Higit Pang Pagsasaliksik sa Salita ng Diyos
‘Kung sasaliksikin mo ang paghanap dito na parang kayamanang natatago, masusumpungan mo ang mismong kaalaman ng Diyos.’—KAWIKAAN 2:4, 5.
1. Ano ang isang tunay na pinagmumulan ng kaligayahan, at bakit?
“MALIGAYA ang tao na nakakasumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan, sapagkat ang pakinabang dito ay maigi kaysa pakinabang sa pilak at sa ginto man. Mahalaga nga kaysa mga rubi, at lahat ng iba pang mga kinalulugdan mo ay hindi maihahalintulad dito. Ang haba ng mga araw ay nasa kaniyang kanang kamay . . . Siya’y punongkahoy ng buhay sa mga nanghahawakan sa kaniya, maliligaya yaong mga patuluyang nanghahawakang mahigpit sa kaniya.”—Kawikaan 3:13-18.
2. Bakit maligaya ang mga Saksi ni Jehova, subalit ano ang ipinapayo sa kanila mula sa panahon ng kanilang bautismo?
2 Ang mga tunay na Kristiyano ay maliligaya sa kanilang pagkasumpong ng karunungan. Iyan ay nangangahulugan ng kakayahan na gamitin ang kanilang kaalaman sa Salita ng Diyos sa kanilang masiglang pagsamba, sa paglutas ng kanilang mga problema sa araw-araw, at sa paggawa ng mga desisyon tungkol sa kanilang tunguhin sa buhay. Bago tanggapin sa bautismo ng mga Saksi ni Jehova, ang bawat kandidato ay sinusubok sa kaniyang saligang kaalaman sa Bibliya sa pamamagitan ng isang malawakang pagtatanong sa kaniya ng mahalagang mga katanungan. Isa sa mga panghuling tanong ay: “Pagkatapos na mabautismuhan ka sa tubig, bakit mahalaga na ikaw ay patuloy na magkaroon ng isang mabuting iskedyul para ha personal na pag-aaral at sa palagiang pakikibahagi sa ministeryo?” Ikinikintal nito sa isip ng kandidatong iyon sa bautismo ang pangangailangan ng patuloy na pag-aaral pagkatapos ng mga unang simulain at siya’y kailangang “sumulong sa pagkamaygulang.” (Hebreo 6:1) Subalit lahat ba ay nakikinig sa payong ito?
3, 4. (a) Ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa ibang mga Kristiyano sa Corinto at sa Judea? (b) Ano ang makikitang nangyayari sa mga ibang Kristiyano sa ngayon?
3 Sa kaniyang unang liham sa mga Kristiyano sa Corinto, binanggit ni apostol Pablo na siya’y hindi nakapagsalita sa kanila na “tulad sa mga taong makaespiritu,” kundi siya’y kinailangan na magsalita sa kanila na “tulad sa mga sanggol kay Kristo.” (1 Corinto 3:1) Gayundin naman, siya’y sumulat, posible na sa mga Kristiyanong naninirahan sa Judea: “Tungkol sa kaniya’y marami kaming sasabihin at mahirap ipaliwanag, palibhasa’y nagsipurol kayo sa inyong pakinig. Sapagkat bagaman nararapat na sanang kayo’y maging mga guro dahil sa katagalan, ngayo’y kailangan na naman turuan kayo buhat sa pasimula ng mga panimulang aralin ng banal na salita ng Diyos; at kayo’y naging tulad sa mga nangangailangan ng gatas, hindi ng pagkaing matigas. Sapagkat ang bawat tumatanggap ng gatas ay walang kasanayan sa salita ng katuwiran, sapagkat siya’y isang sanggol.”—Hebreo 5:11-13.
