PANIRANG-DAMO
[sa Ingles, weed].
Sa pangkalahatan, nakapipinsalang mga halaman na tila walang pakinabang sa pinagtutubuan ng mga ito. Bagaman sinisikap ng ilang iskolar na iugnay sa espesipikong mga halaman ang iba’t ibang salita sa orihinal na wika na isinalin sa Bibliya bilang “panirang-damo,” hindi posibleng matiyak ang pagkakakilanlan nito.
Itinuturing na ang salitang Hebreo na boʼ·shahʹ ay hinalaw sa isang salitang-ugat na nangangahulugang “bumaho” at sa gayon ay malamang na sumasaklaw sa iba’t ibang uri ng halaman na mababaho ang amoy, “mababahong panirang-damo.” Sa diwa ay sinabi ng tapat na si Job na kung ang naging landasin niya sa buhay ay hindi sa katapatan, kung gayon, sa halip na sebada ay bayaang tumubo ang mababahong panirang-damo.—Job 31:40.
Isa pang terminong Hebreo, chohʹach, ang inuunawang tumutukoy sa matitinik na halaman sa pangkalahatan, matitinik na panirang-damo na tumutubo sa sinasakang lupa at madaling dumami sa tiwangwang na lupain. (Job 31:40; Isa 34:13; Os 9:6) Ang salita ring iyon ay lumilitaw sa Job 41:2, kung saan waring ang tinutukoy ay isang tinik na ikinakabit sa mga hasang ng isda upang mabitbit iyon. Ang chohʹach ay ginagamit din sa makatalinghagang diwa. (Sol 2:2) Ang matinik na panirang-damo sa kamay ng isang lasenggo ay maaaring makapinsala sa kaniya at sa iba; gayundin naman ang mga taong hangal na gumagamit ng kawikaan sa maling paraan dahil hindi nila iyon nauunawaan. (Kaw 26:9) Inihambing ni Haring Jehoas ng Israel ang ikinilos ng mapagmapuring si Haring Amazias ng Juda nang ninais nitong makipaglaban sa kaniya, sa paghiling ng isang matinik na panirang-damo na makipag-alyansa sa kaniya ang sedro ng Lebanon ukol sa pag-aasawa.—2Ha 14:8, 9; 2Cr 25:18.
Lumilitaw na ang katawagang Hebreo na shaʹyith ay tumutukoy sa isang uri ng panirang-damo na tumutubo sa lupaing napabayaan o tiwangwang. (Isa 5:6; 7:23-25; 27:4) Ang terminong ito, isinaling “panirang-damo,” ay ginagamit sa makasagisag na paraan upang kumatawan sa mga tao na dahil sa kanilang kawalang-katapatan ay naging walang-halaga at karapat-dapat lamang sa pagkapuksa.—Isa 9:18, 19; 10:17-19; ihambing ang Dan 4:20-22.
Sa Kawikaan 24:31, waring ang anyong pangmaramihan ng terminong Hebreo na qim·mohsʹ, na karaniwang isinasaling “kulitis,” ay tumutukoy sa lahat ng uri ng panirang-damo.—Tingnan ang KULITIS.
Ang mga panirang-damo (sa Gr., zi·zaʹni·a) sa ilustrasyon ni Jesus sa Mateo 13:24-30, 36-43 ay karaniwang itinuturing na ang bearded darnel (Lolium temulentum), na kahawig na kahawig ng trigo hanggang sa gumulang ito, kung kailan madali nang makita ang kaibahan nito sa trigo dahil mas maliliit ang maiitim na binhi nito. Dahil dito, at sa bagay na nagkakasala-salabid ang mga ugat nito at ng trigo, talagang hindi isang katalinuhan na bunutin ang mga panirang-damo habang murà pa ang mga ito. Kung ang mga binhi ng darnel ay mapahalo sa mga butil ng trigo pagkatapos ng pag-aani, maaari itong magdulot ng napakasamang epekto sa makakakain niyaon. Ang pagkain ng tinapay na nahaluan ng napakaraming harina ng darnel ay sinasabing nagdudulot ng pagkahilo at maging ng nakamamatay na pagkalason. Ang nakalalasong sangkap ng mga binhi ng darnel ay karaniwang pinaniniwalaan na nagmumula sa fungus na tumutubo sa loob ng mga ito.