SIRYA
Ang rehiyon na ang kahangga sa S ay Mesopotamia, sa K ay ang Kabundukan ng Lebanon, sa H ay ang Kabundukan ng Taurus, sa T ay ang Palestina at Disyerto ng Arabia. Ang rehiyong ito ay tinatawag na Aram sa Hebreong Kasulatan. Tinantiya lamang ang mga hangganang ito, yamang ang impluwensiya at pamumuno ng Sirya sa loob ng lugar na ito ay madalas na pabagu-bago at di-matatag.
Noong Panahon ng mga Patriyarka. Hinggil sa panahon ng mga patriyarka, ang tanging mga ulat ng Bibliya na taglay natin tungkol sa mga Siryano ay may kaugnayan sa mga pangyayari sa palibot ng Haran may kinalaman sa buhay ng pamilya ni Rebeka, anupat ang kaniyang amang si Betuel at kapatid na si Laban ay kapuwa inilalarawan bilang mga Siryano, o sa literal, mga Arameano. (Gen 25:20; 28:5; 31:20, 24) Si Jacob ay inilarawan bilang “isang pumapanaw na Siryano” sapagkat nanirahan siya nang 20 taon sa lugar na nasa palibot ng Haran. Doon ay napangasawa niya ang dalawang anak ni Laban at nagkaanak siya ng mga lalaki at mga babae; nakaranas din siya ng kapighatian habang naglilingkod kay Laban. Karagdagan pa, ang ina ni Jacob ay isang Siryana.—Deu 26:5; Gen 31:40-42; Os 12:12.
Kapanahunan ng mga Hukom. Noong kapanahunan ng mga Hukom nang humiwalay ang mga Israelita mula sa pagsamba kay Jehova, sinupil sila ng Siryanong hari na si Cusan-risataim sa loob ng walong taon. (Huk 3:7-10) Noong isang pagkakataon naman, lubhang lumakas ang impluwensiya ng Sirya anupat napasamba nito ang Israel sa kaniyang mga diyos pati na sa iba pang mga bathalang pagano.—Huk 10:6.
Kapanahunan ng mga Hari ng Israel at ng Juda. Mula sa pagsilang ng monarkiya ng Israel at pagkaraan nito, ang Sirya ay naging aktibo sa militar na pananalakay, at sa buong kasaysayan ng hilagang kaharian, umiral ang pagkakapootan sa pagitan ng dalawang ito. Ang unang hari ng Israel, si Saul, ay nakipagdigma sa mga Siryanong hari ng Zoba. (1Sa 14:47) Si David, nang maging hari, ay nagdulot ng malaking kapinsalaan sa hukbo ng Siryanong si Haring Hadadezer. Kasabay nito, maraming ginto, pilak, at tanso ang kinuha at pinabanal para kay Jehova. Naglagay rin si David ng mga garison sa Damasco at pinilit niya ang mga Siryano na magbayad ng tributo. (2Sa 8:3-12; 1Cr 18:3-8) Nang maglaon, mahigit sa 30,000 Siryanong mersenaryo na inupahan ng mga Ammonita ang tumakas sa harap ng mga Israelita sa halip na lumaban. Ngunit pagkatapos na maglabas ng karagdagang mga Siryano, sinundan ito ng pakikipagbaka sa Israel at dumanas ang mga Siryano ng malubhang kapinsalaan, anupat naging dahilan upang humiling sila ng kapayapaan.—2Sa 10:6-19; 1Cr 19:6-19.
Pagkatapos nito, isang Siryanong rebelde na nagngangalang Rezon, na tumakas mula kay Hadadezer, ang gumawang hari sa kaniyang sarili sa Damasco at naging kalaban ng Israel sa lahat ng mga araw ni Solomon. (1Ha 11:23-25) Dahil sa mga pangyayaring ito, ang Damasco ay naging pinakaprominenteng Siryanong lunsod at matagal na kinilala bilang “ang ulo ng Sirya,” na pinagtuunan ng mga kapahayagan ni Jehova laban sa bansang iyon.—Isa 7:8; 17:1-3; Am 1:5.
Pagkatapos na mahati ang kaharian ng Israel. Ang kasaysayan ng mga Siryano sa Bibliya pagkatapos na mamatay si Solomon at mahati ang kaniyang kaharian ay naglalahad, sa kalakhang bahagi, ng kanilang mga tagumpay at mga kabiguan sa pakikipag-ugnayan nila sa mga Israelita kapuwa mula sa hilaga at sa timugang kaharian. May partikular na mga pangyayaring binabanggit na naganap noong panahon ng mga paghahari nina Asa (1Ha 15:18-20; 2Cr 16:2-4, 7), Ahab (1Ha 20:1-34; 22:3, 4, 29-35; 2Cr 18:10, 28-34), Jehoram ng Israel (2Ha 6:24–7:16; 8:28, 29; 9:14b, 15; 2Cr 22:5, 6), Jehoas ng Juda (2Ha 12:17, 18; 2Cr 24:23, 24), Jehoahaz (2Ha 13:3-7, 22), Jehoas ng Israel (2Ha 13:14-19, 24, 25), Jotam (2Ha 15:37, 38), Ahaz (2Ha 16:5-9; 2Cr 28:5; Isa 7:1-8; 9:12), at Jehoiakim (2Ha 24:2). Lubhang di-pangkaraniwan, anupat karapat-dapat sa pantanging pagbanggit, nang magkaroon ng ‘tatlong taon na walang digmaan sa pagitan ng Sirya at ng Israel.’—1Ha 22:1.
