SIMEON
[Nakikinig].
1. Ang ikalawa sa 12 anak ni Jacob; pinanganlan nang gayon sapagkat, ang sabi ng kaniyang inang si Lea, “nakinig si Jehova, sapagkat ako ay kinapopootan kaya ibinigay rin niya sa akin ang isang ito.”—Gen 29:32, 33; 35:23-26; 48:5; Exo 1:1-4; 1Cr 2:1, 2.
Nang ang kaniyang amang si Jacob ay nagkakampo malapit sa Sikem, si Simeon, kasama ng kaniyang sumunod na nakababatang kapatid na si Levi, ay nagpamalas ng mapaghiganting galit na labis na mabagsik at malupit. Bagaman di-alam at walang pahintulot ng kanilang ama, pinangahasan nilang ipinaghiganti ang dangal ng kanilang nakababatang kapatid na si Dina sa pamamagitan ng pagpatay sa mga Sikemita, anupat nagdala ito ng sumpa sa buong pamilya ni Jacob.—Gen 34:1-31.
Nang maglaon, nasangkot si Simeon sa paggawa ng masama nang isaplano niya at ng kaniyang mga kapatid na patayin si Jose. (Gen 37:12-28, 36) Hindi binanggit kung si Simeon, bilang ang sumunod sa panganay, ang pasimuno sa pakanang ito laban sa buhay ni Jose. Pagkaraan ng maraming taon, nang sinusubok ni Jose bilang administrador ng pagkain sa Ehipto ang kaniyang mga kapatid, si Simeon ang pinili niya na igapos at ibilanggo hanggang sa madala ng iba pa niyang mga kapatid si Benjamin sa Ehipto.—Gen 42:14-24, 34-36; 43:15, 23.
Bago mamatay si Jacob, nang pinagpapala niya ang kaniyang mga anak, inalaala ni Jacob nang may paghatol ang karahasan nina Simeon at Levi may kaugnayan sa mga Sikemita maraming taon na ang nakararaan, na sinasabi: “Mga kasangkapan ng karahasan ang kanilang mga sandatang pamatay. Sa kanilang matalik na kapisanan ay huwag kang pumasok, O kaluluwa ko. Sa kanilang kongregasyon ay huwag kang makiisa, O kalooban ko, sapagkat sa kanilang galit ay pumatay sila ng mga tao, at sa kanilang sariling kagustuhan ay pinilay nila ang mga toro. Sumpain ang kanilang galit, sapagkat iyon ay malupit, at ang kanilang poot, sapagkat iyon ay kumikilos nang may kabagsikan. Paghahati-hatiin ko sila sa Jacob at pangangalatin ko sila sa Israel.” (Gen 49:5-7) Sa gayon ay inalis ni Jacob ang anumang pag-asa ni Simeon na siya ang tatanggap ng pagkapanganay na naiwala ng kaniyang nakatatandang kapatid na si Ruben. Nagkaroon si Simeon ng anim na anak, na ang isa ay mula sa isang babaing Canaanita. Gaya ng inihula, hindi magkasanib ang takdang bahagi ng mga tribo ni Simeon at ni Levi, kundi ang dalawang ito ay ‘nakakalat’; maging sa teritoryo mismo ng Simeon, ang bahagi nito ay hati-hati bilang mga nakapaloob na lunsod sa teritoryo ng Juda.—Gen 46:10; Exo 6:15; 1Cr 4:24; Jos 19:1.
2. Ang tribo ng Israel na nagmula sa mga pamilya ng anim na anak ni Simeon: sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jakin, Zohar, at Shaul. (Gen 46:10; Exo 6:15) Noong panahon ng paglalakbay ng Israel sa ilang, nagkampo ang Simeon kasama ng Ruben at Gad sa gawing T ng tabernakulo, at ang tatlong-tribong pangkat na ito ay pinangungunahan ng Ruben. Kapag humahayo, ang pagkakaayos ding ito ng mga tribo ang sinusunod nila, at si Selumiel ang naging pinuno ng Simeon, kapuwa sa kampo at sa hukbo.—Bil 1:4, 6; 2:10-15; 10:18-20.