4 Gayundin naman, sa ngayon, nakikita na ang iba, minsang sila’y magkaroon na ng sapat na kaalaman upang mag-alay ng kanilang sarili kay Jehova, taglay ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa, ay hindi nagpapatuloy sa seryosong kinaugaliang pag-aaral na pangmatagalan. Baka inaakala nila na sila’y may sapat nang kaalaman upang “makapasa,” wika nga. Sila’y hindi lumalampas sa yugtong “gatas.” Tahasang sinasabi ni Pablo na ang gayong mga tao ay nananatiling “walang kasanayan sa salita ng katuwiran,” samakatuwid baga, sila’y hindi nasanay na gamitin ang “salita ng katuwiran” upang subukin ang mga bagay-bagay. Isinusog ni Pablo: “Ngunit ang matigas na pagkain ay para sa mga taong maygulang, sa kanila na sa kagagamit ay nasanay ang mga pang-unawa na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama.”—Hebreo 5:14.
“Matigas na Pagkain” ang Kailangan Para sa Paglaki
5, 6. (a) Ano ang nangyayari sa mga iba na matatagal na sa katotohanan, at bakit ito hindi normal? (b) Ano ang sinabi ni Pablo sa gayong mga tao, kayat ano ang dapat nilang gawin?
5 Ilan na bang taon na ikaw ay isang nag-alay na lingkod ni Jehova? Bulay-bulayin ang iyong espirituwal na pagsulong noong lumipas na mga taóng iyon. Ikaw ba’y walang naipaliliwanag sa Bibliya kundi yaong mga saligang katotohanan, ang “mga panimulang aralin ng banal na salita ng Diyos”? Ang mga iba ay Kristiyano na nang may 10 o 20 taon ngunit sila’y naroon pa rin sa yugtong “gatas.” Ano kaya ang iisipin ng mga tao tungkol sa isang bata na edad 10 taon, o sa isang lalaki o babae na edad 20 anyos, ngunit pinasususo pa ng gatas sa bote? Ito’y di normal, di ba? Di ba ang gayong pagkaing gatas ay pipigil sa paglaki ng taong iyon? Baka mabuhay din ang taong iyon, subalit siya’y hindi lálakí at magiging isang malakas at malusog na taong maygulang. Totoo rin iyan kung sa espirituwal na paraan.
6 Bakit ang iba na Kristiyano na sa loob ng maraming taon ay hindi pa malakas sa espirituwal upang maging aktibo sa pagtulong sa normal na “mga sanggol,” na hindi pa natatagalan ng kanilang paninindigan kay Jehova? Ang mga ito na hindi sumusulong sa loob ng mga taon ay pinag-ukulan ng panahon at atensiyon ng mga Kristiyanong hinirang na matatanda at iba pang mga maygulang. Gayunpaman, gaya ng sinasabi ni Pablo, sila ay ‘nararapat na sanang maging mga guro dahil sa katagalan.’ Upang maging mga guro, sila’y kailangang sumulong sa kabila pa roon ng pagkaing “gatas” at mahirati ng pagkain ng “matigas na pagkain.” Paano nila magagawa ito?—Hebreo 5:12.
7. Sang-ayon sa Hebreo 5:14, para kanino ang “matigas na pagkain,” at paano nagiging gayon ang isang Kristiyano?
7 Sinabi ni Pablo na “ang matigas na pagkain ay para sa mga taong maygulang,” at ayon sa kaniya sila’y yaong dahil “sa kagagamit ay nasanay ang mga pang-unawa na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama.” Sa ibang pananalita, yaong mga taong kinaugalian na ang paggamit ng anomang kaalaman nila sa Salita ng Diyos sa pagkakilala ng pagkakaiba ng mabuti at ng masama ay unti-unting nasasanay ang mga pang-unawa at maaabot nila ang pagkamaygulang Kristiyano. Sila’y masasanay ng paggamit sa “salita ng katuwiran” upang subukin ang mga bagay-bagay at sa ganoo’y makilala kung ano ang mabuti at kung ano ang masama na nakapipinsala sa moral, sa espirituwal, at maging sa pisikal. Sa pamamagitan ng pagkakapit ng kanilang natutuhan, sila’y hindi na ‘mawawalan ng kasanayan sa salita ng katuwiran.’ Sila’y magiging “mga taong maygulang,” yaong mga pinag-uukulan ng “pagkaing matigas.”—Hebreo 5:13, 14.
Magkaroon ng Mabubuting Kinaugaliang “Pagkain”
8. Paano ang isang Kristiyano ay maaaring limitado sa “gatas” ang kinakain, subalit paano niya mababago ang kaniyang mga kinaugalian sa espirituwal na “pagkain”?
