ESTOICO, MGA
Mga pilosopong nakaharap ni Pablo noong nangangaral siya sa pamilihan sa Atenas. Bagaman bahagyang nagbago ang kanilang mga pangmalas sa paglipas ng panahon, ang mga Estoico ay pangunahin nang naniniwala na ang materya at puwersa (kung minsan, ang huling nabanggit ay tinatawag na tadhana, dahilan, o Diyos) ang saligang mga simulain sa uniberso. Para sa mga Estoico, ang lahat ng bagay, kahit ang masasama at mabubuting katangian, ay materyal. Palibhasa’y hindi naniniwala na ang Diyos ay isang Persona, ipinapalagay nila na ang lahat ng bagay ay bahagi ng isang di-personang bathala at na dito nanggaling ang kaluluwa ng tao. Bagaman inaakala nila na ang kaluluwa ay patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan, naniniwala ang ilang Estoico na sa dakong huli ay mapupuksa ito kasama ng uniberso; naniniwala naman ang iba na sa katapus-tapusan ay muli itong lalakip sa bathalang iyon. Pinanghahawakan ng mga Estoico na upang matamo ng tao ang sukdulang tunguhin, ang kaligayahan, dapat niyang gamitin ang kaniyang makatuwirang pag-iisip upang maunawaan niya ang mga batas na umuugit sa uniberso at makapamuhay siya kaayon ng mga ito. Samakatuwid, para sa kanila, ang isang matuwid na buhay ay nangangahulugan ng ‘pagsunod sa kalikasan.’ Sa palagay nila, ang taong tunay na marunong ay hindi nababahala sa kirot o kaluguran at hindi apektado ng kayamanan o karalitaan at mga katulad nito. Naniniwala sila na kapalaran ang umuugit sa mga pangyayari sa buhay ng mga tao, at kung waring gabundok na ang mga suliranin, itinuturing nilang katanggap-tanggap ang pagpapatiwakal.
Matapos makipagsamahan sa mga Cynico nang ilang panahon, itinatag ni Zeno ng Citium, Ciprus, ang hiwalay na paaralang ito ng pilosopiya noong mga 300 B.C.E. Kinuha ng kaniyang mga alagad ang pangalang Estoico sa Stoa Poikile, ang pinintahang beranda sa Atenas kung saan siya nagturo. Ang pilosopiyang Estoico ay higit pang pinalawak partikular na nina Cleanthes at Chrysippus at malawakan ding tinanggap ng mga Griego at mga Romano, anupat kabilang sa mga naging tagapagtaguyod nito sina Seneca, Epictetus, at ang Romanong emperador na si Marcus Aurelius. Lumaganap ito hanggang noong mga 300 C.E.
Tulad ng mga Epicureo, ang mga Estoico ay hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli gaya ng itinuturo ng mga Kristiyano. Kaya naman nang ipahayag ni Pablo ang mabuting balita tungkol kay Jesus at ang pagkabuhay-muli, tinawag nila siyang isang ‘daldalero’ at sinabing siya’y waring “isang tagapaghayag ng mga bathalang banyaga.” Nang maglaon, matapos siyang dalhin sa Areopago, sinipi ni Pablo ang mga akda ng mga Estoicong sina Aratus ng Cilicia (sa kaniyang Phænomena) at Cleanthes (sa Hymn to Zeus), na sinasabi: “Sapagkat sa pamamagitan [ng Diyos], tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral, gaya nga ng sinabi ng ilan sa mga makata sa inyo, ‘Sapagkat tayo rin ay kaniyang mga supling.’”—Gaw 17:17-19, 22, 28.