NEHEMIAS
[Inaaliw ni Jah].
1. Isa na posibleng isang lider niyaong mga bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya kasama ni Zerubabel.—Ezr 2:1, 2; Ne 7:7.
2. Anak ni Azbuk at prinsipe ng kalahati ng distrito ng Bet-zur. Yamang ang bayan ng Bet-zur ay nasa bulubunduking pook ng Juda (Jos 15:21, 48, 58), si Nehemias ay maaaring isang Judeano. Noong 455 B.C.E., nakibahagi siya sa pagkukumpuni ng pader ng Jerusalem.—Ne 3:16.
3. Anak ni Hacalias at kapatid ni Hanani; katiwala ng kopa ng Persianong si Haring Artajerjes (Longimanus) at, nang maglaon, gobernador ng mga Judio, tagapagtayong-muli ng pader ng Jerusalem, at manunulat ng aklat ng Bibliya na nagtataglay ng kaniyang pangalan.—Ne 1:1, 2, 11; 2:1; 5:14, 16.
Noong ika-20 taon ni Haring Artajerjes, noong buwan ng Kislev (Nobyembre-Disyembre), si Nehemias, habang nasa kastilyo ng Susan, ay nagkaroon ng mga panauhin, ang kaniyang kapatid na si Hanani at iba pang mga lalaki mula sa Juda. Nang mag-usisa siya, sinabi nila sa kaniya ang tungkol sa masamang kalagayan ng mga Judio at na giba pa rin ang pader at mga pintuang-daan ng Jerusalem. Napaluha si Nehemias. Nagdalamhati siya nang maraming araw pagkatapos nito, anupat patuluyang nag-ayuno at nanalangin. Ipinagtapat niya ang pagkakasala ng Israel at, salig sa mga salita ng Diyos kay Moises (Deu 30:1-4), nagsumamo siya kay Jehova na ‘pangyarihing kahabagan siya’ sa harap ni Haring Artajerjes upang magtagumpay ang kaniyang plano na muling itayo ang pader ng Jerusalem.—Ne 1.
Nang maglaon, noong buwan ng Nisan (Marso-Abril), sinagot ang mga panalangin ni Nehemias. Napansin ng hari na mapanglaw ang mukha ni Nehemias at nagtanong kung bakit. Sa gayon ay sinabi sa kaniya ni Nehemias ang tungkol sa malungkot na kalagayan ng mga bagay-bagay sa Jerusalem. Nang tanungin kung ano ang hinahangad niyang matamo, si Nehemias, na kaagad namang nanalangin sa Diyos, ay humiling sa hari ng pahintulot na bumalik at muling itayo ang Jerusalem. Ang kahilingan ay ipinagkaloob. Karagdagan pa, tumanggap si Nehemias ng mga liham mula sa hari, na nagbibigay-karapatan sa kaniya na malayang dumaan sa mga lugar na nasasakupan ng mga gobernador sa K ng Ilog Eufrates at nagkakaloob din ng mga suplay ng kahoy para sa proyekto. Kasama ang mga pinuno ng hukbong militar at mga mangangabayo, lumisan siya patungong Jerusalem.—Ne 2:1-9.
Muling Itinayo ang Pader ng Jerusalem. Pagkatapos na mamalagi nang tatlong araw sa Jerusalem, si Nehemias, lingid sa kaalaman ninuman maliban sa ilang lalaking kasama niya, ay nagsiyasat sa lunsod sa gabi. Habang ang iba pa ay naglalakad, nakasakay si Nehemias sa isang hayop, malamang na isang kabayo o isang asno. Napakalawak ng kaguhuan anupat hindi na madaanan, pero natapos ni Nehemias ang kaniyang pagsusuri.—Ne 2:11-16.
Nang matapos ang kaniyang pagsusuri, isiniwalat ni Nehemias sa mga Judio ang kaniyang plano, anupat itinawag-pansin sa kanila ang patnubay ni Jehova sa bagay na iyon. Palibhasa’y napatibay-loob, tumugon sila: “Bumangon tayo, at magtayo tayo.” Sa kabila ng mapang-alipustang mga salita ni Sanbalat na Horonita, ni Tobia na Ammonita, at ni Gesem na Arabe, ang gawaing pagkukumpuni ay nagsimula noong mga ikaapat ng Ab (Hulyo-Agosto).—Ne 2:17-20; ihambing ang Ne 6:15.
Habang sumusulong ang gawain, patuloy na inalipusta at nilibak nina Sanbalat at Tobia ang mga pagsisikap ng mga Judio na kumpunihin ang pader ng Jerusalem. Ipinanalangin ito ni Nehemias, “at ang bayan ay patuloy na nagtaglay ng puso para sa paggawa.” Nang umabot na sa kalahati ang taas ng pader, pinag-ibayo nina Sanbalat, Tobia, at ng karatig na mga bayan ang kanilang pagsalansang hanggang sa punto na nagsabuwatan sila na makipaglaban sa Jerusalem. Paulit-ulit na tumanggap si Nehemias ng mga ulat na gayon ang pinakadiwa mula sa mga Judio na naninirahang malapit sa lunsod. Muling nagpamalas si Nehemias ng mapanalangining pananalig kay Jehova. Upang maharap ang maigting na situwasyon, sinandatahan niya ang mga manggagawa, isinaayos na magbantay ang iba, at binalangkas ang isang sistema ng paghudyat ng babala. Ni hindi man lamang hinuhubad ni Nehemias ang kaniyang mga damit sa gabi, maliwanag na upang maging handang lumaban sakaling may babalang hudyat mula sa nagbabantay.—Ne 4.
