TINAPAY NA PANTANGHAL
Labindalawang tinapay na inilalagay sa isang mesa sa Banal na silid ng tabernakulo o templo at pinapalitan ng bago tuwing Sabbath. (Exo 35:13; 39:36; 1Ha 7:48; 2Cr 13:11; Ne 10:32, 33) Ang literal na katawagang Hebreo para sa tinapay na pantanghal ay “tinapay ng mukha.” Kung minsan, ang salita para sa “mukha” ay tumutukoy sa “presensiya” (2Ha 13:23), kaya naman ang tinapay na pantanghal ay nasa harap ng mukha ni Jehova bilang isang palagiang handog sa harap niya. (Exo 25:30, tlb sa Rbi8) Ang tinapay na pantanghal ay tinutukoy rin bilang “magkakapatong na tinapay” (2Cr 2:4), “mga tinapay na panghandog” (Mar 2:26), at “mga tinapay” (Heb 9:2).
Pananagutan ng mga Kohatita ang pagluluto ng tinapay na pantanghal “sa bawat sabbath,” gayundin ang pagdadala nito kapag inililipat ang tabernakulo. (Bil 4:7; 1Cr 9:32) Bawat isa sa 12 tinapay na hugis-singsing ay gawa sa dalawang omer (0.2 epa; katumbas ng 4.4 L o 4 na tuyong qt) ng mainam na harina, at ayon kay Josephus, hindi ginagamitan ng lebadura ang mga ito. (Jewish Antiquities, III, 142 [vi, 6]) Kapag Sabbath, ang mga lumang tinapay ay inaalis sa mesa ng tinapay na pantanghal na nasa H panig ng dakong Banal (Exo 26:35) at pinapalitan ng 12 bagong tinapay. Ang mga tinapay ay pinagpapatung-patong sa dalawang salansan na tig-aanim. Nilalagyan ng dalisay na olibano ang bawat salansan. Ayon sa tradisyong Judio, ang olibano ay inilalagay sa mga ginintuang sisidlan at hindi sa mismong mga tinapay. Kapag ang tinapay na pantanghal ay inaalis tuwing Sabbath, sinasabing ang olibano ay sinusunog sa altar.—Lev 24:5-8.
Ang mga lumang tinapay ay mga kabanal-banalang bagay, palibhasa’y nasa dakong Banal sa harap ni Jehova sa loob ng isang linggo, at ang mga ito ay kakainin ng mga Aaronikong saserdote sa isang dakong banal, na maliwanag na isang dako sa bakuran ng santuwaryo. (Lev 24:9) Sa Bibliya, iisa lamang ang iniulat na pangyayari kung saan ang mga lumang tinapay ay kinain ng mga di-Aaronita. Noong si David ay tumatakas kay Saul, humingi siya ng tinapay para sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga tauhan mula kay Ahimelec na mataas na saserdote. Yamang walang “pangkaraniwang tinapay” si Ahimelec, ibinigay niya kay David ang mga lumang tinapay na pantanghal. Subalit ginawa lamang ito ng mataas na saserdote matapos tiyakin sa kaniya ni David na si David at ang mga tauhan nito ay malinis sa seremonyal na paraan, at dahil naniwala siyang si David ay nasa isang misyon para sa hari. (1Sa 21:1-6) Tinukoy ni Jesu-Kristo ang insidenteng ito nang tutulan ng mga Pariseo ang pangingitil ng kaniyang mga alagad ng mga uhay ng butil noong Sabbath.—Mat 12:3-7; Luc 6:1-4.