FILIPOS
Noong panahon ng ikalawang paglalakbay ng apostol na si Pablo bilang misyonero, ang lunsod na ito ang “pangunahing [o, unang] lunsod ng distrito ng Macedonia,” bagaman lumilitaw na hindi ang kabisera niyaon. Ito ay nasa silangang bahagi ng distrito, sa H dulo ng Dagat Aegeano, di-kalayuan sa distrito ng Tracia. Nang dumating siya sakay ng barko mula sa Troas, si Pablo ay bumaba sa daungang bayan ng Filipos, ang Neapolis, at naglakbay nang mga 15 km (9.5 mi) sa HK sa kahabaan ng Via Egnatia, o Daang Egnatia, ang malaking pangkomersiyo at pangmilitar na lansangan mula sa Asia patungong Roma, na bumabagtas sa isang daanan sa bundok na mahigit na 500 m (1,600 piye) ang taas mula sa kapantayan ng dagat at bumababa patungo sa Kapatagan ng Filipos.—Gaw 16:11, 12.
Ang lunsod na ito ay nasa isang burol sa kapatagang iyon, malapit sa ilog ng Gangites. Sa T ay may isang malawak na latian. Ang akropolis ng Filipos ay nasa isang malaking batuhan sa HS bahagi ng lunsod. Ipinakikita ng mga paghuhukay sa mga guho na ang Daang Egnatia ay bumabagtas sa gitna ng lunsod at na sa tabi nito ay may isang pampublikong dakong pulungan na katamtaman ang laki. Lumilitaw na ang Amfipolis, na pinuntahan ni Pablo pagkaalis niya ng Filipos, ang kabisera ng distrito; ito ay mga 50 km (30 mi) sa TK ng Filipos. Mula sa Amfipolis, si Pablo ay bumaling sa TK na mga 35 km (22 mi) patungong Apolonia at mula roon ay nagtungo sa Tesalonica na mga 45 km (28 mi) sa K, kung saan siya nanatili nang mga tatlong linggo bago siya pumaroon sa TK na dumaraan sa Berea upang sumakay ng barko na papuntang Atenas.
Kasaysayan. Noong una, ang Filipos ay tinatawag na Crenides (Krenides). Kinuha ni Felipe II ng Macedon (ama ni Alejandrong Dakila) ang lunsod mula sa mga taga-Tracia noong mga kalagitnaan ng ikaapat na siglo B.C.E. at ipinangalan niya ito sa kaniyang sarili. Maraming mina ng ginto sa lugar na iyon, at may mga baryang ginto na inilabas sa pangalan ni Felipe. Noong mga 168 B.C.E., natalo ng Romanong konsul na si Lucio Aemilio Paulo si Perseus, ang kahuli-hulihan sa mga hari ng Macedonia, at kinuha niya ang Filipos at ang nakapalibot na teritoryo. Noong 146 B.C.E., ang buong Macedonia ay pinagsama-sama upang maging iisang Romanong probinsiya. Ang pagbabaka kung saan natalo nina Octavian at Mark Antony ang mga hukbo nina Brutus at Gaius Cassius Longinus, ang mga pumaslang kay Julio Cesar, ay naganap sa Kapatagan ng Filipos (noong 42 B.C.E.). Pagkatapos nito, bilang pinakaalaala ng kaniyang malaking tagumpay, ginawa ni Octavian na isang “kolonya” ng Roma ang Filipos. (Gaw 16:12) Pagkaraan ng ilang taon, nang si Octavian ay gawing Cesar Augusto ng senadong Romano, ang bayan ay tinawag niyang Colonia Augusta Julia Philippensis.
Ang pagtatalaga sa lunsod na ito bilang isang kolonyang Romano ay nagkaloob dito ng kalayaan mula sa mga buwis lakip ang iba pang mga pribilehiyo, anupat posibleng kabilang dito ang pangalawahing uri ng pagkamamamayang Romano para sa mga tumatahan doon. Dahil dito, ang mga mamamayan nito ay nagkaroon ng matinding pagkamatapat at damdamin para sa Roma. Maaaring ito ang dahilan kung bakit idiniin ng mga panginoon ng batang babaing pinalaya ng apostol na si Pablo mula sa isang demonyo ng panghuhula ang puntong ito sa harap ng mga mahistrado sa pagsasabi, sa kanilang akusasyon laban kina Pablo at Silas, “Tayo ay mga Romano.” (Gaw 16:16-24) Lubusan din itong mauunawaan ng mga Kristiyanong taga-Filipos nang sumulat si Pablo noong dakong huli anupat pinapayuhan sila na “gumawi bilang mga mamamayan” na karapat-dapat sa mabuting balita ng Kristo, at pinaaalalahanan sila na ang “ating pagkamamamayan ay nasa langit,” sapagkat ang makasanlibutang pagkamamamayang Romano ay lubhang pinahahalagahan sa Filipos, isang bagay pa nga na ipinaghahambog.—Fil 1:27; 3:20, Int.
