PONTO
[Dagat].
Isang distrito ng hilagaang Asia Minor sa kahabaan ng Dagat Euxine (Dagat na Itim). Maliwanag na ang pangalang ito ay kumapit bago ang panahong Kristiyano sa bahaging iyon ng hilagaang Asia Minor na kahangga ng Pontus Euxinus, gaya ng tawag sa dagat na ito kung minsan. Ang Ponto ay sumasaklaw mula sa mababang bahagi ng Ilog Halys sa K (malapit sa Bitinia) pasilangan sa kahabaan ng baybayin patungo sa TS hangganan ng dagat. Ang klima sa kahabaan ng matabang baybaying ito ay mainit kapag tag-araw at katamtaman kapag taglamig. Ang looban nito ang nagsisilbing HS sulok ng gitnang talampas, kung saan maraming libis ng ilog, at ang mga ito ay pinagtatamnan ng mga butil. Ang mga dalisdis ng mga bundok ay nababalutan ng kagubatan at pinagkukunan ng kahoy para sa paggawa ng mga barko. Sa kahabaan ng baybayin ay madarama ang impluwensiya ng mga kolonyang Griego, ngunit ang mga tao sa looban ay may malapit na kaugnayan sa Armenia sa dakong S.
Pagkatapos na mapasailalim ng impluwensiya ng Persia sa loob ng ilang panahon, ang hiwalay na kaharian ng Ponto ay itinatag noong ikaapat na siglo B.C.E. Namahala ang sunud-sunod na mga haring tinawag na Mithradates, at nabuo ang malapit na kaugnayan sa Roma. Gayunman, hinamon ni Mithradates VI Eupator ang kapangyarihan ng Roma at lubha niyang pinalawak ang kaniyang kaharian. Pagkaraan ng sunud-sunod na mga digmaan, tinalo siya ng mga Romano sa ilalim ng pangunguna ni Pompey noong mga 66 B.C.E. Pagkatapos, ang kalakhan ng Ponto ay isinanib sa Bitinia sa dakong K upang maging tambalang probinsiya na tinatawag na Bitinia at Ponto. Ngunit ang silanganing seksiyon ay idinagdag sa probinsiya ng Galacia (Ponto ng Galacia). Nang maglaon, ang ilang parte ng silanganing bahaging ito ay ibinigay kay Polemon (mga 36 B.C.E.) upang maging bahagi ng Kaharian ni Polemon. (MAPA, Tomo 1, p. 195) Kaya noong unang siglo C.E., ang terminong “Ponto” ay tumukoy alinman sa buong heograpikong lugar sa kahabaan ng baybayin o sa bahaging iyon na matatagpuan sa tambalang probinsiya ng Bitinia at Ponto o maging sa silanganing seksiyon na naging bahagi ng Galacia at ng Kaharian ni Polemon.
Sinabi ng unang-siglong Judiong manunulat na si Philo na ang mga Judio ay nangalat sa bawat bahagi ng Ponto. May mga Judio mula sa Ponto na nasa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E. (Gaw 2:9) Posibleng ang ilan sa mga Judiong ito ng Ponto na nakarinig sa talumpati ni Pedro ay naging mga Kristiyano at bumalik sa kanilang sariling teritoryo. Pagkaraan ng mga 30 taon, ipinatungkol ni Pedro ang kaniyang unang kanonikal na liham (mga 62-64 C.E.) sa “mga pansamantalang naninirahan na nakapangalat sa Ponto” at sa iba pang mga bahagi ng Asia Minor. (1Pe 1:1) Yamang binanggit niya ang “matatandang lalaki” na dapat magpastol sa kawan, malamang na nagkaroon ng mga kongregasyong Kristiyano sa Ponto. (1Pe 5:1, 2) Ang Judiong nagngangalang Aquila na isang katutubo ng Ponto ay naglakbay patungong Roma at pagkatapos ay patungong Corinto, kung saan niya nakatagpo ang apostol na si Pablo.—Gaw 18:1, 2.