PANGNIBEL, KASANGKAPANG
Isang instrumentong ginagamit upang matiyak na pantay ang ibabaw ng isang bagay o na nasa anggulong 90° iyon may kaugnayan sa isang panghulog. Noong sinaunang mga panahon, ang “kasangkapang pangnibel” (sa Heb., mish·qeʹleth o mish·qoʹleth) ay ginagamit ng mga karpintero, mga kantero, at ng iba pang mga bihasang manggagawa upang matiyak na pantay ang mga pader at iba’t ibang istraktura na kanilang itinatayo, samantalang ginagamit naman ang hulog upang matiyak na tuwid ang mga ito. Waring gumamit ang mga Ehipsiyong mason ng isang nibel na kahugis ng titik na “A” at may maikling panghulog na nakabitin mula sa pinakatulis nito. Maliwanag, kapag tumapat ang nakalawit na pisi sa markang nasa gitna ng bahaging nakapahalang, ibig sabihin nito ay pantay ang pinagpatungan ng nibel. Gayunman, sa Kasulatan ay walang makikitang paglalarawan tungkol sa mga kasangkapang pangnibel, at tinutukoy lamang roon ang instrumentong ito sa makasagisag na paraan.
Maaaring gamitin ang kasangkapang pangnibel upang maitayo nang wasto ang isang gusali o upang masuri ang tibay nito at kung karapat-dapat pa itong panatilihin. Inihula ni Jehova na gagamitin niya sa suwail na Jerusalem “ang pising panukat na ginamit sa Samaria at gayundin ang kasangkapang pangnibel na ginamit sa sambahayan ni Ahab.” Sinukat ng Diyos ang Samaria at ang sambahayan ni Haring Ahab at nasumpungan niyang ang mga ito ay masama o liko sa moral, anupat humantong iyon sa kanilang pagkapuksa. Sa katulad na paraan, hahatulan ng Diyos ang Jerusalem at ang mga tagapamahala nito, anupat ilalantad niya ang kanilang kabalakyutan at pasasapitin niya ang pagkapuksa ng lunsod na iyon. Aktuwal na naganap ang mga pangyayaring ito noong 607 B.C.E. (2Ha 21:10-13; 10:11) Sa pamamagitan ni Isaias, ipinagbigay-alam sa balakyot na mayayabang at sa mga tagapamahala ng bayan na nasa Jerusalem ang kanilang dumarating na kapahamakan at ang kapahayagan ni Jehova: “Katarungan ang gagawin kong pising panukat at katuwiran ang kasangkapang pangnibel.” Isisiwalat ng mga pamantayan ng tunay na katarungan at katuwiran kung sino talaga ang mga lingkod ng Diyos at kung sino ang hindi, anupat alinman sa kaligtasan o pagkapuksa ang ibubunga nito.—Isa 28:14-19.