Buhay at Ministeryo ni Jesus
Ang Kapanganakan ni Jesus—Saan at Kailan?
NGAYONG malapit nang magsilang si Maria, bakit naglalakbay nang malayo si Jose? Bueno, ang emperador ng Imperyo Romano, si Cesar Augusto, ay nagbigay ng batas na lahat ay kailangang magbalik sa lunsod ng kaniyang kapanganakan upang doo’y parehistro. Kaya si Jose ay patungo sa kaniyang sariling bayan, ang lunsod ng Bethlehem.
Pagkarami-raming tao ang pumaroon sa Bethlehem upang magparehistro, at walang dako roon na matutuluyan si Jose at si Maria kundi isang pasabsaban. Dito, na kinaroroonan ng mga asno at iba pang mga hayop, isinilang si Jesus. Siya’y binalot ni Maria ng damit at inihiga siya sa isang pasabsaban, na kung saan naroon ang pagkain para sa mga hayop.
Tiyak na sa patnubay ng Diyos kaya nagbigay si Cesar Augusto ng ganitong utos sa pagpaparehistro. Kaya naman si Jesus ay isinilang sa Bethlehem, ang lunsod na bago pa man ay inihula na na sisilangan ng ipinangakong hari.
Anong pagkahalaga-halagang gabi nga niyaon! Doon sa kabukiran ay sumikat ang isang maningning na liwanag sa palibot ng isang pangkat ng mga pastol. Iyon ang kaluwalhatian ni Jehova! At sinabihan sila ng anghel ni Jehova: ‘Ipinanganak sa inyo ngayon sa Bethlehem ang isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon. Naroon siya sa isang pasabsaban.’ Biglang-biglang marami pang mga anghel ang nagsilitaw at nagsiawit: “Kaluwalhatian sa kaitaasan sa Diyos, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may mabubuting loob.”
Nang ang mga anghel ay lumisan, sinabi ng mga pastol sa isa’t-isa: ‘Tayo na sa Bethlehem at tingnan natin ang bagay na ito na ipinaalam sa atin ni Jehova.’ Dali-daling naparoon sila at nasumpungan nila si Jesus kung saan sinabi ng anghel. Nang ilahad ng mga pastol ang sinabi sa kanila ng anghel, lahat ng nakarinig niyaon ay nanggilalas. Iningatan ni Maria ang lahat ng mga pananalitang iyon at itinanim sa kaniyang puso.
Marami sa ngayon ang naniniwala na si Jesus ay isinilang noong Disyembre 25. Ngunit ang Disyembre ay maulan at maginaw na panahon sa Bethlehem. Hindi maaaring naroroon sa parang ang mga pastol nang magdamagan kasama ang kanilang mga kawan sa panahong iyon ng santaon. At, malamang na hindi hihilingin ng Romanong Cesar sa isang bayan na nakahilig na ngang maghimagsik laban sa kaniya na maglakbay sa kalubhaang iyon ng taglamig upang magparehistro. Kaya maliwanag na si Jesus ay isinilang nang nagsisimula ang taglagas. Lucas 2:1-20; Mikas 5:2.
◆ Bakit naglakbay at naparoon sa Bethlehem si Jose at si Maria?
◆ Anong kamangha-manghang bagay ang nangyari nang gabi na si Jesus ay isilang?
◆ Paano natin nalalaman na si Jesus ay hindi ipinanganak noong Disyembre 25?
[Buong-pahinang larawan sa pahina 9]