PAGSIKAT NG ARAW, PAGLUBOG NG ARAW
Ang panahon kung kailan waring umaahon ang araw mula sa kagiliran, at ang panahon kung kailan ito naglalaho sa paningin pagbaba nito ng kagiliran. Ang mga panahong ito ay mahahalagang yugto sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao noong kapanahunan ng Bibliya. Para sa karamihan ng mga tao, hinahawi ng bukang-liwayway ang tabing mula sa maghapong aktibidad at isinasara naman ito ng takipsilim. Gaya ng isinulat ng salmista: ‘Ang araw ay lumulubog. Nagpapangyari ka ng kadiliman, upang maging gabi; doon gumagala ang lahat ng maiilap na hayop sa kagubatan. Ang mga may-kilíng na batang leon ay umuungal dahil sa sisilain at dahil sa paghahanap ng kanilang pagkain mula sa Diyos. Ang araw ay nagsisimulang sumikat—nag-aalisan sila at nahihiga sila sa kani-kanilang taguang dako. Ang tao ay humahayo sa kaniyang gawain at sa kaniyang paglilingkod hanggang sa kinagabihan. Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha.’—Aw 104:19-24.
Ang pagsikat ng araw ay nagsisilbing palatandaan ng pasimula ng likas na yugto ng liwanag ng araw at, noong nasa lupa si Jesu-Kristo, ng pasimula ng pagbilang ng “labindalawang oras na liwanag ng araw.” (Mar 16:2; Ju 11:9) Sabihin pa, marami ang gising na bago magbukang-liwayway, tulad ng masikap na babae sa Kawikaan 31:15. Binabanggit din na si Jesus ay bumangon bago sumikat ang araw, upang gumugol ng panahon sa pananalangin. (Mar 1:35) Kapag sumikat na ang araw, binubuksan ang malalaking pintuang-daan ng lunsod, pumaparoon ang mga lalaki sa kanilang mga bukid o mga ubasan, pumipila ang mga babae sa mga balon upang umigib, napupuno ng tao ang mga pamilihan, at dumadaong naman ang mga mangingisda upang ipagbili ang mga isdang nahuli sa nagdaang magdamag, pagkatapos nito ay nililinis at inaayos nila ang kanilang mga lambat.
Nagpapatuloy ang normal na mga aktibidad at pagtatrabaho sa maghapon hanggang sa paglubog ng araw. Kapag malapit na itong lumubog, bumabalik na ang mga lalaki mula sa kanilang mga bukid, ibinibigay ng kanilang mga panginoon ang kabayaran nila sa maghapong iyon, ipinapasan at iniuuwi ng mga babae ang kanilang suplay ng tubig sa gabi, isinasara ang mga pintuang-daan ng lunsod, at pinasisimulan ng mga bantay ang una sa apat na pagbabantay sa gabi, habang sa buong lunsod ay nagsisimulang magliwanag sa mga tahanan ang mga lamparang de-langis. (Huk 19:14-16; Mat 20:8-12; Deu 24:15; Gen 24:11; Ne 13:19; Mar 13:35) Gayunman, para sa marami, nagpapatuloy ang pagtatrabaho pagkatapos ng hapunan, habang naghahabi o nagsasagawa ng iba pang mga gawang-kamay sa bahay ang masisipag na lalaki at babae. (Kaw 31:18, 19; 2Te 3:8) Kung minsan ay ipinagpapatuloy pa ni Jesus at ng kaniyang mga apostol ang kanilang ministeryo at ang kaugnay nitong aktibidad hanggang sa gumabi.—Mat 14:23-25; Mar 1:32-34; 4:35-39; Luc 6:12; 2Co 6:4, 5.
Bagaman ang paglubog ng araw ay nagsisilbing palatandaan ng pagtatapos ng yugto ng liwanag ng araw, sa mga Judio naman ay ito ang umpisa ng bagong araw sa kalendaryo, na opisyal na nagsisimula sa paglubog ng araw, anupat binibilang mula sa gabi hanggang sa gabi. (Lev 23:32; ihambing ang Mar 1:21, 32, na nagpapakitang ang araw na iyon, isang sabbath sa kasong ito, ay nagwakas sa gabi.) Kung gayon, sa paglubog ng araw nagsimula ang Nisan 14 at sumapit ang panahon upang patayin ang kordero at kainin ang Paskuwa.—Exo 12:6-10; Deu 16:6; Mat 26:20; tingnan ang PASKUWA.
Dahil nagwawakas ang isang buong araw sa paglubog ng araw, may ilang bagay na hinihiling ang Kautusan na dapat isagawa sa pagkakataong iyon. Ang isang kasuutang kinuha bilang panagot ay kailangang ibalik sa may-ari nito “sa paglubog ng araw.” (Exo 22:26; Deu 24:13) Sa pagkakataon ding iyon ay dapat ibigay ang kabayaran sa mga inupahang trabahador (Deu 24:15), ang isang bangkay na nakabitin sa isang tulos ay kailangang alisin at ilibing (Deu 21:22, 23; Jos 8:29; 10:26, 27), at ang isang tao na naging marumi sa seremonyal na paraan ay kailangang maligo at, pagkalubog ng araw, ituturing na siyang malinis muli (Lev 22:6, 7; Deu 23:11). Dahil winawakasan ng paglubog ng araw ang isang buong araw at pinasisimulan naman ang isang bagong araw, lalong nagiging makahulugan ang payo ng apostol: “Huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit.”—Efe 4:26.
Ang pagsikat o pagniningning ng araw ay paminsan-minsang ginagamit sa makasagisag na paraan. Sa 2 Samuel 23:3, 4, ang paghahari ng isang matuwid na tagapamahala na natatakot sa Diyos ay sinasabing nakagiginhawa gaya ng “liwanag sa kinaumagahan, kapag sumisikat ang araw, isang umaga na walang ulap.” (Ihambing ang Mal 4:2; Mat 17:2; Apo 1:16.) Alang-alang sa mga lingkod ng Diyos ay hinihiling kay Jehova: “Ang mga umiibig sa iyo ay maging gaya nawa ng araw kapag yumayaon sa kaniyang kalakasan.”—Huk 5:31; Mat 13:43; Aw 110:3; Dan 12:3; ihambing ang pagkakaiba sa Mik 3:5, 6; Ju 3:19, 20.
Ang mga terminong “pagsikat ng araw” at “paglubog ng araw” ay ginagamit din sa isang heograpikong diwa, nangangahulugang mula sa S hanggang sa K. (Exo 27:13; Jos 1:4; Aw 107:3; Apo 16:12) Ito ang diwa ng Awit 113:3: “Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito ang pangalan ni Jehova ay dapat purihin.” (Tingnan din ang Mal 1:11; Isa 45:6.) Ang ‘mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog ng araw’ ay maaari ring mangahulugan ng buong araw.