Bagaman apurahan ang situwasyon, si Nehemias ay hindi napakaabala anupat hindi na siya makapagbigay ng kaukulang pansin sa pagdaing ng mga Judio. Nang marinig ang kanilang mga reklamo na sinisiil sila dahil pinagbabayad sila ng patubo, sinaway niya ang mga taong mahal at ang mga kinatawang tagapamahala, isinaayos ang isang malaking kapulungan, at, matapos ilantad ang kasamaang ito, iniutos niya na ituwid ang situwasyon.—Ne 5:1-13.
Pagkatapos nito, gumawa ang mga kaaway ng mga pagtatangka upang patigilin ang gawaing muling pagtatayo. Apat na ulit nilang sinubukang hikayatin si Nehemias upang ilayo siya mula sa kaniyang proyekto, ngunit sinabihan niya sila na hindi siya makaliliban mula sa malaking gawain na kaniyang ginagampanan. Sumunod ay nagpadala si Sanbalat ng isang bukás na liham na naglalaman ng mga bulaang paratang at nagmungkahing magtagpo sila upang magsanggunian. Tumugon si Nehemias: “Ang mga bagay na gaya ng sinasabi mo ay hindi nangyari, kundi kinakatha mo ang mga iyon mula sa iyong sariling puso.” Iba namang panlilinlang ang sinubukan nina Tobia at Sanbalat, anupat inupahan ang isang Judio na takutin si Nehemias upang may-kamalian itong magtago sa templo. Ngunit hindi natakot si Nehemias, at ang gawaing pagkukumpuni ay matagumpay na natapos noong ika-25 araw ng Elul (Agosto-Setyembre), 52 araw lamang buhat nang magsimula ang gawaing pagtatayo. Gayunpaman, patuloy pa ring nagpadala si Tobia kay Nehemias ng mga liham ng pananakot.—Ne 6.
Nang tapos na ang pader, itinuon ni Nehemias ang kaniyang pansin sa gawaing pag-oorganisa sa mga lingkod sa templo. Sumunod ay naglagay siya ng dalawang lalaki upang mamahala sa lunsod, na isa sa mga ito ay ang kapatid niyang si Hanani. Nagbigay rin si Nehemias ng mga tagubilin may kinalaman sa pagbubukas at sa pagsasara ng mga pintuang-daan ng lunsod at sa pagbabantay sa mga iyon.—Ne 7:1-3.
Pagpapatala sa Talaangkanan. Nang panahong iyon ay napakaliit pa ng populasyon ng Jerusalem. Waring ito ang dahilan kung bakit inilagay ng Diyos sa puso ni Nehemias na tipunin ang mga taong mahal, ang mga kinatawang tagapamahala, at ang bayan upang itala sila sa talaangkanan, sapagkat ang impormasyong makukuha rito ay maaaring magsilbing saligan sa paggawa ng mga hakbang upang maparami ang populasyon ng Jerusalem. Lumilitaw na habang isinasaalang-alang ni Nehemias ang pagpapatalang ito sa talaangkanan, nasumpungan niya ang rekord niyaong mga bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya kasama ni Zerubabel.—Ne 7:4-7.
Ibinalik ang Pagtupad sa Kautusan. Malamang na dahil sa utos ni Nehemias, isang kapulungan ang idinaos sa liwasan malapit sa Pintuang-daan ng Tubig. Bagaman maliwanag na si Ezra na saserdote ang nanguna sa pagtuturo tungkol sa Kautusan, nakibahagi rin doon si Nehemias. (Ne 8:1-12) Sumunod, idinaos ang walong-araw na Kapistahan ng mga Kubol. Pagkaraan ng dalawang araw ay muling nagtipon ang mga Israelita. Sa panahon ng kapulungang ito ay ginawa ang isang panlahatang pagtatapat ng pagkakasala ng Israel. Pagkatapos nito, isang nakasulat na kontrata ng pagtatapat ang binuo. Ang kontratang ito ng pagtatapat o “mapagkakatiwalaang kaayusan” ay pinatotohanan ng mga prinsipe, mga Levita, at mga saserdote. Si Nehemias, “na Tirsata [gobernador],” ang unang nagpatotoo rito sa pamamagitan ng tatak. (Ne 8:13–10:1) Ang buong bayan ay sumang-ayong iwasan ang pakikipag-asawa sa mga banyaga, ipangilin ang mga Sabbath, at suportahan ang paglilingkod sa templo. Sumunod, isang tao sa bawat sampu ang pinili sa pamamagitan ng palabunutan upang permanenteng manahanan sa Jerusalem.—Ne 10:28–11:1.