8 Ang mga taong may sakit na matagal ding nagdiyeta sa gatas ay kailangang minsan pang magsanay na kumain ng matigas na pagkain. Gayundin, yaong mga nahirati ng “pagtikim-tikim” ng espirituwal na pagkain na isinisilbi ng “tapat at maingat na alipin,” at iniiwan sa kanilang plato yaong matitigas na pagkain na nangangailangan ng higit pang “pagnguya” (pag-iisip at pagsasaliksik), ay mangangailangan, wika nga, na magsikap na magkaroon ng mabubuting kaugalian sa espirituwal na “pagkain.” Kailangan nilang ‘gisingin ang kanilang malinaw na pag-iisip’ at ‘puspusang magsumikap sa ganang sarili nila.’—Mateo 24:45; 2 Pedro 3:1, 2; Lucas 13:24.
9. Ano ang makatutulong sa isang tao na nawalan ng kaniyang gana?
9 Tatlong bagay ang tutulong sa isang tao na nagkasakit upang manumbalik ang kaniyang gana sa matigas at nagpapalakas na pagkain: (1) tamang motibo, samakatuwid nga, ang paghahangad na gumaling at muling lumakas, (2) nagpapaganang pagkain na isinisilbi sa regular na mga oras, at (3) sapat na sariwang hangin at hersisyo. Paano ngang ang mga puntong ito ay tutulong sa isa na nawalan ng kaniyang gana sa lalong malalalim na mga bagay ng Salita ng Diyos?
10. Anong tamang motibo ang dapat na mag-udyok sa atin na pasulungin ang ating kaalaman sa Salita ng Diyos?
10 Sinomang tao na nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova ay dapat na mayroong matinding motibo na pasulungin ang kaniyang kaalaman sa Salita ng Diyos. Ang ating pag-ibig kay Jehova ang mag-uudyok sa atin na higit pang alamin ang kaniyang kahanga-hangang mga katangian, ang kaniyang kalooban, at ang kaniyang mga layunin. Ito’y nangangailangan ng higit na pag-aaral at pagbubulay-bulay. (Awit 1:1, 2; 119:97) Isa pa, ang ating pag-asa na mabuhay magpakailanman sa lupang Paraiso ng Diyos ay depende sa ating patuloy na ‘pagkuha ng kaalaman tungkol sa tanging tunay na Diyos at sa kaniyang Anak na si Jesu-Kristo.’ (Juan 17:3) Subalit ang ating paghahangad ng buhay na walang hanggan ay hindi dapat na maging pangunahing motibo natin sa pag-aaral ng Kasulatan. Iyan ang pagkakamali ng mga ilang Judio noon na walang pananampalataya. Ang ating “pagsasaliksik sa Kasulatan” ay kailangang gawin unang-una dahil sa pag-ibig sa Diyos at sa hangarin na gawin ang kaniyang kalooban.—Juan 5:39-42; Awit 143:10.
11. Paano tayo sinisilbihang palagian ng pampaganang pagkain?
11 Ang saganang pampaganang espirituwal na pagkain na isinisilbing palagian at “sa tamang panahon” ng “tapat at maingat na alipin” ay dapat magpakilos sa lahat sa atin na magpakita ng ating pagpapahalaga sa pamamagitan ng lubusang pakikinabang sa mabubuting bagay na inilaan. (Mateo 24:45) Dapat nating paunlarin ang mabubuting kaugalian sa espirituwal na “pagkain” sa pamamagitan ng paggamit ng sapat na panahon sa pagbabasa at pag-aaral ng lahat ng maiinam na materyal na lathala sa mga aklat at magasin ng Watch Tower Society. Ang espirituwal na pagkain ay isinisilbi sa regular na mga oras sa limang lingguhang mga pulong na isinaayos sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Ikaw ba ay dumadalo sa lahat ng mga pagpupulong na ito at handang-handa na makinabang sa pagkaing isinisilbi roon?
12. (a) Ano ang isa pang paraan na magagamit ng Kristiyano upang magkagana siya sa espirituwal na pagkain? (b) Kaya, ano ang maitatanong natin sa sarili?
