PERIZITA, MGA
Isa sa mga tribo na nanahanan sa lupain ng Canaan bago ito sinakop ng mga Israelita. (Gen 13:3-7; 34:30; Exo 3:8, 17) Hindi sila binanggit sa talaan ng 70 pamilya pagkatapos ng Baha, na tumukoy sa “mga pamilya ng Canaanita.” (Gen 10:15-18) Hindi alam ang kanilang pinagmulang angkan.
Ang mga Perizita ay isa sa mga tribo na ang lupain ay ipinangako ng Diyos sa binhi ni Abraham. (Gen 15:18-21; Ne 9:7, 8) Noong panahong sinasakop ng Israel ang Lupang Pangako, ang mga Perizita ay naninirahan sa bulubunduking pook ng Canaan. (Jos 11:3) Nang lumipat ang tribo ni Juda sa teritoryong nakaatas dito, tinalo nila ang mga Perizita at ang mga Canaanita sa Bezek, na lumilitaw na nasa K ng Jerusalem. (Huk 1:4, 5; Jos 24:11) Pagkatapos hati-hatiin ng mga Israelita ang lupain ng Canaan, ang ilang Perizita ay nanatili sa teritoryo ng Efraim at Manases.—Jos 17:15-18.
Ang mga Perizita ay isa sa pitong matao at makapangyarihang bansa na paulit-ulit na iniutos ni Jehova sa Israel na lipulin pagpasok nila sa Lupang Pangako. Hindi sila makikipagtipan sa mga ito o makikipag-alyansa sa mga ito ukol sa pag-aasawa, ni pagkakalooban man ng pabor ang mga ito. (Exo 23:23, 24; 33:2; 34:11-13; Deu 7:1-3; Jos 3:10) Gayunman, nabigo ang mga Israelita na lipulin sila, at gaya ng inihula, ang mga Perizita ay naging silo sa Israel.—Deu 7:4; 20:17, 18; Huk 3:5, 6.
Noong panahon ni Solomon ang ilan sa natitirang mga Perizita ay kinalap para sa puwersahang pagtatrabaho. (1Ha 9:20, 21; 2Cr 8:7, 8) Nasumpungan ni Ezra na ang mga Judiong bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya ay nakipag-alyansa sa mga ito ukol sa pag-aasawa. Gayunman, dahil sa kaniyang payo ay pinaalis nila ang gayong mga asawang banyaga. (Ezr 9:1, 2; 10:11, 12, 44) Ang mga Perizita ay hindi na binanggit sa kasaysayan ng Bibliya nang dakong huli.