Ang Pagdalaw ni Pablo. Nagkapribilehiyo ang Filipos na maging unang lunsod sa Europa na nakarinig sa pangangaral ni Pablo ng mabuting balita, noong mga 50 C.E., sa panahon ng ikalawang paglalakbay niya bilang misyonero. Pumunta siya roon bilang pagsunod sa isang pangitain sa gabi sa Troas ng Asia Minor, kung saan isang lalaking taga-Macedonia ang namanhik sa kaniya: “Tumawid ka sa Macedonia at tulungan mo kami.” (Gaw 16:8-10) Si Pablo at ang kaniyang mga kasamahan, maliwanag na kabilang ang kanilang mananalaysay na si Lucas, ay nanatili roon nang ilang araw, at noong Sabbath ay “pumaroon [sila] sa labas ng pintuang-daan sa tabi ng isang ilog,” kung saan, ayon sa salaysay ni Lucas, “iniisip naming may dakong panalanginan.” Ipinapalagay ng iba na walang sinagoga sa Filipos, dahil sa pangmilitar na kapaligiran ng lunsod—anupat ang mga Judio roon ay maaaring pinagbawalang magtipon sa loob ng lunsod para sa pagsamba. Magkagayunman, nakipag-usap si Pablo sa mga babaing nagkakatipon doon at nakasumpong siya ng isa, na Lydia ang pangalan, isang mananamba ng Diyos, na ‘nagbukas na mabuti ng kaniyang puso upang magbigay-pansin sa mga bagay na sinasalita ni Pablo.’ Si Lydia at ang kaniyang sambahayan ay nabautismuhan, at labis-labis ang kaniyang pagpapahalaga at pagkamapagpatuloy anupat ‘talaga namang pinilit niya si Pablo at ang mga kasamahan nito na pumaroon’ upang manatili sa kaniyang bahay.—Gaw 16:11-15.
Ngunit ngayon, pagkatapos niyang tumugon sa panawagang pumaroon sa Macedonia, si Pablo ay napaharap sa pag-uusig sa unang lunsod na ito mismo, sa pagkakataong ito ay hindi mula sa mga Judio, gaya ng nangyari sa Galacia. Ang mga mahistrado ng lunsod ay kumilos ayon sa mga bulaang akusasyon na iniharap ng mga may-ari ng isang batang babaing inaalihan ng demonyo. Nawalan ng kita ang mga ito dahil hindi na makapagpatuloy ang babae sa pagsasagawa ng panghuhula, na mula rito ay nagkaroon ang mga ito ng maraming pakinabang. Sina Pablo at Silas ay pinaghahampas ng mga pamalo, itinapon sila sa bilangguan, at ang kanilang mga paa ay ipiniit sa mga pangawan.—Gaw 16:16-24.
Gayunman, noong kalagitnaan ng gabi, habang sila, sa pandinig ng iba pang mga bilanggo, ay nananalangin at pumupuri sa Diyos sa pamamagitan ng awit, isang himala ang nangyari. Dahil sa isang lindol, napatid ang mga gapos ng mga bilanggo at nabuksan ang mga pinto. Palibhasa’y alam ng tagapagbilanggo na papatawan siya ng parusang kamatayan dahil sa pagkawala ng mga bilanggong ipinagkatiwala sa kaniya, magpapakamatay na sana siya nang sumigaw si Pablo: “Huwag mong saktan ang iyong sarili, sapagkat narito kaming lahat!” Nang magkagayon, ang tagapagbilanggo at ang kaniyang sambahayan ay nakinig kina Pablo at Silas, inasikaso nila ang mga latay ng mga ito, at sila ay naging bautisadong mga mananampalataya.—Gaw 16:25-34; LARAWAN, Tomo 2, p. 749.
Kinaumagahan, marahil nang marinig nila ang makahimalang pangyayari, inutusan ng mga mahistrado ng lunsod ang tagapagbilanggo na palayain si Pablo. Ngunit mas ikinababahala ni Pablo ang pagbabangong-puri, pagtatanggol, at legal na pagtatatag ng mabuting balita kaysa sa mabilis na paglaya niya. Hindi siya papayag na siya’y palihim na palayain upang huwag lamang mapahiya ang mga mahistrado. Itinawag-pansin niya ang kaniyang pagkamamamayang Romano at ang hayagang paghampas sa kaniya at kay Silas nang hindi pa nahahatulan. Talagang hindi siya makapapayag! dapat nilang hayagang kilalanin na sila, at hindi ang mga Kristiyano, ang kumilos nang di-matuwid. Sa pagkarinig na sina Pablo at Silas ay mga Romano, ang mga mahistrado ay natakot at, matapos pumaroon sa kanila nang personal, “namanhik [ang mga ito] sa kanila,” inilabas sila, at hiniling na lisanin nila ang lunsod.—Gaw 16:35-40.
Gayunpaman, si Pablo ay nakapagtatag ng isang mahusay na kongregasyon sa Filipos, isa na laging malapít sa kaniyang puso. Ang pag-ibig nila sa kaniya ay namalas sa kanilang pagkabalisa at paglalaan para sa kaniya, kahit na noong nasa ibang lugar na siya. (Fil 4:16) Muling dinalaw ni Pablo ang Filipos noong panahon ng kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero at posibleng sa ikatlo pang pagkakataon pagkatapos siyang palayain mula sa kaniyang unang pagkabilanggo sa Roma.—Gaw 20:1, 2, 6; Fil 1:19; 2:24.