RIPAT
Isang anak ni Gomer at apo ni Japet. (Gen 10:2, 3; 1Cr 1:6) Sa 1 Cronica 1:6 ang nasa tekstong Hebreo Masoretiko ay “Dipat”; ngunit ang nasa Griegong Septuagint, sa Latin na Vulgate, at sa mga 30 manuskritong Hebreo ay “Ripat.” Ang pagkakaiba sa baybay ay resulta marahil ng pagsulat ng tagakopya ng Hebreong daʹleth (ד) sa halip na ng Hebreong res (ר), yamang ang mga titik ay magkahawig na magkahawig.
Si Ripat ay nakatalang kabilang sa mga pinagmulan ng iba’t ibang bansa at mga tao na nangalat sa lupa kasunod ng pangglobong Baha. (Gen 10:32) Ang tanging pagtukoy sa kasaysayan may kinalaman sa kaniyang mga inapo ay ginawa ni Josephus, na nabuhay noong unang siglo C.E., na nag-aangking ang sinaunang mga tumatahan sa Paphlagonia (sa kahabaan ng T na panig ng Dagat na Itim sa hilagang-kanlurang Asia Minor) ay tinatawag noon na mga Ripeano. Iniuugnay rin ng ilang iskolar ang pangalang ito sa pangalan ng isang ilog sa lugar na iyon na tinatawag na Rhebas, samantalang mas pabor naman ang iba na iugnay ito sa distrito ng Rhebantia sa rehiyon ng Bosporus, sa mas dako pang K. Ang limitadong pagbanggit kay Ripat sa rekord ng Bibliya at ang kawalan ng pagtukoy sa pangalang iyon mula sa sinaunang sekular na kasaysayan na taglay natin ay hindi nagpapahintulot ng tiyakang pag-uugnay.