Pagkatapos nito ay pinasinayaan ang pader ng Jerusalem. Para sa okasyong iyon, nag-atas si Nehemias ng dalawang malalaking koro ng pasasalamat at ng mga prusisyon upang lumibot sa pader sa magkabilang direksiyon. Ginawa ito, at ang lahat ay nagtagpo sa templo upang maghandog ng mga hain. Karagdagan pa, may mga lalaking inatasan upang mangasiwa sa mga abuloy para sa saserdote at mga Levita.—Ne 12:27-47.
Pagkaraan ng mga 12 taon, noong ika-32 taon ni Artajerjes, umalis si Nehemias sa Jerusalem. Nang bumalik siya, napakasama ng mga kalagayang nasumpungan niya sa gitna ng mga Judio. Si Eliasib na mataas na saserdote ay gumawa ng isang bulwagang kainan sa looban ng templo upang magamit ni Tobia, ang mismong lalaki na noong una ay matindi ang pagsalansang sa gawain ni Nehemias. Kaagad na kumilos si Nehemias. Inihagis niya ang lahat ng muwebles ni Tobia sa labas ng bulwagang kainan at itinagubiling linisin ang bulwagang kainan.
Karagdagan pa, gumawa si Nehemias ng mga hakbang upang matiyak ang pagbibigay ng mga abuloy para sa mga Levita at ipinatupad niya ang mahigpit na pangingilin ng Sabbath. Nilapatan din niya ng disiplina yaong mga kumuha ng mga asawang banyaga, na ang naging mga anak sa mga babaing ito ay hindi man lamang makapagsalita ng wikang Judio: “At pinasimulan kong kakitaan sila ng pagkakamali at isumpa sila at saktan ang ilang lalaki sa kanila at sabunutan ang kanilang buhok at pasumpain sila sa Diyos: ‘Huwag ninyong ibigay ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, at huwag ninyong tanggapin ang sinuman sa kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki o sa inyo.’”
Ang ‘pagkakita ni Nehemias ng pagkakamali’ sa mga lalaking ito ay tiyak na nangangahulugang sinaway at pinagwikaan niya sila sa pamamagitan ng kautusan ng Diyos, anupat inilantad ang kanilang maling pagkilos. Inilalayo ng mga lalaking ito ang isinauling bansa mula sa pabor ng Diyos, pagkatapos na may-kabaitan silang ibalik ng Diyos mula sa Babilonya upang isauli ang tunay na pagsamba sa Jerusalem. ‘Isinumpa sila’ ni Nehemias, na nangangahulugang binigkas niya ang mga kahatulan ng kautusan ng Diyos laban sa gayong mga manlalabag. ‘Sinaktan’ niya sila, malamang na hindi siya mismo ang gumawa, kundi iniutos niyang paluin sila bilang opisyal na hudisyal na pagkilos. Kaniyang ‘sinabunutan ang (ilang bahagi ng) kanilang buhok.’ Ito ay sagisag ng moral na pagkagalit at matinding kahihiyan sa harap ng bayan. (Ihambing ang Ezr 9:3.) Pagkatapos ay itinaboy ni Nehemias ang apo ng mataas na saserdoteng si Eliasib, na naging manugang ni Sanbalat na Horonita.—Ne 13:1-28.
Si Nehemias, Isang Namumukod-Tanging Halimbawa. Si Nehemias ay namumukod-tangi bilang isang mahusay na halimbawa ng katapatan at debosyon. Siya ay di-makasarili, anupat iniwan ang isang prominenteng posisyon bilang katiwala ng kopa sa looban ni Artajerjes upang isagawa ang muling pagtatayo ng mga pader ng Jerusalem. Yamang maraming kaaway noon, maluwag sa kalooban na inilantad ni Nehemias ang kaniyang sarili sa panganib alang-alang sa kaniyang bayan at sa tunay na pagsamba. Hindi lamang niya pinangasiwaan ang gawaing pagkukumpuni ng pader ng Jerusalem kundi nagkaroon din siya ng aktibo at personal na bahagi sa atas na iyon. Siya ay hindi nag-aksaya ng panahon, nagpatunay na malakas ang loob at walang takot, lubos na nanalig kay Jehova, at naging maingat sa anumang ginawa niya. Palibhasa’y masigasig sa tunay na pagsamba, alam ni Nehemias ang kautusan ng Diyos at ikinapit ito. Ikinabahala niya ang pagpapatibay ng pananampalataya ng kaniyang mga kapuwa Israelita. Ipinakita niya na isa siyang lalaking may wastong pagkatakot sa Diyos na Jehova. Bagaman masigasig na ipinatupad ang kautusan ng Diyos, hindi siya naghari-harian sa iba para sa makasariling pakinabang kundi nagpakita ng pagkabahala sa mga nasisiil. Hindi niya kailanman hiningi ang tinapay na nauukol sa gobernador. Sa halip, naglaan siya ng pagkain para sa maraming tao sa sarili niyang gastos. (Ne 5:14-19) Angkop na maipananalangin ni Nehemias: “Alalahanin mo ako, O Diyos ko, sa ikabubuti.”—Ne 13:31.