises na ang mga Ehipsiyo ay “lumubog na parang tingga [sa Heb., ʽo·pheʹreth; sa Ingles, lead]” sa Dagat na Pula. (Exo 15:10) Ang pandiwang Griego na isinaling ‘arukin’ sa Gawa 27:28 (bo·liʹzo) ay literal na nangangahulugang “maghagis ng tingga.” Ang salitang Hebreo na isinaling “hulog” sa Amos 7:7, 8 (ʼanakhʹ) ay maaaring mangahulugang “tingga” o “lata.” Kung minsan, ang mga lilok sa bato ay binubuhusan ng likidong tingga upang magtagal at maging madaling basahin—isang kaugaliang mula pa noong mga araw ni Job. (Job 19:23, 24) Sa Isaias 41:7, binanggit ang ‘paghihinang’ (sa Heb., deʹveq) may kaugnayan sa paggawa ng mga idolo, ngunit hindi alam kung ang panghinang na ginagamit noon ay yari sa tingga o lata, gaya sa ngayon.
Ang pinakakaraniwang pinagkukunan noon ng tingga ay ang galena, isang inambatong lead sulfide. Minina ito sa Araba sa pagitan ng T na dulo ng Dagat na Patay at ng Gulpo ng ʽAqaba. Ang isa pang pinagkunan nito ay ang Tarsis (Espanya). (Eze 27:12) Gaya ng mga inambato ng ibang mga metal, ang inambato ng tingga ay kailangang tunawin sa isang hurno. (Jer 6:29; Eze 22:18-20; ihambing ang Bil 31:22, 23.) Sa unang hakbang ng pagdadalisay, ang lead sulfide ay nagiging lead oxide, na kung minsa’y ginagamit na pampakintab (glaze) sa mga kagamitang luwad, gaya ng makikita sa mga guho ng Ehipto at Nineve.—Tingnan ang PAGDADALISAY, TAGAPAGDALISAY.