SUNAMITA
[Ng (Mula sa) Sunem].
Taong naninirahan sa Sunem. Si Abisag, na tagapag-alaga ni David noong siya’y matanda na, ay tinawag na “Sunamita.”—1Ha 1:3, 4, 15; 2:17, 21, 22; tingnan ang ABISAG.
Hindi binanggit ang pangalan ng prominenteng babae ng Sunem na nagpakita ng pagkamapagpatuloy sa propetang si Eliseo. Palagian niyang pinaglaanan ng pagkain at matutuluyan ang propeta. Dahil sa kaniyang kabaitan, ginantimpalaan siya ng isang anak na lalaki. Nang mamatay ang batang ito pagkaraan ng ilang taon, ang babaing Sunamita ay naglakbay nang mga 30 km (19 na mi). Pagkakita niya kay Eliseo sa Bundok Carmel, ipinahayag niya ang kaniyang matinding pamimighati, sa pagsasabing: “Humingi ba ako ng anak na lalaki sa pamamagitan ng panginoon ko? Hindi ba sinabi ko, ‘Huwag mo akong akayin sa isang bulaang pag-asa’?” Pagkabalik ni Eliseo kasama ng babae, ang propeta ay nanalangin kay Jehova, at muling nabuhay ang bata.—2Ha 4:8-37.
Nang babalaan ni Eliseo tungkol sa dumarating na taggutom, ang babaing Sunamita, na lumilitaw na isa nang balo, kasama ang kaniyang sambahayan, ay nanirahan sa gitna ng mga Filisteo nang pitong taon. Pagkatapos nito, siya ay bumalik at natuklasan niyang kinumpiska ang kaniyang mga ari-arian. Nang malaman ng hari ang mga ginawa niya kay Eliseo, ang lahat ng kaniyang pag-aari ay ibinalik sa kaniya.—2Ha 8:1-6.