PAUTANG
Anumang bagay, lalo na ang salapi, na ibinigay para pansamantalang gamitin, anupat sa hinaharap ay inaasahang isasauli ito o ibibigay ang katumbas nito.
Kadalasan, napakataas ng patubo na sinisingil ng mga bansa noong sinaunang panahon, at ang mga taong hindi makabayad ng mga pautang ay pinakikitunguhan nang may kalupitan. Batay sa sinaunang mga rekord, may mga halaga ng patubo noon na sumisingil ng kalahati ng inani ng isang tao kapalit ng paggamit niya sa isang bukid, at hindi itinuring na labag sa kautusan na singilin ang isang mangangalakal nang doble sa hiniram niya. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 168, 170) Kung minsan ay napakalupit ng pakikitungo sa isang may utang.—Livy, II, XXIII, 2-7; ihambing ang Mat 18:28-30.
Gayunman, ibang-iba ang kalagayan sa sinaunang Israel. Karaniwan na, pinauutang ng salapi at mga pagkain ang dukhang mga kapuwa Israelita na naging biktima ng pagbagsak ng kabuhayan, at ipinagbawal ng Kautusan ang pagpapataw ng patubo sa kanila. Kung tatanggap ng patubo ang isang Israelita mula sa kaniyang kapuwa Israelita na nagdarahop, mangangahulugan iyon na pinakikinabangan niya ang kapighatian ng isang iyon. (Exo 22:25; Lev 25:35-37; Deu 15:7, 8; 23:19) Gayunman, maaaring pagbayarin ng patubo, o interes, ang mga banyaga. Ngunit maaaring ang probisyong ito ng Kautusan ay kumakapit lamang noon sa mga pautang para sa negosyo at hindi sa mga kaso ng aktuwal na pagdarahop. Kadalasan, nasa Israel ang mga banyaga bilang mga nandarayuhang mangangalakal at makatuwirang asahan na magbabayad sila ng patubo, yamang may patubo rin ang pagpapahiram nila sa iba.—Deu 23:20.
Hinahatulan ng Hebreong Kasulatan ang nanghiram na ayaw magbayad ng inutang niya (Aw 37:21) at kasabay nito ay pinasisigla naman ang pagpapahiram sa mga nangangailangan. (Deu 15:7-11; Aw 37:26; 112:5) Sinasabi ng Kawikaan 19:17: “Siyang nagpapakita ng lingap sa maralita ay nagpapautang kay Jehova, at ang kaniyang pakikitungo ay babayaran Niya sa kaniya.”
Inilalarawan ng kaso ni Hana na sagana ang kabayarang iginaganti ni Jehova. Matapos ‘ipahiram’ ni Hana kay Jehova ang kaniyang kaisa-isang anak na si Samuel para sa paglilingkod sa santuwaryo bilang pagtupad sa panata niya, siya ay pinagpala, hindi lamang ng isa pang anak na lalaki, kundi ng tatlong anak na lalaki at dalawang anak na babae.—1Sa 1:11, 20, 26-28; 2:20, 21.
Samantalang naririto sa lupa, ipinakita ni Kristo Jesus ang espiritu ng pagkabukas-palad ng kaniyang Amang si Jehova at tinuruan niya ang iba na gawin din iyon. Bilang susog sa mga sinabi niya hinggil sa pagpapautang, sinabi ni Jesus: “Kung nagpapahiram kayo nang walang patubo doon sa mga mula sa kanila ay umaasa kayong tumanggap, ano ang kapurihan nito sa inyo? Maging ang mga makasalanan ay nagpapahiram nang walang patubo sa mga makasalanan upang mabalik sa kanila ang gayunding halaga. Sa halip, patuloy na . . . magpahiram nang walang patubo, na hindi umaasa ng anumang kapalit; at ang inyong gantimpala ay magiging malaki, at kayo ay magiging mga anak ng Kataas-taasan, sapagkat siya ay mabait sa mga walang utang-na-loob at balakyot.”—Luc 6:34, 35.
Sa ilalim ng Kautusan, ang mga Judiong nakikinig kay Jesus ay obligadong magpautang nang walang patubo sa kanilang mga kapuwa Israelita na nagdarahop. Kahit para sa mga makasalanan, hindi pambihirang bagay ang magpahiram nang walang patubo sa mga nasa kalagayang magbayad. Baka nga magpahiram pa ang isang tao nang walang patubo sa layuning magkamit ng pabor sa hinaharap mula sa nanghihiram. Sa kabilang dako naman, ang isa na nagnanais maging tagatulad sa Diyos ay gagawa nang higit pa kaysa sa ginagawa ng isang makasalanan, sa pamamagitan ng pagpapahiram sa mga taong nagdarahop na dahil sa kanilang kalagayan sa ekonomiya ay maaaring hindi na makapagbabayad kailanman.
Sabihin pa, ang pagkakapit sa mga salita ni Jesus ay nililimitahan ng mga kalagayan ng isa. Halimbawa, dapat na maging pangunahin sa isang tao ang obligasyong asikasuhin ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng kaniyang pamilya. Samakatuwid, mali para sa isang tao na magpautang kung makahahadlang ito sa obligasyon niya na maglaan ng mga pangangailangan sa buhay ng kaniyang pamilya. (Mar 7:11-13; 1Ti 5:8) Isa pa, dapat ding isaalang-alang ang saloobin at mga kalagayan ng nanghihiram. Nangangailangan ba siya dahil siya ay iresponsable, tamad, at ayaw magtrabaho bagaman mayroon namang mga trabahong kaya niyang gawin? Kung gayon, kumakapit dito ang mga salita ng apostol na si Pablo: “Kung ang sinuman ay ayaw magtrabaho, huwag din naman siyang pakainin.”—2Te 3:10; tingnan ang PATUBO, INTERES; UTANG, MAY UTANG.