12 Ang pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa ating kapuwa ang dapat mag-udyok sa atin na mag-aral ng Kaniyang Salita. (Lucas 10:27) Ang isang taong nawalan ng kaniyang pisikal na gana ay maaaring matulungan ng sariwang hangin at hersisyo. Gayundin naman, ang Kristiyano na ibig na magkagana sa “matigas na pagkain” ay maaaring matulungan sa pamamagitan ng paglabas niya sa pangangaral at paggamit ng kaniyang kaalaman sa pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian” at paggawa ng “mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 24:14; 28:19, 20) Tandaan, sinabi ni Pablo sa mga taong “nangangailangan ng gatas,” o espirituwal na mga sanggol, na sila’y ‘nararapat na sanang maging mga guro dahil sa katagalan.’ (Hebreo 5:12) Saan ikaw nakatayo, dahil sa haba ng panahon na ikaw ay isa nang tunay na Kristiyano? Kung isa kang kapatid na lalaki, ikaw ba’y sumulong na sa yugto na kung saan magagamit ka bilang isang “guro” sa larangan, at gayundin bilang isang hinirang na matanda sa kongregasyon? Kung ikaw naman ay isang kapatid na babaing Kristiyano, ikaw ba ay nakapagdadaos ng nagpapatibay na mga pag-aaral sa Bibliya sa mga tahanan ng mga tao na nagpapakita ng interes sa katotohanan ng Diyos o matutulungan mo kaya ang iyong kapuwa mga kapatid na Kristiyanong babae sa gawaing pagpapatotoo?
Gawing Kalugud-lugod ang Pag-aaral
13. Ano ang pagkakaiba ng pagbabasa at pag-aaral?
13 Sinasabi nga na ang pagbabasa ay isang kaluguran samantala ang pag-aaral ay isang gawain. May katotohanan naman iyan. Makagagawa ka ng maraming pagbabasa na nagsisilbing kalugud-lugod na libangan. Ano pa ang higit na kasiya-siya kundi ang isang oras o dalawa na ginugol samantalang maalwang nakaupo ka sa pagbabasa ng isang report buhat sa Yearbook of Jehovah’s Witnesses o ng isang labas ng magasing Gumising!? Subalit, ang pag-aaral ay isang gawain. Ganito ang sabi ng isang diksionaryo: “Ang pag-aaral ay nagpapahiwatig ng patuloy na may layuning pagbubuhos-isip kasabay ng maingat na pagbibigay-pansin sa mga detalye na malamáng magsiwalat ng mga posibilidad, pagkakapit, pagkakasari-sari, o mga kaugnayan ng bagay na pinag-aaralan.” Oo, ang pag-aaral ay nangangailangan ng pagpapagal. Subalit kung paano ang anomang gawain na naisagawa nang mainam ay maaaring maging kasiya-siya at kapaki-pakinabang, ang pag-aaral ay maaari ring maging kalugud-lugod at kasiya-siya sa paraang espirituwal. Sa atin ngang ikabubuti na gawin itong gayon. Papaano?
14. Ano kaya ang dapat mo pang gawin upang ang iyong personal na pag-aaral ay maging lalong kalugud-lugod at kapaki-pakinabang?
14 Upang ang pag-aaral ay maging kalugud-lugod at talagang kapaki-pakinabang, kailangang pag-ukulan natin ito ng sapat na panahon. Yamang ang “pag-aaral ay nagpapahiwatig ng patuloy na may layuning pagbubuhos-isip kasabay ng maingat na pagbibigay-pansin ng mga detalye,” gaanong kadalas mong masasabing iyong napag-aralan na ang iyong Bantayan o ang publikasyon na ginagamit sa inyong Congregation Book Study? Hindi ba lalong angkop sabihin na kadalasan pahapyaw na binabasa mo ang araling materyal at mabilis na sinasalungguhitan ang mga sagot sa mga tanong, nang hindi talagang pinag-aaralan ang mga detalye at ang mga dahilan sa ibinigay na mga paliwanag? Kung gayon, marahil ang unang hakbang na dapat mong gawin ay pasulungin ang mga kinaugalian sa espirituwal na “pagkain” upang ‘masamantala ang karapatdapat na panahon’ para sa pag-aaral. (Efeso 5:15-17) Marahil ito ay mangangailangan ng pagbabawas mo ng panahon sa mga ibang di gaanong importanteng mga aktibidades. Subalit marahil ay magtataka ka kung paano nagiging totoong kasiya-siya ang pag-aaral pagka pinag-ukulan mo ng sapat na panahon ang aralin imbes na pag-aralan mo iyon nang mabilisan.