Ang propeta ni Jehova na si Eliseo ay nagkaroon ng ilang pakikipag-ugnayan sa mga Siryano; halimbawa, pinagaling niya ang ketong ng Siryanong pinuno ng hukbo na si Naaman (2Ha 5:1-20), at ibinunyag niya kay Hazael na ito ang magiging hari ng Sirya kahalili ng panginoon nito na si Ben-hadad II. (2Ha 8:7-15) Noong isang pagkakataon naman, nang palibutan ng isang hukbo ng mga Siryano ang Dotan upang kuning bihag si Eliseo, hiniling muna ng propeta sa Diyos na pasapitan ang mga ito ng isang uri ng pagkabulag, at pagkatapos ay dinala niya ang mga ito sa Samaria, kung saan nanauli ang kanilang paningin; pagkatapos ay iniutos niyang pakainin ang mga ito at pauwiin. (2Ha 6:8-23) Para sa higit pang detalye tungkol sa mga karanasang ito ng mga Siryano sa propeta, tingnan ang artikulong ELISEO.
Ang mga Siryano ay mga Semita, anupat may malapit na kaugnayan at pakikipagsamahan sa mga Israelita. Ngunit noong ikawalong siglo B.C.E., magkaibang-magkaiba na ang kanilang mga wika anupat hindi na nakauunawa ng Aramaiko ang karaniwang Judio. (2Ha 18:26-28; Isa 36:11, 12; tingnan ang ARAMAIKO [Ang Wika].) Gayundin may kaugnayan sa relihiyon, may malalaking pagkakaiba sa pagitan ng politeistikong mga Siryano at ng mga Judio. Saka lamang nakapasok sa lupain ng Israel ang pagsamba sa mga diyos ng Sirya noong nag-apostata na ang Israel.—Huk 10:6; 2Ha 16:10-16; 2Cr 28:22, 23.
Noong Unang Siglo C.E. Ang Sirya noong panahong apostoliko ay tumutukoy sa Romanong probinsiya na idinagdag ni Pompey sa imperyo noong 64 B.C.E. Saklaw ng probinsiyang ito ang malaking bahagi ng dating teritoryo ng Sirya. Pinangasiwaan din ng gobernador ng Sirya ang buong Palestina. Noong panahon ng kapanganakan ni Jesus, ang Sirya ay pinamamahalaan ni Gobernador Quirinio, ang emisaryo ni Emperador Augusto, na ang tirahan ay nasa kabisera ng probinsiya at ikatlong pinakamalaking lunsod ng Imperyo ng Roma, ang Antioquia, na nasa Ilog Orontes. (Luc 2:1, 2) Nilimitahan ni Jesus ang kaniyang ministeryo sa mismong Palestina, ngunit ang mga ulat tungkol sa kaniyang kamangha-manghang mga himala ay nakarating “sa buong Sirya.”—Mat 4:24.
Nang mangalat ang mga Kristiyano sa Jerusalem dahil sa pag-uusig kasunod ng pagbato kay Esteban, dinala ng ilan sa kanila ang mabuting balita sa kabisera ng Sirya, ang Antioquia. Una, narinig ng mga Judio roon ang mensahe, at nang maglaon ay narinig naman niyaong mga mula sa ibang mga liping pambansa. Sina Bernabe at Pablo ay kapuwa nakatulong sa pagpapatibay sa kongregasyon ng Antioquia. Sa Siryanong lunsod na ito unang “tinawag na mga Kristiyano ang mga alagad sa pamamagitan ng patnubay mula sa Diyos.”—Gaw 11:19-26; Gal 1:21.
Noong mga taóng 46 C.E., nang magkaroon ng isang malaking taggutom noong panahon ng paghahari ni Emperador Claudio, ang mga Kristiyano sa Antioquia at sa palibot nito ay nagpadala ng tulong bilang paglilingkod sa pamamagitan nina Bernabe at Pablo sa kanilang mga kapatid sa Jerusalem. (Gaw 11:27-30) Ang liham may kinalaman sa pagtutuli na ipinadala ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem ay partikular na para sa mga kongregasyon sa Antioquia, Sirya, at Cilicia (isang karatig na rehiyon). (Gaw 15:23) Noong mga taon nang malawakang naglalakbay si Pablo bilang isang misyonero, ginamit niya ang Antioquia ng Sirya bilang kaniyang pinakatahanan.—Gaw 15:40, 41; 18:18; 20:3; 21:3; Gal 2:11.