SALEM
[Kapayapaan].
Isang sinaunang lunsod kung saan naging hari at saserdote si Melquisedec. (Gen 14:18) Ang Hebreong baybay ng “Salem,” gaya ng pagkakalakip nito sa pangalang Jerusalem, ay nagpapahiwatig ng isang doblihang anyo anupat ang salita ay maaaring bigyang-katuturan bilang “Dobleng Kapayapaan.” Pinatutunayan ng kinasihang mga salita ng Hebreo 7:2 na ang pangalang ito ay nangangahulugang “Kapayapaan.”
Iniuugnay ng sinaunang tradisyong Judio ang Salem sa Jerusalem, at sinusuportahan ito ng Kasulatan. Si Abraham ay sinalubong ng hari ng Sodoma at ni Melquisedec sa “Mababang Kapatagan ng hari.” Yamang ang anak ni Haring David na si Absalom, pagkaraan ng maraming siglo, ay nagtayo ng isang bantayog doon, malamang na ang mababang kapatagang ito ay malapit sa Jerusalem, ang kabisera ng kaharian. (Gen 14:17, 18; 2Sa 18:18) Sa katunayan, ang salitang “Salem” ay nakalakip sa pangalang “Jerusalem,” at binanggit ito ng salmista kasama ng “Sion.” (Aw 76:2) Gayundin, angkop na si Melquisedec ay maging hari at saserdote sa mismong lugar kung saan naglingkod nang maglaon ang mga haring mula sa Davidikong linya at ang Levitikong pagkasaserdote at kung saan inihandog bilang hain si Jesu-Kristo, ang isa na pinili upang maging hari at saserdote “ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec.”—Heb 3:1; 7:1-3, 15-17.