15. Ano pa ang hindi maaaring kaligtaan upang ang pag-aaral ay maging kawili-wili at kapaki-pakinabang sa espirituwal?
15 Kaugnay ng paggamit ng sapat na panahon ay yaong panalangin. Kailangan ang pagpapala ni Jehova upang ang pag-aaral ay pakinabangan sa espirituwal. Tayo’y kailangang manalangin sa kaniya, sa pangalan ni Jesus, na doo’y hinihingi sa kaniya na buksan ang ating mga isip at puso at talagang handang tumanggap ng mga katotohanang pag-aaralan. Makailan na bang ikaw ay naupong nagmamadali upang maghanda para sa isang pulong, ngunit pagtatagal-tagal ay natalos mo na nakalimutan mo palang manalangin kay Jehova para hingin ang kaniyang pagpapala para bigyan ka ng karunungan na maikapit sa iyong araw-araw na pamumuhay ang mga bagay na natutuhan? Bakit mo ipagkakait sa iyong sarili ang tulong ni Jehova gayong naroroon iyon kung hihilingin mo lamang?—Santiago 1:5-7.
Higit Pang Pagsasaliksik
16. Kasuwato ng tekstong tema ng pag-aaral na ito, ano ang dapat nating gawin upang ating masumpungan ang kaalaman, pag-unawa, at kaunawaan?
16 Ang Kawikaan 2:4, 5 ay nagsasabi: ‘Kung parang kayamanang natatago ay sasaliksikin mo ang paghahanap dito, masusumpungan mo mismo ang kaalaman sa Diyos.’ Sang-ayon sa konteksto ng talatang iyan ay kailangan na saliksikin ang “mga salita” ni Jehova, ang kaniyang “mga utos,” “karunungan,” “kaunawaan,” at “pag-unawa.” Ang pagsasaliksik ng kayamanan ay nangangailangan ng pagpapagal at pagtitiyaga. Kailangan ang puspusang paghuhukay. Hindi naiiba diyan ang pagsasaliksik upang matagpuan “ang mismong kaalaman sa Diyos,” para sa “kaunawaan,” at para sa “pag-unawa.” Kailangan din dito ang puspusang pagsasaliksik, na tinatagos ang pinakailalim. Huwag mong isipin na sapat na ang pahapyaw na magbasa ng Salita ng Diyos.
17. Ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa mga pag-iisip ni Jehova, kayat ano ang dapat nating ipagpasalamat?
17 Isang salmista ang bumulalas: “Anong pagkadaki-dakila ng iyong mga gawa, O Jehova! Pagkalalim-lalim ng iyong mga pag-iisip.” (Awit 92:5) Si apostol Pablo ay sumulat nang may paghanga: “O anong lalim ng mga kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos!” (Roma 11:33) Sa isa pang liham, kaniyang binanggit “ang malalalim na bagay ng Diyos.” (1 Corinto 2:10) Totoo, gaya ng paliwanag ni Pablo, isinisiwalat ng Diyos ang gayong malalalim na bagay sa “pamamagitan ng kaniyang espiritu,” at itong nagpapakilos na puwersang ito ang gumagana sa pinahirang mga Kristiyano na hinirang ni Kristo Jesus upang maglaan ng espirituwal na pagkain. Dapat nga nating ipagpasalamat ang espirituwal na pagsasaliksik na ginagawa ng uring “alipin” upang gawing higit at higit na malinaw sa atin “ang natatagong mga kalaliman ng mga layunin ng Diyos.”—1 Corinto 2:10, Today’s English Version.
18. Paano higit pang masasaliksik ng bawat Kristiyano ang Salita ng Diyos, at ano ang inilaang pantanging mga gamit sa pagsasaliksik?
