NOEMI
[Ang Aking Kaigayahan].
Biyenan ni Ruth, na isang ninuno ni David at ni Jesu-Kristo.—Mat 1:5.
Si Noemi ay asawa ni Elimelec, isang Eprateo na mula sa Betlehem ng Juda, noong mga araw ng mga Hukom. Noong panahon ng isang matinding taggutom, siya at ang kaniyang asawa at dalawang anak, sina Mahalon at Kilion, ay lumipat sa Moab. Doon namatay si Elimelec. Nang maglaon, ang kanilang mga anak ay nag-asawa ng mga babaing Moabita, sina Ruth at Orpa, ngunit pagkaraan ng mga sampung taon ay namatay ang mga anak na ito nang walang anak.—Ru 1:1-5.
Ipinasiya ng nangungulilang si Noemi na bumalik sa Juda. Sinamahan siya ng kaniyang dalawang balong manugang, ngunit iminungkahi ni Noemi na bumalik ang mga ito at mag-asawa sa kanilang sariling lupain, sapagkat si Noemi ay “napakatanda na upang ariin ng isang asawa” at walang mailalaang mga anak na magiging mga asawa nila. Si Orpa ay bumalik, ngunit si Ruth ay pumisan kay Noemi, dahil sa pag-ibig kay Noemi at sa Diyos nito na si Jehova.—Ru 1:6-17.
Pagdating sa Betlehem, sinabi ni Noemi sa mga babaing bumabati sa kaniya: “Huwag ninyo akong tawaging Noemi [Ang Aking Kaigayahan]. Tawagin ninyo akong Mara [Mapait], sapagkat lubha akong pinapait ng Makapangyarihan-sa-lahat.” (Ru 1:18-21) Yamang noon ay panahon ng pag-aani ng sebada, kusang-loob na yumaon si Ruth upang maghimalay para matustusan si Noemi at ang kaniyang sarili, at sa di-sinasadya ay napadako siya sa bukid ni Boaz. (Ru 2:1-18) Nang sabihin niya kay Noemi kung kaninong bukid siya nagtrabaho, napag-unawa ni Noemi ang patnubay ni Jehova sa nangyari, yamang si Boaz ay isang malapit na kamag-anak ni Elimelec at samakatuwid ay isa sa kanilang mga manunubos. Tinagubilinan niya si Ruth na itawag-pansin kay Boaz ang bagay na ito. (Ru 2:19–3:18) Agad na tumugon si Boaz, anupat sinunod ang kaugaliang legal na pamamaraan ng pagtubos sa ari-arian ni Elimelec mula kay Noemi. Sa gayon ay naging asawa ni Boaz si Ruth bilang kahalili ni Noemi, alinsunod sa batas ng pag-aasawa bilang kapatid, o bilang bayaw. Nang magkaanak sila ng isang lalaki, binigyan iyon ng mga kapitbahay na babae ng pangalang Obed, na sinasabi: “Isang anak na lalaki ang isinilang kay Noemi.” Sa gayon, si Obed ay naging legal na tagapagmana ng Judeanong sambahayan ni Elimelec.—Ru 4:1-22.