LYDIA
Ang babaing ito at ang kaniyang sambahayan ay kabilang sa mga unang tao sa Europa na tumanggap sa Kristiyanismo bilang resulta ng gawain ng apostol na si Pablo sa Filipos noong mga 50 C.E. Noong una ay naninirahan siya sa Tiatira, isang lunsod sa Asia Minor na kilalá sa industriya nito ng pagtitina. Nang maglaon, sa Filipos sa Macedonia, si Lydia ay nagtinda ng purpura, alinman sa pantina o ang mga kasuutan at mga kayo na kinulayan nito. Lumilitaw na siya ang ulo ng kaniyang sambahayan (maaaring kabilang dito ang mga alipin at mga lingkod), at samakatuwid, posibleng siya ay nabalo o walang asawa.—Gaw 16:14, 15.
Yamang “isang mananamba ng Diyos,” malamang na si Lydia ay isang proselitang Judio. Maaaring kakaunti lamang ang mga Judio sa Filipos at walang sinagoga roon anupat noong araw ng Sabbath, siya at ang iba pang taimtim na mga babae ay nagkakatipon sa tabi ng isang ilog sa labas ng lunsod. Nang mangaral ang apostol na si Pablo sa mga babaing ito, si Lydia ay nakinig na mabuti. Matapos mabautismuhan kasama ang kaniyang sambahayan, namanhik siya kay Pablo at sa mga kasamahan nito na manatiling kasama niya, na sinasabi: “Kung hinahatulan ninyo ako bilang tapat kay Jehova, pumasok kayo sa aking bahay.” Sadyang hindi maaaring tanggihan ang gayong taimtim na alok ng pagkamapagpatuloy. Ang manunulat ng Mga Gawa, ang kasamahan ni Pablo sa paglalakbay na si Lucas, ay nagsusog: “Talaga namang pinilit niya kaming pumaroon.”—Gaw 16:11-15.
Nang maglaon, matapos palayain sina Pablo at Silas mula sa bilangguan, muli na naman silang pumunta sa tahanan ni Lydia. Doon ay pinatibay-loob nila ang mga kapatid at saka umalis patungong Filipos.—Gaw 16:36-40.
Maaaring ang pagkamapagpatuloy ni Lydia ang isang dahilan kung bakit sumulat si Pablo sa mga taga-Filipos: “Ako ay laging nagpapasalamat sa aking Diyos sa tuwing maaalaala kayo sa bawat pagsusumamo ko para sa inyong lahat, habang inihahandog ko ang aking pagsusumamo nang may kagalakan, dahil sa iniabuloy ninyo sa mabuting balita mula nang unang araw hanggang sa sandaling ito.”—Fil 1:3-5.