PEREZ
[Pagkapunit; Pagkapunit ng Kulampang].
Isa sa kambal na mga anak ni Juda sa kaniyang manugang na si Tamar. Noong ipinanganganak sila, ang kapatid ni Perez na si Zera ang unang nagsimulang lumabas ngunit umurong, at si Perez ang unang lumabas, anupat nagpangyari ng pagkapunit ng kulampang ni Tamar. (Gen 38:24-30) Nanatili kay Perez ang pagiging una sa kaniyang kapatid at lagi siyang itinatala na una kaysa rito, at sa dalawang sambahayan ay higit na naging tanyag ang kaniyang sambahayan. (Ru 4:12) Si Perez at ang kaniyang dalawang anak, sina Hezron at Hamul, ay nakatalang kabilang sa angkan ni Jacob na pumaroon sa Ehipto, kung saan ang tatlo ay pawang naging ulo ng indibiduwal na mga pamilya sa Juda. (Gen 46:8, 12) Maliban dito, walang iniulat na personal na impormasyon tungkol sa kaniya.
Ang mga pagtukoy kay Perez ay pangunahin nang masusumpungan sa mga talaangkanan, yamang ang karamihan sa mga talaangkanan ni Juda ay matatalunton kay Perez. (1Cr 2:4, 5, 9-55; 4:1-20) Noong panahon ng ikalawang pagrerehistro sa ilang, ang mga pamilya ni Perez at ng kaniyang dalawang anak ang bumubuo sa malaking bahagi ng tribo ni Juda. (Bil 26:20-22) Ang ilan sa mga inapo ni Perez ay nasa unang pangkat ng buwanang hukbo ni David. (1Cr 27:3) Marami sa mga anak ni Perez ang bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya, at 468 sa mga ito ang nanirahan sa Jerusalem. (1Cr 9:3, 4; Ne 11:4, 6) Isang tuwirang linya ng angkan mula kay Perez ang dumaan kay Boaz patungo kay David at nagwakas kay Jesus na Mesiyas.—Ru 4:18-22; 1Cr 2:4-15; Mat 1:3; Luc 3:33.