NARDO
[sa Heb., nerd; sa Gr., narʹdos].
Isang maliit at aromatikong halaman (Nardostachys jatamansi) na matatagpuan sa Kabundukan ng Himalaya. Karaniwang ipinapalagay na ang mga tangkay at ugat ng halamang ito ang pinagmumulan ng nardo na binabanggit sa Kasulatan. (Sol 1:12; 4:13, 14; Mar 14:3) Ang halamang nardo ay may maiitim at mabalahibong mga tangkay na mga 5 sentimetro (2 pulgada) ang haba na tumutubo mula sa ugat nito. Ang mga dahon nito ay umuusbong mula sa itaas na bahagi ng halaman, na ang dulo ay may kulay-rosas na mga bulaklak.
Upang mapreserba ang halimuyak nito, ang pabangong nardo, isang likidong malabnaw at mamula-mula, ay inilalagay at tinatakpan nang mahigpit sa mga sisidlang alabastro, isang bato na di-gaanong matigas, kadalasan ay maputi at tulad-marmol, na ipinangalan sa Alabastron, Ehipto, kung saan ginagawa ang mga lalagyang yari sa materyales na ito. Noong sinaunang panahon, namumuhunan ang mga tao sa ungguentong nakalagay sa maliliit na sisidlang ito. (Ju 12:5) Ang isang libra ng mabangong langis, “tunay na nardo,” na ibinuhos ni Maria, mula sa isang sisidlang alabastro, sa ulo at mga paa ni Jesu-Kristo ‘para sa libing nito,’ ay tinatayang nagkakahalaga ng 300 denario, katumbas ng humigit-kumulang isang-taóng kita ng manggagawa. (Mar 14:3-9; Ju 12:3-8; Mat 20:2) Ipinahihiwatig ng napakataas na halaga nito na maaaring nagmula pa ito sa malayong India. Dahil napakamamahalin nito, ang nardo ay madalas na binabantuan o ginagawan pa nga ng imitasyon. Kaya kapansin-pansin na ginamit kapuwa ni Marcos at ni Juan ang pananalitang “tunay na nardo.”