SA PAGTATAPOS ng unang siglo C.E., ang binuhay-muling si Jesu-Kristo, sa isang nakaaantig na paraan, ay nagpakita ng masidhing interes sa kaniyang mga pinahirang tagasunod na narito pa sa lupa. Paano? Sa pamamagitan ng pagpatnubay niya sa matanda nang apostol na si Juan sa pagsulat nito ng mga liham sa “pitong kongregasyon na nasa distrito ng Asia.” (Apo 1:1-4) Ang mga liham na iyon ay naglalaman ng lubhang kinakailangang pampatibay-loob, payo, at babala.
Sa ngayon, mga guho na lamang ang matatagpuan sa mga lugar ng karamihan sa mga lunsod na dating kinaroroonan ng mga kongregasyong iyon. Ngunit, ang mga guhong ito ay nagbibigay ng katibayan na ang mga isinulat ay tumutukoy sa tunay na mga lugar, aktuwal na mga situwasyon, at mga tao na talagang nabuhay. Gayunman, mas kawili-wiling malaman na itinatawag-pansin ng mga mensaheng ito ang mga kalagayang iiral sa hinaharap sa kongregasyong Kristiyano.