Lumiit ang Populasyon ng Tribo. Nang kunin ang unang sensus isang taon pagkatapos ng Pag-alis sa Ehipto, ang tribo ni Simeon ay may 59,300 matitipunong lalaki na 20 taóng gulang at pataas na karapat-dapat sa paglilingkod militar. (Bil 1:1-3, 22, 23) Ngunit pagkaraan ng mga 39 na taon, ipinakita ng ikalawang sensus na lubhang kumaunti ang tribo, anupat 22,200 na lamang ang nasa kategoryang iyon. Ito ay mahigit 62 porsiyentong kabawasan, na malaki ang kababaan kaysa sa anumang naranasan ng ibang mga tribo.—Bil 26:1, 2, 12-14.
Hindi binanggit ni Moises ang pangalan ng Simeon sa kaniyang panghuling pagpapala sa Israel. Hindi ito nangangahulugan na hindi pinagpala ang tribo, sapagkat kabilang ito sa panlahatang pagpapala na binigkas nang dakong huli. (Deu 33:6-24, 29) Ang Simeon ang unang binanggit sa mga tribo na inatasang tumayo sa Bundok Gerizim may kaugnayan sa mga pagpapalang bibigkasin.—Deu 27:11, 12.
Tiyak na isinaalang-alang ang lumiit na populasyon ng Simeon nang iatas ang indibiduwal na mga teritoryo sa Lupang Pangako; ang tribo ay hindi binigyan ng hiwalay at buong lupain kundi sa halip ay mga lunsod na nakapaloob sa teritoryo ng Juda. Sa ganitong paraan, ang hula ni Jacob nang mamamatay na siya, na binigkas mahigit 200 taon na ang nakararaan, ay natupad. (Bil 34:16-20; Jos 19:1-9; ihambing ang Gen 49:5-7.) Nakipagtulungan ang Simeon sa Juda sa pag-agaw sa teritoryong ito mula sa mga kamay ng mga Canaanita. (Huk 1:1-3, 17) Nagtalaga rin ng mga nakapaloob na lunsod sa mana ng Simeon para sa tribo ni Levi.—Jos 21:4, 9, 10; 1Cr 6:64, 65.
Binanggit sa Kasaysayan ng Bibliya Nang Dakong Huli. Paminsan-minsan ay binabanggit ang mga Simeonita sa kasaysayan ng Israel nang dakong huli—noong panahon ni David (1Cr 4:24-31; 12:23, 25; 27:16), noong mga araw ni Asa (2Cr 15:8, 9), at noong panahon ni Josias (2Cr 34:1-3, 6, 7). Ipinakikita ng ulat tungkol sa mga reporma ni Josias na, bagaman ang teritoryo ng Simeon ay nakapaloob sa Juda, ang Simeon ay pumanig sa hilagang kaharian may kaugnayan sa pamamahala at relihiyon. Lumilitaw na noong mga araw ni Hezekias, pinabagsak ng 500 Simeonita ang nalabi sa mga Amalekita at pagkatapos ay nanahanan sila sa lupain ng mga ito.—1Cr 4:41-43.
Sa makahulang mga aklat ng Ezekiel at Apocalipsis, ang pangalan ng Simeon ay lumilitaw kasama ng iba pang mga tribo ng Israel. Sa plano ng Lupang Pangako na nakita ni Ezekiel sa pangitain, ang pahabang teritoryo na nakaatas sa Simeon ay nasa pagitan ng Benjamin at ng Isacar, sa T ng “banal na abuloy.” Ngunit ang pintuang-daan na nakaatas sa Simeon sa T ng banal na lunsod ay kasama ng mga pintuang-daan ng Isacar at ng Zebulon. (Eze 48:21-25, 28, 33) Sa Apocalipsis kabanata 7, sa pangitain hinggil sa 144,000 na tinatakan, ang Simeon ang ikapitong tribo na nakatala.—Apo 7:7.
3. Ang matuwid at mapagpitagang matandang lalaki na pumasok sa templo noong mismong araw na dalhin doon nina Jose at Maria ang batang si Jesus. Isiniwalat ng Diyos kay Simeon na makikita niya ang Kristo bago siya mamatay. Kaya binuhat niya ang sanggol sa kaniyang mga bisig, pinagpala si Jehova, at habang sumasakaniya ang banal na espiritu, ipinahayag niya sa ina ng bata: “Ang isang ito ay inilagay para sa pagbagsak at sa muling pagbangon ng marami sa Israel.” Inihula rin ni Simeon na si Maria ay lubhang mapipighati, na para bang patatagusan ng isang tabak, dahil sa napakasakit na kamatayang daranasin ng anak niyang ito.—Luc 2:22, 25-35.