TAGAKITA
Taong binigyan ng Diyos ng kakayahang umunawa ng Kaniyang kalooban, isa na nagtataglay ng gayong kaunawaan. Isa na ang mga mata ay inalisan ng lambong, wika nga, upang makita o maunawaan ang mga bagay na nakakubli sa mga tao sa pangkalahatan. Ang salitang Hebreo na ro·ʼehʹ, na isinaling “tagakita,” ay hinalaw sa salitang-ugat na nangangahulugang “makita,” sa literal man o sa makasagisag na paraan. Noon, ang tagakita ay isang taong sinasangguni ng iba upang hingan ng matalinong payo hinggil sa mga suliraning napapaharap sa kanila. (1Sa 9:5-10) Tinukoy ng Bibliya sina Samuel (1Sa 9:9, 11, 18, 19; 1Cr 9:22; 29:29), Zadok (2Sa 15:27), at Hanani (2Cr 16:7, 10) bilang mga tagakita.
Sa Kasulatan, ang mga katawagang “tagakita,” “propeta,” at “tagapangitain” ay may magkakahawig na kahulugan. Ngunit kung tungkol sa pagkakaiba ng mga terminong ito sa isa’t isa, ang “tagakita” ay maaaring nauugnay sa pagkaunawa, ang “tagapangitain” ay may kinalaman sa paraan kung paano ipinaalam ang kalooban ng Diyos, at ang “propeta” naman ay sa pagsasalita o paghahayag ng kalooban ng Diyos. Sina Samuel, Natan, at Gad ay pawang tinatawag na mga propeta (1Sa 3:20; 2Sa 7:2; 24:11), ngunit ipinakikita ng 1 Cronica 29:29 na may pagkakaiba-iba ang tatlong termino nang sabihin nitong, “sa mga salita ni Samuel na tagakita at sa mga salita ni Natan na propeta at sa mga salita ni Gad na tagapangitain.”
Sinasabi ng 1 Samuel 9:9: “Ang propeta ngayon ay tinatawag na tagakita noong mga panahong nagdaan.” Marahil, nang papatapos na ang mga araw ng mga Hukom at noong panahon ng mga hari sa Israel (na nagsimula sa mga araw ni Samuel), naging mas prominente ang mga propeta bilang mga tagapaghayag ng kalooban ng Diyos sa madla. Si Samuel ay karaniwan nang itinuturing na una sa hanay ng mga indibiduwal na tinatawag na “mga propeta.”—Gaw 3:24; 13:20; tingnan ang PROPETA.