ESTEFANAS
[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “korona; putong”].
Isa sa mga may-gulang na miyembro ng kongregasyon sa Corinto, ang kabisera ng Romanong probinsiya ng Acaya sa timugang Gresya. Personal na binautismuhan ni Pablo ang sambahayan ni Estefanas bilang ang “mga unang bunga” ng kaniyang ministeryo sa probinsiyang iyon. (1Co 1:16; 16:15) Pagkaraan ng mga limang taon, mga 55 C.E., si Estefanas, kasama ang dalawa pang kapatid mula sa Corinto, ay dumalaw kay Pablo sa Efeso, at maaaring sa pamamagitan nila nalaman ni Pablo ang nakapipighating mga kalagayan na isinulat niya sa kaniyang unang kanonikal na liham sa mga taga-Corinto. (1Co 1:11; 5:1; 11:18) At maaaring sa pamamagitan din ng kanilang mga kamay naihatid ang liham na ito sa Corinto.—1Co 16:17.