PAGPIPIGIL SA SARILI
Pagsupil, pagpigil, o pagkontrol ng isa sa kaniyang sarili, sa kaniyang mga pagkilos, pananalita, o mga kaisipan. (Gen 43:31; Es 5:10; Aw 119:101; Kaw 10:19; Jer 14:10; Gaw 24:25) Ang mga terminong Hebreo at Griego na may kaugnayan sa pagpipigil sa sarili ay literal na nagpapahiwatig ng pagkakaroon ng kapangyarihan o kontrol sa sarili. Ang pagpipigil sa sarili ay isang ‘bunga ng espiritu ng Diyos’ (Gal 5:22, 23); at bagaman taglay ni Jehova ang kapangyarihan na walang limitasyon, nagpapakita siya ng pagpipigil sa sarili sa lahat ng panahon. Sa halip na karaka-rakang kumilos laban sa mga manggagawa ng kasamaan, pinahintulutan niyang lumipas ang panahon upang magkaroon sila ng pagkakataong tumalikod sa kanilang masasamang lakad at sa gayo’y magtamo ng kaniyang lingap.—Jer 18:7-10; 2Pe 3:9.
Gayunman, minsang mapatunayan na yaong mga binigyan ng panahon upang magsisi ay ayaw makinabang sa kaniyang awa, wasto lamang na hindi na magpigil si Jehova sa paglalapat ng kaniyang kahatulan. Isang halimbawa nito ang may kaugnayan sa mga nagtiwangwang sa Jerusalem. Palibhasa’y hindi nila kinilala na pinahintulutan lamang sila ni Jehova na masupil ang Israel upang disiplinahin ang mga Israelita dahil sa kanilang kawalang-katapatan, ang mga nagtiwangwang na ito ay nakitungo sa kanila nang walang awa at naglapat ng disiplina nang higit kaysa sa hinihiling ng kahatulan ng Diyos. (Ihambing ang Isa 47:6, 7; Zac 1:15.) Patiuna nang alam ni Jehova ang bagay na ito, at sa pamamagitan ng propetang si Isaias, ipinahiwatig niya na darating ang panahon na hindi na siya magpipigil sa pagpaparusa sa mga nagtiwangwang na iyon: “Nanahimik ako nang mahabang panahon. Nanatili akong walang imik. Patuloy akong nagpigil ng aking sarili. Tulad ng babaing nanganganak, ako ay daraing, hihingal, at sisinghap nang magkakasabay. Ako ay magwawasak ng mga bundok at mga burol, at ang lahat ng kanilang pananim ay tutuyuin ko.”—Isa 42:14, 15.
Si Kristo Jesus din ay nagpakita ng pagpipigil sa sarili. Nang itawag-pansin ng apostol na si Pedro sa mga tagapaglingkod sa bahay ang pangangailangang magpasakop sa mga may-ari sa kanila, sumulat siya: “Sa katunayan, sa landasing ito ay tinawag kayo, sapagkat maging si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak. . . . Nang siya ay laitin, hindi siya nanlait bilang ganti. Nang siya ay magdusa, hindi siya nagbanta, kundi patuloy na ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.”—1Pe 2:21-23.
Sa “mga huling araw,” ang kawalan ng pagpipigil sa sarili ay isa sa mga katangiang pagkakakilanlan niyaong mga hindi nagsasagawa ng tunay na Kristiyanismo. (2Ti 3:1-7) Gayunman, yamang ang mga Kristiyano ay dapat na maging mga tagatulad sa Diyos at sa kaniyang Anak (1Co 11:1; Efe 5:1), dapat silang magsikap na linangin ang pagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay. (1Co 9:25) Sinabi ng apostol na si Pedro: “Idagdag sa inyong pananampalataya ang kagalingan, sa inyong kagalingan ang kaalaman, sa inyong kaalaman ang pagpipigil sa sarili, sa inyong pagpipigil sa sarili ang pagbabata, sa inyong pagbabata ang makadiyos na debosyon, sa inyong makadiyos na debosyon ang pagmamahal na pangkapatid, sa inyong pagmamahal na pangkapatid ang pag-ibig. Sapagkat kung ang mga bagay na ito ay nasa inyo at nag-uumapaw, pipigilan kayo ng mga ito sa pagiging alinman sa di-aktibo o di-mabunga may kinalaman sa tumpak na kaalaman sa ating Panginoong Jesu-Kristo.”—2Pe 1:5-8.
Lalung-lalo nang dapat makita ang pagpipigil sa sarili sa gitna niyaong mga naglilingkod bilang mga tagapangasiwa sa mga kongregasyong Kristiyano. (Tit 1:8) Sa salita at gawa, kailangang panatilihin ng mga tagapangasiwa ang kanilang pagpipigil sa sarili upang maging epektibo sila sa pag-aasikaso sa mga suliranin sa loob ng kongregasyon. Nagpayo ang apostol na si Pablo kay Timoteo: “Karagdagan pa, tanggihan mo ang mangmang at walang-muwang na mga pagtatanong, yamang nalalaman mong lumilikha ng mga pag-aaway ang mga ito. Ngunit ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging banayad sa lahat, kuwalipikadong magturo, nagpipigil sa ilalim ng kasamaan, nagtuturo nang may kahinahunan doon sa mga hindi nakahilig sa mabuti.”—2Ti 2:23-25.
Kapag nawalan ng pagpipigil sa sarili ang isa, maaaring masira ang kaniyang mahabang rekord ng tapat na paglilingkod at maaari itong magdulot sa kaniya ng maraming suliranin. Ang isang halimbawa nito ay ang nangyari kay Haring David. Bagaman siya’y matapat sa tunay na pagsamba at may pag-ibig para sa matuwid na mga simulain ng kautusan ng Diyos (ihambing ang Aw 101), si David ay nangalunya kay Bat-sheba, at nag-utos pa nga na ilagay ang asawa nitong si Urias sa harap ng pagbabaka kung saan madali itong mamamatay. Dahil dito, sa loob ng maraming taon pagkatapos nito, si David ay sinalot ng matitinding suliranin sa loob ng kaniyang pamilya. (2Sa 12:8-12) Ipinakikita rin ng nangyari sa kaniya na isang katalinuhan ang umiwas sa mga situwasyong maaaring umakay sa pagkawala ng pagpipigil sa sarili. Bagaman maaari naman sana siyang umalis sa bubong ng kaniyang palasyo, maliwanag na patuloy na tiningnan ni David si Bat-sheba habang ito’y naliligo kung kaya nagkaroon siya ng masidhing pagnanasa rito.—2Sa 11:2-4.
Sa katulad na paraan, hindi makabubuti para sa isang taong walang pagpipigil sa sarili na manatiling walang-asawa kung maaari naman siyang pumasok sa isang marangal na pag-aasawa at sa gayo’y mapangalagaan ang kaniyang sarili mula sa pakikiapid. May kinalaman dito, sumulat ang apostol na si Pablo: “Kung wala silang pagpipigil sa sarili, mag-asawa sila, sapagkat mas mabuti ang mag-asawa kaysa magningas sa pagnanasa.”—1Co 7:9, 32-38.