FEATURE
Bumalik ang mga Tapon Mula sa Babilonya
NOONG 607 B.C.E., ang dating maunlad na lupain ng Juda ay ginawang “tiwangwang na kaguhuan, na walang tumatahan,” nang ang mga Judiong bihag ay dalhin sa pagkatapon sa Babilonya at isang nalabi ang tumakas patungong Ehipto. (Jer 9:11) Gayunman, hindi iiwan ng Diyos ng maibiging-kabaitan ang kaniyang bayan na nasa pagkatapon magpakailanman. Inihula niya na sila ay “kailangang maglingkod sa hari ng Babilonya nang pitumpung taon,” at pagkatapos ay ililigtas niya ang isang tapat na nalabi. (Jer 25:11, 12; 29:10-14) At kahit ang tila di-maigugupong kapangyarihang pandaigdig ng Babilonya ay hindi maaaring bumigo sa ipinahayag na layunin ng Diyos. Ipinakikita ng pagbabalik ng mga Judiong tapon na walang-pagsalang natutupad ang mga hula ni Jehova.
Bago pa man magwakas ang 70 taon ng pagkatapon, bumagsak ang Babilonya, noong 539 B.C.E., sa sumasalakay na mga hukbo ng Persianong si Haring Ciro. Pagkatapos, noong unang taon ni Ciro bilang tagapamahala ng Babilonya, nagpalabas siya ng isang batas na nagbukas ng daan upang makabalik sa Jerusalem ang mga Judiong tapon. (Ezr 1:1-4) Isang nalabi na may bilang na 42,360 (kasama na ang mga lalaki, mga babae, at mga bata) ang naglakbay at dumating sa Juda noong 537 B.C.E. (Ezr 1:5–3:1; 4:1) Nagwakas ang 70-taóng pagkatiwangwang nang eksakto sa panahon!
Gayunman, hindi lahat ng tapon ay bumalik nang panahong iyon. Noong 468 B.C.E., isa pang grupo ng mga Judio ang bumalik kasama ng saserdoteng si Ezra, na nagdala sa Jerusalem ng mga kaloob para sa templo. (Ezr 7:1–8:32) Pagkatapos, noong 455 B.C.E., naglakbay si Nehemias mula sa Susan upang muling itayo ang mga pader ng Jerusalem. (Ne 2:5, 6, 11) Walang sinasabi ang Kasulatan tungkol sa eksaktong rutang tinahak ng mga nagsibalik. Ipinakikita sa mapa ang ilang ruta na posibleng dinaanan nila.