18 Ngunit hindi dahil diyan ay nawawalan na ang bawat indibiduwal na Kristiyano ng pananagutan na higit pang magsaliksik sa Salita ng Diyos, upang lubusang maunawaan ang mga kaisipan na ipinaliliwanag. Dito’y kailangan na basahin ang mga binanggit na teksto. Kailangan na basahin ang mga talababa sa mga artikulo ng Bantayan, at sa iba nito ay ipinababasa sa mga mambabasa ang isang nakaraan nang publikasyon na higit na nagpapaliwanag sa isang talata o hula. Kailangan dito ang higit pang pagsasaliksik, at paghanap sa binanggit na publikasyon at pagkatapos ay pag-aaral ng mga pahinang tinutukoy. Bahagi nito ang lubusang paggamit sa pantanging mga aklat-aralan sa Bibliya na inihanda ng uring “alipin,” tulad baga ng mga indise, concordance, Aid to Bible Understanding, at “All Scripture Is Inspired of God and Beneficial.” Oo, ang mga Kristiyano ay sinangkapan ng napakaiinam na mga gamit sa pagsasaliksik, at ang pinakabago nito ay yaong wikang-Ingles na Reference Bible, na balang araw, mapapalathala na sa marami pang mga ibang wika. Gamitin nating lubusan ang mga gamit na ito sa pagsasaliksik.
Mag-aral na May Layunin
19. Anong paalaala ang kailangan tungkol sa kaalaman?
19 Ang layunin ng ating higit pang pagsasaliksik sa Salita ng Diyos ay hindi upang madama natin na tayo’y nakahihigit sa ating mga kapatid o ipagpasikat ang ating kaalaman. Ganito ang malimit na ugali ng mga taong makasanlibutan. Sa prinsipyo, totoo rito ang isinulat ni Pablo: “Ang kaalaman ay nagpapalalo, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatibay.” (1 Corinto 8:1) Ang pag-ibig ang mag-uudyok sa atin na mapakumbabang gamitin ang ating kaalaman sa pangangaral at paggawa ng mga alagad at sa pakikibahagi nang maingat sa espirituwal na kayamanan ng mga pulong Kristiyano.
20. Anong mga payo ang ibinibigay sa atin ni Pablo tungkol dito?
20 Tayo’y “huwag nang maging mga sanggol pa,” kundi magsilaki tayo sa lahat ng bagay sa kaniya na siyang ulo, si Kristo.” (Efeso 4:13-15) “Tayo’y sumulong sa pagkamaygulang.” (Hebreo 6:1) Tayo’y maging mga taong maygulang, na nakikinabang sa “matigas na pagkain” na magpapalakas sa atin sa espirituwal at sa gayo’y mapapakinabangan tayo sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Subalit, ito’y hindi lamang pagkuha ng kaalaman sa pamamagitan ng pag-aaral. Dito’y kailangan ang pagkain sa mga salita ni Jehova o mga lathalang kapahayagan na taglay ang pagpapahalaga, na ating isasaalang-alang sa susunod na artikulo.—Awit 110:1; Isaias 56:8; 66:2.
Bilang Tagapagpaalaala
◻ Bakit ang iba ay palagi na lamang na espirituwal na “mga sanggol”?
◻ Ano ang tutulong sa isang tao upang maging maygulang?
◻ Paano tayo makapagkakaroon ng mabubuting kinaugalian sa espirituwal na “pagkain”?
◻ Ano ang magpapaging lalong kalugud-lugod sa ating personal na pag-aaral?
◻ Bakit kailangan na higit pang magsaliksik sa Salita ng Diyos?
[Kahon sa pahina 11]
Ang makatutulong sa isa upang lumusog sa espirituwal
1. Tamang motibo: Magkaroon ng matinding pagnanasa na higit na makilala si Jehova
2. Regular na pagkain: Makinabang sa espirituwal na pagkain na regular na isinisilbi ng “tapat at maingat na alipin”
3. Hersisyo: Gamitin ang kaalaman para tulungan ang iba, gaya baga ng paglabas sa larangan sa pangangaral